SETYEMBRE | Para sa Sigaw ng Daigdig

Manalangin tayo na ang bawat isa sa atin ay makinig nang buong puso sa sigaw ng Daigdig at ng mga biktima ng mga sakuna sa kapaligiran at pagbabago ng klima, sa pagtatayâ ng sarili sa pangángalagà sa mundong ating ginagalawan.

Papa Francisco – Setyembre 2024

Manalangin tayo para sa sigaw ng Daigdig.
Kung kunin natin ang temperatura ng planeta, sasabihin nito sa atin na nilalagnat ang Daigdig. At may sakit ito, tulad ng sinumang may sakit.
Ngunit nakikinig ba tayo sa sakit na ito?
Nakikinig ba tayo sa daíng ng milyun-milyong biktima ng mga sakuna sa kapaligiran?
Ang higit na nagdurusa sa mga kahihinatnan ng mga sakunang ito ay ang mga mahihirap, yaong napipilitang umalis sa kanilang mga tahanan dahil sa baha, init o tagtuyot.
Ang pagharap sa krisis sa kapaligiran na dulot ng mga tao, tulad ng pagbabago ng klima, polusyon o pagkawala ng biodiversity, ay humihingi ng mga tugon na hindi lamang ekolohikal, kundi panlipunan, pang-ekonomiya at pampulitika.
Dapat nating italaga ang ating sarili sa paglaban sa kahirapan at sa proteksyon ng kalikasan, sa pagbago ng ating mga gawi bilang mga indibidwal at bilang komunidad.
Manalangin tayo na ang bawat isa sa atin ay makinig nang buong puso sa sigaw ng Daigdig at ng mga biktima ng mga sakuna sa kapaligiran at pagbabago ng klima, sa pagtatayâ ng sarili sa pangángalagà sa mundong ating ginagalawan.

Credits

Campaign title:

The Pope Video – SEPTEMBER | For the cry of the Earth

A project by Pope’s Worldwide Prayer Network

In collaboration with Vatican Media

Creativity and co-production by:

PRESS RELEASE

 

Francisco: “Ang mga maralita ang higit na nagdurusa sa mga epekto ng mga likas na kalamidad”

  • Sa Ang Video ng Papa para sa Setyembre, inaanyayahan tayo ni Santo Papa Francisco na manalangin para sa pangangalaga sa mundo at dinggin ang panaghoy ng milyun-milyong biktima ng mga pangkalikasang sakuna.
  • Sa kanyang mensahe sa video, binigyang diin ng Santo Papa na “ang mga maralita ang higit na nagdurusa sa mga epekto ng mga likas na kalamidad” at kailangan nating “manindigan upang labanan ang kahirapan at pangalagaan ang kalikasan”.
  • Ang ating mundo “ay mayroong lagnat at hindi na nasa mabuting kalagayan,” wika ni Santo Papa Francisco, at nananawagan siya hindi lamang sa mga tugong pangkalikasan kundi maging sa mga tugong panlipunan, pang-ekonomiya, at pampulitika.”

(Lungsod ng Vatican, ika-30 ng Agosto 2024) – Ang intensyon ni Santo Papa Francisco para sa Setyembre ay para sa sigaw ng Daigdig, na “nilalagnat ang Daigdig. At may sakit ito, tulad ng sinumang may sakit.sa itong mabigat na panawagan na “harapin ang mga pangkalikasang krisis na dulot ng mga tao” at napapaloob ito sa Panahon ng Nilikha ng Diyos, isang panahon sa bawat taon kung saan nagninilay ang Simbahan tungkol sa pangangalaga sa iisang tahanan nating lahat.

Sa kanyang mensahe ngayong buwan sa Ang Video ng Papa, na isang produksyon ng Apostolado ng Panalngin [Pandaigdigang Ugnayang Panalangin ng Santo Papa (PWPN)] sa tulong ng Dikasteryo ng Pagpapalaganap ng Pangkabuuhang Pag-Unlad ng mga Tao, tinanong ni Santo Papa Francisco kung “dinidingginnatin ang sigaw ng Daigdig at panaghoy ng “milyun-milyong biktima ng mga pangkalikasang sakuna”. Nananawagan din ang Santo Papa “hindi lamang sa mga tugong pangkalikasan kundi maging sa mga tugong panlipunan, pang-ekonomiya, at pampulitika.”

Ang sangkatauhan at ang nilikha ng Diyos

Mga bagyo, sunog, tsunami, kakulangan sa ulan, at natutunaw na glacier: ang sigaw ng Daigdig, na sinalaysay sa Ang Video ng Papa para sa Setyembre, ay patindi nang patindi. Ang mga imaheng kaakibat ng mga sinalaysay ni Santo Papa Francisco ay nagpapakita ng mga epekto sa mga tao ng krisis sa klima: mga taong tumatakas mula sa mga pangkalikasang sakuna, mga migranteng mas nahihirapan dahil sa mga epekto ng pagbabago ng klima, mga batang napipilitang maglakbay nang malayo upang makahanap ng kaunting maiinom. “Ang mga maralita, ang mga napipilitang iwanan ang kanilang tahanan dahil sa mga pagbaha, heat wave, at kakulangan sa ulan – diin ni Santo Papa Francisco – ang higit na nagdurusa sa mga epekto ng mga pangkalikasang sakuna”.

