Ipagdasal nating sa lahat ng antas ng Simbahan, maging bahagi ng pamumuhay natin ang pakikinig at pakikipag-uusap, upang magabayan tayo ng lakás ng Banal na Espiritu na magtungo sa mga laylayan ng mundo.
Pope Francis – Oktubre 2023
Ang misyon ang nasa pinakapusò at sentro ng Simbahan. At higit pa. Kapag ang Simbahan ay nasa Sinodo, itinataguyod lamang ng dinamikong synodal na iyon ang bokasyong misyonero. Ibig sabihin, tugon ito sa utos ni Hesus na ipahayag ang Ebanghelyo.
Gusto ko sanang ipaalala na walang nagtatapos dito, sa halip, nagpapatuloy dito ang eklesyal na paglalakbay.
Ito ang landas na ating tatahakin, tulad ng mga disipulo ng Emmaus, na nakikinig sa Panginoon na laging lumalapit upang salubungin tayo.
Siya ang Panginoon ng sorpresa.
Sa pamamagitan ng panalangin at pangingilatis, tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu na maisakatuparan ang “apostolado ng tainga,” ibig sabihin, ang pakikinig, taglay ang tainga ng Diyos, upang mabigkas natin ang salita ng Diyos.
At sa gayon, lumalapit tayo sa puso ni Kristo, na pinagmumulan ng ating misyon at ng tinig na umaakit sa atin sa Kanya.
Isang boses na naghahayag sa atin ng sentro ng misyon, na maabót ang lahat, hanapin ang lahat, tanggapin ang lahat, isali ang lahat, nang hindi isinásantabí ang sinuman.
Ipagdasal nating sa lahat ng antas ng Simbahan, maging bahagi ng pamumuhay natin ang pakikinig at pakikipag-uusap, upang magabayan tayo ng lakás ng Banal na Espiritu na magtungo sa mga laylayan ng mundo.
Credits
Campaign title:
The Pope Video – October 2023: For the Synod
A project by Pope’s Worldwide Prayer Network
In collaboration with Vatican Media
Creativity and co-production by:
Benefactors
—
PRESS RELEASE
Hinihimok tayo ni Papa Francisco na yakapin ang pakikinig at pag-uusap sa pamamagitan ng Sinodo: “Isali ang lahat, nang hindi isinasantabi ang sinuman”
- Ang Video ng Papa ngayon Oktubre ay panawagan na ipanalangin ang Sinodo, na nagdiriwang ng Karaniwang Pagtitipong Pangkalahatan nito nitong buwan, at sa loob ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Misyon.
- Ang landas ng Sinodo, binibigyang-diin ni Francisco, ay nakasalalay sa panalangin at pagkilatis, at ang dimensyong sinodal ay mahigpit ang kaugnayan sa bokasyong magmisyon, dahil “ang misyon ay nasa puso ng Simbahan.”
- Idinadalangin ng Papa na hayaan ng Simbahan ang sarili nito na “magabayan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo patungo sa mga laylayan ng daigdig,” upang maabot ang lahat, “nang hindi isinasantabi ang sinuman.”
- Ipapalabas ang video sa panahon ng programang mauuna sa Vigilia para sa Panalanging Ekumenical sa Saint Peter’s Square sa Sabado, ika-30 ng Setyembre.
(Lungsod ng Vaticano, ika-29 ng Setyembre 2023) – Ang Video ng Papa ngayong Oktubre, isang inisyatibo ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa ay nailabas na, taglay ang mensaheng nakatuon sa Sinodo ukol sa Sinodalidad – isang prosesong sinimulan noong 2021 at magtatagal hanggang 2024 – na ang unang sesyon bilang ika-16 na Karaniwang Pagtitipong Pangkalahatan ng Sinodo ng mga Obispo ay gaganapin mula ika-4 hanggang ika-29 ng Oktubre 2023. “Isa itong landas na ating tatahakin tulad ng mga alagad sa Emaus,” paliwanag ni Francisco “habang nakikinig sa Panginoon na laging nakikipagtagpo sa atin.” Sa buwan ring ito, ipagdiriwang ng buong Simbahan ang ika-97 Pandaigdigang Araw ng Misyon, isang selebrasyong taglay ang diwang sinodal: “Ang misyon ay nasa puso ng Simbahan. Higit pa rito, kapag ang Simbahan ay nasa-Sinodo, ang diwa ng sinodalidad ang nagtutulak sa kanya sa bokasyong magmisyon,” sabi rin ng Papa sa video.
