PEBRERO | Para sa mga may karamdamang nakamámatáy

Ipagdasal natin na palaging makatanggap ang mga may nakamámatáy na karamdaman at ang kanilang mga pamilya ng kinakailangang pangangalaga at suporta, kapwa mula sa medikal at makataong pananaw.

Pope Francis – PEBRERO 2024

Sa pag-uusap tungkol sa mga nakamamatay na sakit, minsang napag-iisa itong dalawang salita: “di-magagamot” (incurable) at “di-mapangalagaan” (uncare-able). Pero, hindi sila pareho.
Kahit maliit ang posibilidad na gumaling, may karapatan ang lahat ng mga pasyente sa suportang medikal, suportang sikolohikal, suportang espirituwal, at suportang pantao.
Minsan hindi sila makapagsalita; minsan akala natin hindi nila tayo kilala; pero kung hawakan natin ang kamay nila, naiintindihan natin na kaisa natin sila.
Hindi laging nakakahanap ng paggaling. Ngunit lagi nating kayang alagaan ang maysakit, haplosin ang maysakit.
Sinabi ni San Juan Paul II na “pagalingin kung maaari, [pero] laging pagmalasakitan.”
At dito pumapasok ang pangangalagang pampatigháw (palliative care), na ginagarantiyahan ang pasyente hindi lamang ng pangangalagang medikal, kundi pati na rin ng suportang makatao at málapitán.
Di dapat pabayaang mag-isa ang mga pamilya sa mahihirap na panahong ito.
Napakahalaga nito. Kailangan nilang magkaroon ng angkop na paraan para magkaroon ng pisikal na suporta, espirituwal na suporta, panlipunang suporta.
Ipagdasal natin na palaging makatanggap ang mga may nakamámatáy na karamdaman at ang kanilang mga pamilya ng kinakailangang pangangalaga at suporta, kapwa mula sa medikal at makataong pananaw.

Credits

Campaign title:

The Pope Video – FEBRUARY | For the terminally ill

A project by Pope’s Worldwide Prayer Network

In collaboration with Vatican Media

Creativity and co-production by:

PRESS RELEASE

Hinihiling ni Francisco ang pangangalaga at pag-agapay para sa mga may sakit na nakamamatay at sa kanilang mga pamilya

  • Sa Video ng Papa ngayong Pebrero, ang buwan kung kailan ipinagdiriwang ng Simbahan ang Pandaigdigang Araw ng mga Maysakit, may panawagan upang ang mga may sakit na nakamamatay “ay palaging makatanggap ng kinakailangang pangangalaga at suporta, kapwa mula sa medikal at makataong pananaw”.
  • Binanggit rin ng Papa. ang “napakahalagang papel” ng mga pamilya na “di dapat pabayaang mag-isa sa mahihirap na panahong ito”.

(Lungsod ng Vaticano, ika-30 ng Enero 2024) – hinihiling ni Papa Francisco ang panalangin at pananagutan para sa mga may sakit na nakamamatay at sa kanilang mga pamilya sa edisyon ngayong Pebrero ng Video ng Papa. Ibinabahagi ng Santo Papa ang kanyang intensyon sa buwan na ito kung kailan ipinagdiriwang ang Pandaigdigang Araw ng mga Maysakit na itinakda ni Juan Pablo II tuwing ika-11 ng Pebrero, ang liturhikal na paggunita sa Birhen ng Lourdes.

Dagdag pa ni Francisco na “minsang napag-iisa itong dalawang salita: ‘di-magagamot’ (incurable) at ‘di-mapangangalagaan’ (uncare-able).  Pero, hindi sila pareho”. “Pagalingin kung maaari, [pero] laging magmalasakit“, pagsang-ayon ni Francisco kay Juan Pablo II sa bideong-mensahe na kanyang ipinapaabot sa bawat mananampalataya sa pamamagitan ng Pope’s Worldwide Prayer Network o Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin)

Pangangalaga at Pagpapagaling

Isang mag-asawa, na nakatalikod, ay pinagmamasdan ang dagat: yakap ng batang lalaki ang batang babae na nalagas na ang mga buhok dahil sa chemotherapy. Isang batang babae ang nasa higaan ng kanyang lolo, sa ospital, nakayakap sa kanya. Isang lalaki ang nakatayo sa tabi ng higaan ng kanyang ama, may hawak na Bibliya sa kanyang kandungan at isang Rosaryo sa kanyang mga kamay. Sinasamahan ng isang nurse ang isang pasyente na hindi na makalakad sa hardin. Ipinapaliwanag ng isang doktor sa isang pamilya ang mahirap na landas na kanilang tatahakin mula ngayon kasama ang kanilang mahal sa buhay.