Ang mga isyung sinalaysay ng Santo Papa ay napatunayan na sa mga mapagkakatiwalaang pag-aaral: ayon sa World Economic Forum, sampung porsyento lamang ng mga emisyong nakapagpapainit ng mundo ang nanggagaling sa mga mahihirap na bansa subalit ang mga bansang ito ang pinaka-apektado ng pagbabago ng klima. Pagdating ng taong 2050, tinatayang mahigit 200 milyong tao ang mapipilitang mangibang bansa at 130 milyong tao ang malulugmok sa kahirapan dahil sa pagbabago ng klima. 

“Ang paglaban sa kahirapan” at “ang pangangalaga sa kalikasan”, para kay Santo Papa Francisco, ay mga magkahilerang daan na kailangang magkasabay na tahakin: “sa pamamagitan ng pagbabago ng ating sariling gawi at ang gawi ng ating komunidad”. Ang sangkatauhan, na biktima ng krisis sa kalikasan, ay maaari ring maging instrumento ng pagbabago, at ipinapakita ito ng mga larawang inilahad sa Ang Video ng Papa: mula sa pangangasiwa sa basura hanggang sa transportasyon, mula sa agricultura hanggang sa pulitika, marami pang kailangang gawin at nakasalalay ito sa bawat isa sa atin. Dahil ang kahihinatnan ng sangkatauhan at ang kahihinatnan ng mga nilikha ng Diyos – na patuloy na binabanggit ng Santo Papa Francisco mula noong siya ay maging Santo Papa, mula sa liham niyang Laudato si’ (2015) hanggang sa Laudate Deum (2023) – ay hindi kayang paghiwalayin. 

Pag-asa at pagkilos kasama ang nilikha ng Diyos

Naaayon din ang mga pagninilay na ito sa mensahe ng Santo Papa para sa Pandaigdigang Araw ng Panalangin para sa Pangangalaga sa Nilikha ng Diyos 2024, kung saan ang tema ngayong taon ay isang teolohikal na pagninilay hango sa Liham sa mga Taga-Roma: “Pag-asa at Pagkilos Kasama ang Nilikha ng Diyos”. “Ang pangangalaga sa nilikha ng Diyos ay hindi lamang isang etikal na isyu; isa rin itong teolohikal na isyu dahil sa kwentong ito”, sa pagninilay ng Santo Papa, “hindi lamang nakasalalay ang buhay ng tao sa mundong ito; higit sa lahat, nakasalalay din ang kanyang buhay na walang hanggan.”

Ang Panahon ng Nilikha ng Diyos – isang inisyatibo ng Dikasteryo ng Pagpapalaganap ng Pangkabuuhang Pag-Unlad ng mga Tao kung saan ipinapalaganap ang pagdiriwang sa buhay at ang pangangalaga sa nilikha ng Diyos – ay magsisimula sa Setyembre 1 at matatapos sa Oktubre 4, ang kapistahan ni San Francisco ng Assisi, ang patron ng kalikasan.

Ang Dikasteryo ng Pagpapalaganap ng Pangkabuuhang Pag-Unlad ng mga Tao mismo ang nakipagtulungan sa paggawa ng Ang Video ng Papa ngayong buwan. Sabi ng pinuno nito na si Cardinal Michael Czerny: “Dumadaing na ang nilikha ng Diyos. Ang pagdurusa nito ay dahil sa mga tao, na sa halip na pangalagaan ito ay ‘nilalagay ito sa kalagayang hindi katangagap-tanggap, isang kalagayang tila’y pinagkaitan ng grasya ng Diyos’.  Ngunit, sa mensahe ng Santo Papa para sa Pandaigdigang Araw ng Panalangin para sa Pangangalaga sa Nilikha ng Diyos, inaanyayahan tayo ng Santo Papa bilang mga Kristyano na umasa at kumilos kasama ang nilikha ng Diyos, na maaaring isalin o itumbas sa pamumuhay nang may pananampalataya. Kailangan nating pakinggan ang boses ng Espiritu Santo at dalhin ang Kanyang pag-ibig sa ating kapwa at sa lahat ng nilikha ng Diyos. Makakamit lang natin ang tunay na kalayaan, ang pag-asang makakasama natin si Kristo, kung palalayain natin ang mundo mula sa gapos ng pagkaalipin na dulot ng pang-aalipin natin sa nilikha ng Diyos”.  

