SETYEMBRE | Para sa mga taong nakatira sa mga laylayan

Ipagdasal natin na hindi makalimutan ng mga institusyon at hindi kailanman ituring na patapón ang mga taong naninirahan sa laylayan ng lipunan, sa subhumanong kalagayan ng pamumuhay na labag sa karangalan nila bilang tao.

Pope Francis – Setyembre 2023

Ang taong walang tirahan na namatay sa kalye ay hindi kailanman lalabas sa unang pahina ng mga search engine sa Internet o sa mga balita.
Paano natin naabot ang antas na ito ng kawalang-paki?
Paano natin nahahayaan ang “kulturang pagtatapón”, kung saan milyun-milyong tao ay tinuturing na walang halaga kumpara sa mga benepisyong pang-ekonomiya; paano natin hinahayaang mangibabaw ang kulturang ito sa ating buhay, sa ating mga lungsod, sa paraan ng ating pamumuhay?
Maninigas na ang leeg natin sa paglingon sa ibang direksyon para hindi makita ang sitwasyong ito.
Pakiusap, itigil na natin ang pagbubulag-bulagan sa mga nasa gilid ng lipunan, dahil man sa kahirapan, pangangailangan ng tulong, sakit sa pag-iisip o kapansanan.
Mag-focus tayo sa pagtanggap. Sa pagtanggap sa lahat ng taong nangangailangan nito.
Ang “kultura ng malugod na pagtanggap”, ng pagtanggap, ng pagbigay ng kanlungan, ng pagbigay ng tahanan, ng pagbigay ng pagmamahal, ng pagbigay mainit na pagtanggap ng kapwa tao.
Ipagdasal natin na hindi makalimutan ng mga institusyon at hindi kailanman ituring na patapón ang mga taong naninirahan sa laylayan ng lipunan, sa subhumanong kalagayan ng pamumuhay na labag sa karangalan nila bilang tao.

Credits

Campaign title:

The Pope Video – September 2023: For people living on the margins

A project by Pope’s Worldwide Prayer Network

In collaboration with Vatican Media

Creativity and co-production by:

La Machi Communication for Good Causes

PRESS RELEASE

Humihingi ang Santo Papa ng Panalangin at Pangako para sa mga “naninirahan sa laylayan ng lipunan”

  • Humingi ang Santo Papa ng panalangin at pangako para “sa mga naninirahan sa laylayan ng lipunan,” na nalimutan ng mga institusyon at nababalewala.”
  • Nagtataka ang Banal na Papa: “Kung paano natin nahahayaang mamayani sa ating buhay ang tinatawag na ‘throwaway culture o mapagwalang-bahalang kultura,’ kung saan milyun-milyong lalake at babae ang walang halaga sa aspeto ng benepisyong pang-ekonomiya?” 
  • “Pakiusap”, pagsusumamo ng Santo Papa, “tigilan na natin ang pagbubulag-bulagan sa mga nasa gilid ng lipunan, maging dahil man sa kahirapan, sakit sa pag-iisip o kapansanan”.

(Lungsod ng Vatican, ika-29 ng Agosto, 2023) – “Paano ba tayo umabot sa ganitong lebel ng pagkakaiba-iba?” Ito ang tanong ng Santo Papa sa Pope’s Video ngayong buwan ng Setyembre, kung saan, sa pamamagitan ng Apostolado ng Panalangin, hinihiling niya na ipagdasal “ang mga tao na naninirahan sa laylayan” ng lipunan. Ang taong walang tahanan, na namamatay sa lansangan, ay hindi makikita sa unang pahina ng Internet search engines o sa balita,” panimula ng Banal na Papa sa pagpapahayag ng kanyang panalangin sa pandaigdigang Simbahan para sa buwang ito. 

Ang nalimutan ng mga mamamahayag

Ito ay malinaw sa kanila, sa kanilang mga nalimutan ng mga mamamahayag, na ang video para sa buwang ito ay nagtatangka na magbigay ng tinig. Kasabay ng mga salita ng Santo Papa ang pagpapakita ng mga larawan ng mga taong walang tahanan – nag-iisa o mga maliliit na grupo, minsan ay halos tinatapakan na ng mga dumadaan sa gilid ng mga lansangan ng Canada, Estados Unidos, Cameroon at India; ang mga batang lansangan na ginugugol ang maghapon sa paglilinis ng mga bintana ng mga sasakyan na humihinto sa traffic lights sa San Salvador; mga tao na may iba’t ibang kapansanan sa Spain, Pilipinas at Central America; mga maliliit na tila kulungang tirahan malapit sa matataas na gusali sa Vancouver, mga gusali sa Buenos Aires at Rio de Janeiro.

Sa dulong bahagi ng ating lipunan ay maraming iba’t ibang uri ng taong naninirahan, mas marami pa kumpara sa inaakala natin. Sa datos ng United Nations, mahigit sa 700 milyong katao, 10% ng populasyon ng mundo, ang naninirahan sa sobrang kahirapan, na dumaranas ng hirap sa pagkamit ng pinakamahahalagang pangangailangan, tulad ng kalusugan, edukasyon, kakayahan na magkaroon ng malinis na tubig, at maging sa kalinisan. Idinagdag pa ng UN na nasa 1.6 na bilyong katao ang dumaranas ng kakulangan sa maayos na tirahan, at kabilang dito ang mga nasa pinakamauunlad na bansa. Lumabas naman sa ulat ng World Health Organization na isa sa bawat walong tao ang namumuhay nang may “sakit sa pag-iisip,” habang 16% ng populasyon ng buong mundo ang may “lubos na kapansanan”.