Tulad ng ating makikita, ang mga larawan sa Video ng Papa ngayong Pebrero ay naglalahad sa atin ng sa isang serye ng mga kabiguan o tagumpay: mga kabiguan, kung ang tanging katanggap-tanggap na resulta ay pagpapagaling; tagumpay, kung ang layunin ay pangangalaga. Ang pagpapagaling at pangangalaga ay tila magkasingkahulugan, ngunit hindi. Malinaw itong ipinaliwanag ni Francisco: kahit na maliit ang pagkakataong gumaling, may karapatan ang lahat ng mga pasyente sa suportang medikal, suportang sikolohikal, suportang espirituwal, at suportang pantao”. At patuloy niya: Hindi laging nakakahanap ng lunas. Ngunit lagi nating kayang alagaan ang maysakit, haplusin ang maysakit”.

Mga maysakit, mga pamilya at palliative care

Sa ating kultura ng pagtatapon, walang lugar para sa mga may karamdaman na nakamamatay. At ito nagkataon lang na, sa nakalipas na mga dekada, ang tukso ng euthanasia ay lalo pang kumalat sa maraming bansa. Sa halip nito, inaanyayahan tayo ni Francisco na tunghayan nang may pagmamahal ang mga maysakit – upang maunawaan, halimbawa, na malaki ang magagawa ng pisikal na pagkalinga kahit na sa mga hindi na nakakapagsalita at tila hindi na nakikilala ang mga miyembro ng kanilang sariling pamilya – at upang samahan sila sa pinakamahusay na posibleng paraan hangga’t kailangan nila.

Hindi ito tungkol sa hindi kinakailangang pagpapahaba ng pagdurusa: sa kabaligtaran, iginigiit ng Papa ang kahalagahan ng palliative care at ng pamilya, na – gaya ng isinulat ng Congregation for the Doctrine of the Faith sa sulat na Samaritanus bonus noog 2020 – “ay nasa gilid ng maysakit at nagpapatotoo sa kanilang natatangi at walang katumbas na halaga”.

Tungkol naman sa palliative care, binigyang-diin ni Francisco na “tinitiyak nito sa pasyente hindi lamang ang pangangalagang medikal, kundi pati na rin ang makatao at malapit na pag-agapay”. Samantala, sa pagtuon sa papel ng mga pamilya, ipinapaalala niya na “di sila dapat pabayaang mag-isa sa mahihirap na panahong ito”, dahil “napakahalaga ng kanilang papel at kailangan nilang magkaroon ng angkop na paraan para magkaroon ng pisikal na suporta, espirituwal na suporta, panlipunang suporta”.

Dahil dito, nagtapos ang Papa sa pamamagitan ng paghingi ng panalangin at pananagutan ng lahat upang “ang mga may nakamámatáy na karamdaman at ang kanilang mga pamilya ay makatanggap ng kinakailangang pangangalaga at suporta, kapwa mula sa medikal at makataong pananaw”.

Tulad ng Mabuting Samaritano

Tanong ni Padre Frédéric Fornos S.J., Pandaigdigang Direktor ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, na matatagpuan sa 89 na bansa, na may mahigit 22 milyong Katoliko: “Ano ang layunin ng pagdarasal para sa intensyong ito? Hindi pa ba sapat na magbigay ng pahayag ang Santo Papa tungkol sa isyung ito? May nababago ba talaga ang pagdarasal? Ito ang mga tanong na maaari nating itanong sa ating sarili”. Pagtuloy ni Padre Fornos: “Sa tuwing ang pagkakasakit ay kumakatok sa pinto ng ating buhay, lagi nating kinakailangang magkaroon ng isang taong malapit na titingin sa atin sa ating mga mata, hahawak sa atin sa kamay, magpaparamdam ng kanyang lambing at magmamalasakit sa atin, tulad ng Mabuting Samaritano sa talinghasa sa Ebanghelyo. Ang pagiging malapit at pagmamahal na ito sa mga tao sa kanilang mga huling araw ay maaaring magmukhang kasangkapan at pangalawa lamang sa medikal na suporta, tulad na rin marahil ng panalangin; gayunpaman, ang suportang ito ay ubod ng halaga. Ito ang pag-ibig na ipinapahayag sa pamamagitan ng mga kilos na ito at ng ating panalangin. Sa mahihirap na sandali na ito, ang mga pamilya ay may mahalagang papel, sabi ni Francisco. Ipagdasal natin, kung gayon, na ang mga may karamdamang nakamamatay at ang kanilang mga pamilya ay laging matanggap ng kinakailangang pangangalaga at pag-agapay”.

Nagiging posible lamang ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito:

Saan mapapanood ang video?                                                 

 

Tungkol sa Video ng Papa

Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layuning ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin o Pope’s Worldwide Prayer Network). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 210 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa.  Nilikha at prinodyus ang mga video ng pangkat ng Apostolado ng Panalangin o ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi at sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi Comunicación para Buenas Causas.  Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa.

Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN)

Ang Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa (Pontifical Society/Work at Foundation) na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: https://www.popesprayer.va/

I-CONTACT ANG PRESS

[email protected]

Mga Karamdamang Nakamámatáy, Mga taong may karamdamang nakamámatáy, Sakit, Pangangalagang pampatigháw (pallative care), Pamilya, Ang Video ng Papa, Intensyon ng Panalangin, Click To Pray

adminPEBRERO | Para sa mga may karamdamang nakamámatáy