Pakikinig at pag-unawa sa isang landas na nagpapatuloy
Ang mensahe ng video ngayong buwan – sa suporta at pakikipagtulungan ng Pontifical Mission Societies ng Estados Unidos at ng Sinodo ukol sa Sinodalidad – ay isang paanyaya na ihanda ang sarili sa harap ng Panginoon sa pakikinig at pag-uusap. Ang konsepto ng Simbahan “sa lansangan”, at ang bokasyon nito na magmisyon, ay kinakatawan sa pagpili ng mga imahe sa anyo ng isang “road movie” kung saan mula sa bintana ng isang kotse ay makikita natin ang mga lugar at tao mula sa iba’t ibang bansa – mula sa Vatican hanggang Cambodia, sa Africa, Gitnang Silangan, Hilagang Amerika – na kinunan sa mga eksena ng pang-araw-araw na buhay. Ang sasakyang iyon ay kumakatawan sa Simbahan; Ang nagpapatakbo dito ay “ang puwersa ng Espiritu Santo”, na – sa mga salita ni Francisco – ay dapat na gabayan ito “tungo sa mga laylayan ng daigdig.”
Ang pagpayag nito sa sarili na gabayan ng Espiritu Santo ay nangangahulugan ng pakikinig nang sama-sama. Dahil dito, nilinaw din ng Santo Papa na sa Pangkaraniwang Pagtitipon na ito ng Sinodo, “walang matatapos, bagkus ay isa itong patuloy na paglalakbay bilang Simbahan”, kung saan ang mga bunga ng pakikinig sa isa’t isa ay maaaring anihin bilang magkakapatid na lahat ay magkakasama sa paglilingkod sa misyon ni Kristo. Ipinaalala ni Francisco ang halimbawa ng mga disipulo ng Emaus at hinihiling sa atin na tulad nila ay “makinig sa Panginoon na laging nakikipagtagpo sa atin.”
Ano ba ang Sinodo ukol sa Sinodalidad?
Noong Ika-10 ng Oktubre 2021, ipinatawag ni Papa Francisco ang Sinodo ukol sa Sinodalidad upang talakayin ang temang “Tungo sa isang sinodal na Simbahan: komunyon, pakikilahok at misyon.” Ang Sinodo ng mga Obispo ay isang lupon na humihiling sa mga obispo mula sa iba’t ibang panig ng mundo na makilahok sa pamamahala ng Simbahan, at magpayo sa Papa sa mga bagay na may kinalaman sa buong Simbahan. Ang salitang “sinodo” ay galing sa Griyego at nagpapahayag ng ideya ng “paglalakad nang sama-sama.”
Nakaplanong magtagal ng tatlong taon (Oktubre 2021 hanggang Oktubre 2024), ang Sinodo ukol sa Sinodalidad ay dumaan sa iba’t ibang yugto ng pakikinig at pagkilatis. Nais ni Francisco na pagnilayan ng buong Simbahan ang sinodalidad: na ang buong Bayan ng Diyos—mga obispo, pari, relihiyoso, layko, lalaki, babae, matatanda, kabataan—ay lumahok sa pag-uusap tungkol sa kung tayo ba ay naglalakad nang sama-sama at paano natin ito ginagawa.
Ngayong ika-4 ng Oktubre, magbubukas ang ika-16 na Ordinaryong Pagtitipong Pangkalahatan, kung saan magpupulong ang mga obispo at iba pang kalahok upang tipunin ang mga bunga ng mga nakaraang proseso ng pakikinig. Sa Sinodong ito, ang nasabing pagpupulong ay gaganapin sa dalawang sesyon na may pagitan na isang taon: mula Oktubre 4 hanggang 29, 2023 at sa Oktubre 2024.
Ang pagdiriwang ng Ordinaryong Pagtitipon ay kasabay rin ng ika-97 Pandaigdigang Araw ng Misyon. Hinggil dito, sinabi ni Monsignor Kieran Harrington, Pambansang Direktor ng Pontifical Mission Societies sa Estados Unidos: “Bilang pagsariwa sa diwa ni San Francisco Javier, binibigyang-diin ni Papa Francisco ang landas ng Simbahan patungo sa mga laylayan ng lipunan. Sa pamamagitan ng muling pagsasaayos ng mga pagsisikap ng Simbahan na unahin ang mga isinasantabi at naghihirap, ipinapaalala sa atin ang ministeryo ni Kristo na nakatuon sa pagbabahagi ng Mabuting Balita sa mga nakakalimutan at napapabayaan. Ito ang pangunahing gawain ng Pontifical Mission Societies sa buong mundo: 120 na pambansang opisina ang sama-samang nagtatrabaho upang suportahan ang libo-libong misyonero at misyonera upang maipaabot ang mensahe ng ebanghelyo sa lahat. Habang pinagninilayan natin ang intensyon ng panalangin ng Papa ngayong buwan, tinatawag tayo na yakapin bilang isitlo ng pamumuhay ang pakikinig at pag-uusap, na magtutulad sa atin tungo sa mga laylayan, sa gabay ng Espiritu Santo”.