Pakikinig sa panaghoy ng nilikha ng Diyos

Pagninilay ni Fr. Frédéric Fornos S.J., pandaigdigang pinuno ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa: “Tumataghoy na ang mundo. Kasabay ng sigaw ng Daigdig, naririnig din natin ang panaghoy ng mga biktima ng pangkalikasang sakuna at ng pagbabago ng klima, kung saan ang pinaka-apektado ay ang mga bansang mas kaunti ang kakayahang tumugon sa mga epekto nito. Huwag natin silang hayaang magdusa. Lagyan natin ng mukha at pangalan ang mga kalamidad at sakunang naranasan ng iba’t ibang mga bansa sa nakalipas na dalawang taon: ang mga matinding sunog sa gubat sa Canada kung saan nasira ang milyun-milyong ektarya at napilitang lumikas ang libu-libong tao; ang mga nakamamatay na sunog sa Australia kung saan milyun-milyong hayop ang namatay at nasira ang kanilang mga tahanan; ang mga matinding pagbaha sa Pakistan kung saan lumubog ang isang katlo ng bansa na nagdulot ng pagkamatay ng daan-daang tao at ng paglikas ng milyun-milyong tao; mga biglaang pagbaha sa Germany at Belgium kung saan marami ang namatay at maraming imprastraktura ang nasira; matinding kawalan ng ulan sa Amazon na maaaring magdulot ng pagkawala ng biodiversity sa rehiyong ito; malalakas na heat wave sa India na nagdulot ng pagkamatay ng daan-daang tao at malupit na lagay ng pamumuhay para sa milyun-milyong tao; malalakas na bagyo sa Estados Unidos at sa Caribbean na nagdulot ng malawakang pagkasira at pagkawala ng buhay. Sumisigaw na ang mundo.

Dahil pinatigil nito ang ating buhay, ang pandemya sana ang tamang panahon upang tayo ay makapagnilay; upang matingnan natin kung tama pa ba ang pinupuntahan natin; upang baguhin ang tahak ng lipunan at ng ating buhay, bago pa mahuli ang lahat; at upang maproteksyunan natin ang iisang tirahan nating lahat. Ngunit napakaraming interes ang bumubulag sa atin. Inaanyayahan tayo ni Santo Papa Francisco na manalangin, dahil ang panalagin lang ang makapagpapagising sa ating mga manhid na puso.”

 

Posible lamang ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito: magbigay ng donasyon.

 

Saan mapapanood ang video?                                                                  

Tungkol sa Video ng Papa

Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layuning ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin o Pope’s Worldwide Prayer Network). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 228 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa.  Nilikha at prinodyus ang mga video ng pangkat ng Apostolado ng Panalangin o ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi at sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi Comunicación para Buenas Causas.  Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa

Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN-AP o Apostolado ng Panalangin)

Ang Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa (Pontifical Society/Work at Foundation) na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 226 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: www.popesprayer.va

Tungkol sa Dikasteryo ng Pagpapalaganap ng Pangkabuuhang Pag-Unlad ng mga Tao 

Ang Dikasteryo ng Pagpapalaganap ng Pangkabuuhang Pag-Unlad ng mga Tao ay itinatag ni Santo Papa Francisco noong Agosto 17, 2016. Mula January 1, 2017, ipinagkaloob na sa Dikasteryo ang mga gawain at kakayahan ng mga sumusunod na lupon o konseho: Konsehong Pontipikal para sa Katarungan at Kapayapaan, Konsehong Pontipikal Cor Unum, Konsehong Pontipikal para sa Pastoral na Pagkalinga sa mga Migrante, at Konsehong Pontipikal para sa mga Manggagawang Pangkalusugan. Ipinapalaganap ng Dikasteryo ang pangkabuuhang pag-unlad ng mga tao ayon sa Ebanghelyo at sa panlipunang doktrina ng Simbahan. Binibigyang pansin ng Dicasteryo ang mga isyu tungkol sa panlipunang katarungan; pinalalalim at pinauunlad nito ang mga tema tungkol sa kabutihang panlahat, kapayapaan, ang pangangalaga sa likha ng Diyos, karapatang pantao, kalusugan, pandarayuhan, at pangangalakal ng tao; at ipinahihiwatig nito ang pagmamalasakit ng Santo Papa sa mga taong nagdurusa at nangangailangan. May higit pang impormasyon sa: www.humandevelopment.va

 

CONTACT SA PRESS

PANDAIGDIGANG LAMBAT-PANALANGIN NG PAPA – LUNGSOD NG VATICAN

[email protected]

PARTNER:

DIKASTERYO NG PAGPAPALAGANAP NG PANGKABUUHANG PAG-UNLAD NG MGA TAO

[email protected]

Krisis Global, Daigdig, Ekolohiya, Kapaligiran, Paglaban, Pagtatayâ ng Sarili, Ang Video ng Papa, Intensyon ng Panalangin, Click To Pray

fiorellaSETYEMBRE | Para sa Sigaw ng Daigdig