Paano tayo tutugon sa mga pag-unlad sa biyoetika? Ang tugon ni Papa Francisco ay isang panawagang ipagtanggol ang buhay

  • Ang bagong Video ng Papa ay nakatuon sa mga hamon ng biyoetika at kung paano tutugon sa mga ito batay sa dangal pantao at pagtatanggol sa buhay. 
  • Batid ang malalalim na pagbabagong dala ng pagsulong sa biyoetika sa mundo, inaanyayahan tayo ng Papang sabayan ang mga ito nang hindi na dumaragdag lalo sa kultura ng pagtatapon at naghahanap ng mga paraan upang magamit ang mga teknolohiya ng buhay nang responsable at may paggalang sa bawat tao at sa kapaligiran.
  • Tinatawag ni Francisco ang lahat ng mga Kristiyano na “huwag itago ang kanilang ulo na parang ostrich” at sa halip ay isulong ang pagtatanggol sa buhay.

(Lungsod ng Vaticano, ika-8 ng Marso 2022) – Ang Video ng Papa ngayong Marso ay inilathala, laman ang panalanging ipinagkakatiwala ni Papa Francisco sa buong Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa. Sa buwang ito, tinatalakay ng Santo Papa ang mga bagong hamong dala ng biyoetika sa mundo ngayon at nananawagan siya upang sa harap ng mga ito ay “laging isulong ang pagtatanggol sa buhay sa pamamagitan ng panalangin at sama-samang pagkilos”. Naprodyus ang videong ito sa pakikipagtulungan ng Pontipikong Akademya para sa Buhay.

¿Paano isasaalang-alang ang biyoetika mula sa isang Kristiyanong tugon?

Walang makatatanggi sa pag-unlad na ipinakita ng biyoetika nitong mga huling dekada. Ang disiplinang ito, bagamat bago kung ikukumpara sa iba, ay nakatuon maliban sa ibang bagay sa paggabay at pagninilay ukol sa mga masalimuot ng sitwasyong saklaw ang aspetong pang-ekonomiya, panlipunan, pang-ekolohiya, pang-etika, pang-biyomedisina at pang-biyoteknolohiya. Sa kanyang intensiyon para sa panalangin ngayong Marso, hinihimok tayo ng Santo Papa na huwag pigilan ang pag-unlad na kaakibat ng biyoetika at huwag “taguan” ang mga hamon sa pagkilos at pananaliksik na dala nito.

Ang panganib para sa mga Kristiyano na binibigyang diin ni Papa Francisco sa videong ito ay dalawa. Ang una ay ang ituring ang pag-unlad bilang kaaway at dahil dito ay tutulan at subuking “pigilan” ito. Ang ikalawang panganib ay magtiis na lang nang tahimik at magpatuloy na para bang walang nangyayari na tila “itinatago ang ulo na parang ostrich” kapag ang “paggalang sa dangal pantao” na ang pinag-uusapan. Iisa lang ang solusyon: “ang pagkilatis na sabay mas malalim at mas malumanay,” upang masamahan ang pag-unlad ng teknolohiya sa landas nito ng paglilingkod sa sangkatauhan.

Kaakibat ng ganitong diwa ang walang-sawang paanyaya ng Papa upang iwaksi ang kultura ng patatapon, tulad halimbawa ng mga frozen na embryo na itinuturing bilang “bagay na puwedeng itapon.” Nangangahulugan rin ito ng hindi pagtulot na masapawan ang mga pag-aaral at paggamit ng biyoetika ng “ganansiyang pang-ekonomiya” dahil “hindi natin matutumbasan ang halaga ng dignidad pantao kapalit ng pag-unlad.”

Dahil dito, hinihimok ni Francisco ang mga Kristiyano na “isulong ang pagtatanggol sa buhay” sa pamamagitan ng “panalangin” – na siyang sentrong pinag-iikutan ng mga intensyong iminumungkahi ng Papa sa bawat buwan at ipinapalaganap ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa sa pamamagitan ng Video ng Papa at ng app na Click to Pray – at gayundin sa pamamagitan ng “sama-samang pagkilos.” Sa ganitong paraan, tungkulin ng mga Kristiyanong makilahok sa pampublikong debate kung saan dapat marinig ang kanilang tinig sa isang wikang angkop at mga argumentong malinaw sa konteksto ng kasalukuyang lipunan – tulad ng ipinaalala kamakailan lamang ng Santo Papa sa Pontipikong Akademya para sa Buhay – nang hindi pinalalabnaw ang mga nilalaman nito at laging iginigiit ang pangangailangan sa pangkabuuhang pag-unlad ng sangkatauhan.

Ayon nga sa komento ni Padre Frédéric Fornos S.J., Pandaigdigang Direktor ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, ukol sa nilalaman ng intensyong ito: “Laging iginigiit ni Papa Francisco ang pangangailangan para sa higit na pagkilatis sa mga hamon ng biyoetika, ang pangangailangang igalang ang buhay ng tao, sa halip na isulong ang kanya-kanyang interes ayon sa mga lohika ng merkado na walang kinikilalang limitasyon. Kinakailangan ng mga pamantayan sa pagkilatis na makatutulong sa atin upang makawala sa kultura ng pagtatapon at maisulong ang paggalang sa buhay sa pangkabuuhang diwa nito, sa buong kahabaan ng buhay ng tao, mula pagsilang hanggang kamatayan. Ipanalangin natin na sa harap ng mga bagong hamon sa biyoetika, ay lagi nating maisulong, sa pamamagitan ng panalangin at sama-samang pagkilos, ang pagtatanggol sa buhay.”

Nagiging posible lamang ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito:

Saan mapapanood ang video? 

Tungkol sa Video ng Papa

Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layuning ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 167 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa. Nilikha at prinodyus ang mga video ng pangkat ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi at sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi Comunicación para Buenas Causas. Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa.

Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN)

Ang Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa (Pontifical Society/Work at Foundation) na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: www.popesprayer.va 

CONTACT

press@thepopevideo.org

adminPaano tayo tutugon sa mga pag-unlad sa biyoetika? Ang tugon ni Papa Francisco ay isang panawagang ipagtanggol ang buhay