Ipanalangin natin ang Simbahan upang matanggap niya mula sa Espiritu Santo ang biyaya at tapang upang baguhin ang kanyang sarili sa liwanag ng Ebanghelyo.
Pope Francis – August 2021
Ebanghelisasyon ang tukóy na bokasyon ng Simbahan; hindi proselitismo, hindî. Higit pa nga: ebanghelisasyon ang pagkákakilanlán, ang kasinohan ng Simbahan.
Mababago lang natin ang Simbahan sa pagtuklas ng kalooban ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay at pagsisimulâ ng personal na pagbabago sa pag-gabay ng Banal na Espiritu. Ang ating sariling reporma bilang mga tao ang siyang magpapanibago sa Simbahan. Dapat nating hayaan ang Banal na Espiritu, Siya na handog ng Diyos na nasa ating mga puso, na ipaalala sa atin ang itinuro ni Jesus at tulungan tayong isagawa ito.
Simulan nating ang pagreporma sa Simbahan sa pagreporma ng ating sarili, nang walang mga ideya na pinagpipilitan kahit hindi pa sinusuri ang totoong kalagayan, walang ideolohiyang mapanghusga, walang pagmamatigas; sa halip, repormang batay sa karanasan sa espiritu, sa pagdarasal, karanasan sa kawanggawa, karanasan sa paglilingkod.
Pangarap kong higit na piliin ng Simbahan na maging misyonero: na lumabas upang makilala ang iba nang walang pag-proselytismo at baguhin ang lahat ng mga struktura nito para sa pag e-ebanghelyo sa mundo ngayon.
Tandaan, laging dumadaan ang Simbahan sa mga paghihirap, laging may krisis, dahil buháy ito. Nakakaranas ng mga krisis, ang bagay na nabubuhay. Ang mga patay lamang ang walang krisis.
Manalangin tayo para sa Simbahan, upang makatanggap Siya mula sa Espiritung Banal ng biyaya at lakas na panibaguhin ang kanyang sarili sa liwanag ng Ebanghelyo.
Credits
Campaign title:
The Pope Video – August 2021: Church on the Way
A project by Pope’s Worldwide Prayer Network
In collaboration with Vatican Media
Creativity and co-production by:
Gaia Valeria Rosa, Diego Angeli and Andrea Schneider Graziosi
Music production and mix by:
Benefactors
—
PRESS RELEASE
Ang Video ng Papa sa konteksto ng repormang isinusulong ni Francisco:
panalangin, pagkakawanggawa at paglilingkod
Ang Video ng Papa ngayong Agosto ay patungkol sa natatanging bokasyon ng Simbahan, ang ipahayag ang Ebanghelyo, at sa pangangailangan ng isang reporma na ayon kay Francisco ay kinakailangang magsimula sa “ating mga sarili mismo” at makakamit mula sa karanasan ng panalangin, ng pagkakawanggawa at ng paglilingkod sa inspirasyon ng Espiritu Santo.
(Lungsod ng Vaticano, 3 Agosto 2021) – Kalalabas lamang ng Video ng Papa kalakip ang intensyon sa panalangin na ipinagkakatiwala ni Papa Francisco sa buong Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa. Sa buwan na ito ng Aposto, pinagninilayan ng Santo Papa ang sitwasyon ng Simbahan, ang bokasyon nito, ang pagkakakilanlan nito, at nananawagan siyang panibaguhin ito “batay sa pagkilatis sa kalooban ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay.” Para kay Francisco, sa mga panahon ng krisis at pagsubok, kinakailangan ng Simbahan ang reporma na dapat magsimula sa “pagbabago ng ating mga sarili mismo” “sa liwanag ng Ebanghelyo.”
Ang pagpapahayag ng Ebanghelyo at ang halimbawa ni Jesus
Nagsisimula ang Ang Video ng Papa sa bokasyong angkin ng Simbahan na ipahayag ang Ebanghelyo. Pangarap ng Santo Papa ang isang ‘mas misyonerong pagpili na humahayo upang makipagtagpo sa kapwa nang hindi nito pilit na hinihikayat na lumipat sa ating relihiyon (proselytismo), at binabago ang lahat ng kanyang mga istruktura para sa ebanghelisasyon ng kasalukuyang daigdig.” Binibigyang-diin ni Francisco na hindi ito batay sa panghihikayat bagkus ang istilong misyonerong ito, una sa lahat, ay sa pamamagitan ng “pagbabago ng ating mga sarili mismo” at ang patotoo ng isang búhay na taglay ang sarap ng Ebanghelyo ang siyang aakit sa ating kapwa.