Ang pagiging bukas sa misyon
Si Padre Frédéric Fornos S.J., Pandaigdigang Direktor ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, ay nagkomento sa mahalagang sandaling ito na nararanasan ng Simbahan: “Sa ikatlong yugtong ito ng Sinodo, inaanyayahan tayo ni Francisco na manalangin upang ang ‘pakikinig at pag-uusap’ ang maging ‘estilo ng pamumuhay sa lahat ng antas ng Simbahan,’ sapagkat ito ay isang biyaya. Sa ganitong paraan lamang tayo makakapakinig sa Banal na Espiritu at matutulutan ang ating sarili na gabayan niya, na nangangailangan ng ating panalangin at pagkilatis. ‘Ang pagpayag sa ating sarili na gabayan ng Espiritu Santo’, una niya nang sinabi, ay nangangahulugan ng pakikinig nang sama-sama: ‘hindi ito resulta ng mga estratehiya at programa, ngunit ng kapwa pakikinig sa pagitan ng magkakapatid.’ Ang Espiritu ng Panginoon ang nagbubukas ng mga bagong landas para sa atin. Siya ang tumutulong sa atin na makilala ang misyon ni Kristo ngayon at umaakay sa atin sa mga laylayan ng daigdig: ‘abutin ang lahat, hanapin ang lahat, tanggapin ang lahat, isali ang lahat, nang hindi isinasantabi ang sinuman.'”
Nagiging posible lamang ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito:
Saan mapapanood ang video?
- Ang Opisyal na Website ng Ang Video ng Papa
- YouTube Channel ng Ang Video ng Papa
- Facebook Page ng Ang Video ng Papa
- Twitter ng Ang Video ng Papa
- Instagram ng Ang Video ng Papa
- Opisyal na Twitter @Pontifex
- Opisyal na Instagram @Franciscus
Tungkol sa Video ng Papa
Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layuning ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin o Pope’s Worldwide Prayer Network). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 210 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa. Nilikha at prinodyus ang mga video ng pangkat ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi at sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi Comunicación para Buenas Causas. Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa.
Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN)
Ang Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa (Pontifical Society/Work at Foundation) na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: https://www.popesprayer.va/
Tungkol sa Sinodo ukol sa Sinodalidad
Ang Sinodo ng Sinodalidad (2021-2024), na tumatalakay sa temang “Para sa isang Sinodal na Simbahan: Komunyon, Pakikilahok at Misyon”, ay naglalayon namaging proseso kung saan iniaalok sa buong Bayan ng Diyos ang pagkakataon upang sama-samang maunawaan kung paano kumilos. Pasulong sa landas tungo sa pagiging isang mas sinodal na Simbahan sa mahabang panahon. Ang Synodality ay tumutukoy sa partikular na istilo ng pamumuhay at pagmimisyon ng Simbahan, na nagpapahayag ng kalikasan nito bilang Bayan ng Diyos na naglalakbay at nagtatagpo sa pagtitipon, Simbahang ipinagtipon ng Panginoong Jesus sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang ipahayag ang Ebanghelyo. Ang Synodality ay dapat nakikita sa karaniwang paraan ng pamumuhay at pagtrabaho ng Simbahan.
Tungkol sa The Pontifical Mission Societies USA
Ang Pontifical Mission Societies USA ay bahagi ng isang pandaigdigang network sa paglilingkod sa Papa na sumusuporta sa pagpapahayag ng Ebanghelyo, sa pagtatayo ng Simbahan, at sa gawain at pagsaksi ng mga misyonerong pari, relihiyosong mga Sister at Brother, at mga laikong líder pastoral. Ang mga misyonerong ito ay nagbibigay ng pagkain, edukasyon, at pangangalagang medikal sa mga pinakamahihirap na komunidad sa 1,150 teritoryo ng misyon. Ang Pontifical Mission Societies USA ay naglilingkod sa Simbahan at nag-aalok sa bawat binyagang tao ng pagkakataong isabuhay ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagbabahagi nito sa iba at pagdanas ng unibersal na sukat ng pananampalatayng ito. Ang panalangin, sakripisyo, at pag-ibig sa kapwa ay mga konkretong pamamaraan na iniaalok ng Pontifical Mission Societies USA, sa ilalim ng patnubay ng Dicastery for Evangelization (Dicasterio para sa Ebanghelisasyon), upang isabuhay ang misyonero at pangkalahatang pananampalataya. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring pumunta sa: www.onefamilyinmission.org
I-CONTACT ANG PRESS
Pontifical Mission Societies
Ines San Martin
Sinodo, Daang Sinodal, Misyonerong Landas, Synod 2023, Pakikinig, Pakikipag-usap, Panalangin, Pangíngilatis, Espiritu Santo, Misyonero Ako