Tulad ng ipinaliwanag niya sa Ekshortasyong Apostoliko Evangelii Gaudium: “Bawat Kristiyano at bawat pamayanan ay dapat kumilatis kung ano ang landas na ibig ipatahak sa kanila ng Panginoon, ngunit lahat tayo ay inaanyayahan upang tanggapin ang panawagang ito na lisanin ang ating pagiging kampante at maglakas-loob na tunguhin ang lahat ng mga laylayang nangangailangan ng liwanag ng Ebanghelyo.”
Ang unang hakbang ay sumulong sa diwang ito, tulad ng hinihiling sa atin ng Santo Papa at para dito, kinakailangan nating tulutan ang ating mga sarili na gabayan ng Espiritu Santo upang “ipaalala niya sa atin ang itinuro ni Jesus at tulungan tayong isabuhay ito.”
Mga lunas para sa isang Simbahang nasa krisis: panalangin, pagkakawanggawa at paglilingkod
“Ang Simbahan ay laging humaharap sa mga pagsubok, sa mga krisis” ayon rin sa Ang Video ng Papa sa buwan na ito. Ilang buwan pa lamang ang nakalipas nang isapubliko ang sulat kung saan tinanggihan ni Francisco ang pagbibitiw ni Kardinal Marx. Sa naturang sulat, hindi lamang siya sumang-ayon na “ang buong Simbahan ay nasa krisis bunsod ng mga kaso ng pang-aabuso” ngunit hinimok niya itong magpatuloy sa kanyang gawain bilang pastol at binigyang diin na “ang pagbabago ay hindi makikita sa mga salita kundi sa mga pag-uugali na kakikitaan ng lakas-loob na masadlak sa krisis, yakapin ang realidad anuman ang kahihinatnan nito. At lahat ng pagbabago ay nagsisimula sa sarili. Ang pagpapanibago ng Simbahan ay nangyayari sa pamamagitan ng mga taong hindi takot sumuong sa krisis at hayaan ang kanilang mga sarili na baguhin ng Panginoon.”
Ang lunas upang maharap at masimulan ang repormang ito ay hindi kailanman makikita sa kanya-kanya nating mga ideya, ideyolohiya at paghuhusga. Ayon sa halimbawa ni Hesus, mula sa puso ng Ebanghelyo, ang daan ay nagsisimula “sa isang karanasang espirituwal, isang karanasan ng puso, isang karanasan ng pagkakawanggawa, isang karanasan ng paglilingkod.” Tulad rin ng sinabi niya sa sulat kay Kardinal Marx, ito lang “ang kaisa-isang landas, at kung hindi, magiging mga ideyologo lamang tayo ng pagbabago na hindi kayang itaya ang ating mga sarili.”
Ipanalangin ang Simbahan
Ayon kay Padre Frédéric Fornos S.J., Pandaigdigang Direktor Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa: “Noon pang katapusan ng nakaraang taon, ilang araw bago sumapit ang Pasko, tinangka nang ilatag ni Francisco ang pagkakaiba sa pagitan ng alitan at krisis upang gawing malinaw na laging may magandang maibubunga ang huli. Na ito ay isang magandang panahon para sa Ebanghelyo at sa pagpapanibago ng Simbahan. Tulad ng sinabi ng Santo Papa: “Dapat tayong maging matapang at handa sa lahat; kailangan na nating itigil ang pag-unawa sa reporma ng Simbahan bilang pagsusulsi ng isang lumang damit.” Sa harap ng krisis, ang una nating kailangang gawin ay tanggapin ito bilang isang magandang panahon upang hanapin at kilalanin ang kalooban ng Diyos. Nangangahulugan ito na hindi tayo dapat huminto sa pananalangin, tulad ng laging ipinapaalala ng Papa; hindi tayo dapat tumigil sa pagsunod sa halimbawa ni Hesus sa paglilingkod, pagkakawanggawa, at pakikipagtagpo sa kapwa, sa mga nagdurusa, sa mga mahihina at sa mga pinaka-nangangailangan.” “Ang daan ay laging may kinalaman sa gawa. Ang krisis ay sa gawa at bahagi ito ng daan,” sabi rin niya. Ipanalangin natin ang Simbahan, upang tanggapin niya mula sa Espiritu Santo ang biyaya at lakas na baguhin ang kanyang sarili sa liwanag ng Ebanghelyo.”
Pagbabagong-buhay, pagpapanibago, pagbabago, pagpanibaguhin ang Simbahan, pagbabago sa Iglesya, Mga pagbabago sa Simbahan, Banal na Espiritu.