Nahaharap sa “mapagwalang-bahalang kultura”, “mapagtanggap na kultura” 

“Paano natin nahahayaang mamayani sa ating buhay, sa ating mga lungsod at maging uri ng ating pamumuhay ang ‘mapagwalang-bahalang kultura’, kung saan milyun-milyong lalake at babae ang walang halaga sa aspeto ng ekonomiya?” Patuloy na pagtataka ng Santo Papa. Nalulungkot niyang binanggit: “Maninigas ang ating mga leeg sa pag-iwas ng tingin upang hindi makita ang kanilang kalagayan.” Inaanyayahan tayo ng Santo Papa na tigilan na ang pagbubulag-bulagan sa mga taong nasa laylayan ng lipunan, maging ito man ay dahil sa kahirapan, sakit sa pag-iisip o kapansanan.”

“Pagtuunan natin ng pansin ang pagtanggap,” paghihikayat niya. “Sa pagtanggap sa lahat ng tao na nangangailangan nito. Ang ‘kulturang mapagtanggap,’ ng pagtanggap, ng pagbibigay ng masisilungan, ng pagbibigay ng tahanan, ng pagbibigay ng pagmamahal, ng maalab na pagtanggap sa tao”.  Dahil dito, hiniling niya sa lahat ng mananampalataya na kumilos at manalangin “upang ang mga tao na naninirahan sa laylayan ng lipunan, sa hindi makataong kundisyon, ay hindi malimutan ng mga institusyon at hindi maipagsawalang-bahala.” 

Ang pagtanggap ay higit pa sa pagtulong

“Ang panalangin ay nagbibigay-liwanag sa nakatago sa ating puso. Dahil dito, ang mga naninirahan sa laylayan ng lipunan, bilang mga hindi nakikita, ay makasumpong ng bahagi sa ating panalangin, sila ay nasa puso ng Simbahan: ang puso na bahagi ng katawan ng tao at hindi pusong bato. Ang pusong bato ay mapagwalang-bahala, ang puso ng tao ay mapagtanggap. Kaugnay nito, idinagdag ni Cardinal Michael Czerny, Prefect ng Dicastery for the Service of Integral Human Development, na: “batid ng Santo Papa ang kapangyarihan ng panalangin at sa pamamagitan nito inaanyayahan niya tayo na linangin ang kulturang mapagtanggap. ‘Ang bato na itinapon ng mga manggagawa ay naging batong panulok’; ang mensahe ay nananatiling malakas at mapagkakatiwalaan kahit pa ngayon na pinagtutuunan natin ng pansin ang mga itinapon, kung kikilalanin natin ang hindi nabuburang dignidad ng mga ipinako ng kalupitan ng ekonomiya, pang-aabuso o pagkakaiba-iba. Ang pagtanggap ay higit pa sa pagtulong: ito ay paglalagay sa iba kapantay sa ating lebel, muling pagtuklas sa isang kapatid na babae o kapatid na lalake na nawalay sa atin. Sa pananalangin tayo ay nagiging bahagi ng iisang Katawan. 

Ang “kultura ng pagtanggap”

Sa komento naman ni Father Frédéric Fornos S.J., Pandaigdigang Direktor ng Apostolado ng Panalangin: “Paano magiging posible ang pagkakaroon ng kongretong solusyon sa milyun-milyong itinapon na madalas na nakasusumpong lamang ng pagkakaiba-iba, o ng pagkainis, bilang tugon? Inaanyayahan tayo ng Santo Papa na baguhin ang pagtugon sa kahirapan at pagbubukod-bukod. Ito ay nangangahulugan ng pananalangin, dahil ang panalangin ay nagpapabago sa ating puso, nagbabago ng ating pagtingin at nagtuturo sa atin na maging bukas sa kapwa, lalo na sa mga mahihina. Manalangin tayo, kasama ng Banal na Papa, para sa ‘kulturang mapagtanggap’, na tanggapin ang lahat ng tao na nangangailangan nito, na magkaloob ng masisilungan, ng tahanan, pagmamahal at maalab na makataong pagtanggap.”

Nagiging posible lamang ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito:

Saan mapapanood ang video?                                                                                                    

Tungkol sa Video ng Papa

Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layuning ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin o Pope’s Worldwide Prayer Network). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 205 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa.  Nilikha at prinodyus ang mga video ng pangkat ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi  at sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi Comunicación para Buenas Causas.  Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa.

Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN)

Ang Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa (Pontifical Society/Work at Foundation) na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: https://www.popesprayer.va/

Ang Dicastery for the Service of Integral Human Development

Ang Dicasterio para sa Pagtaguyod ng Pag-Unlad ng Buong Pagkatao ay itinatag ng Santo Papa Francisco noong Agosto 17, 2016. Simula noong Enero 1, 2017, ang kapangyarihan at  ng Pontifical Council for Justice and Peace (Ang Konseho ng Papa para sa Katarungan at Kapayapaan), ang Pontifical Council Cor Unum, ang Pontifical Council para sa Pastoral Care of Migrants at Itinerant People at ang Pontifical Council for Health Workers ay pinagsama sa pinag-isang Dicasteryo. Itinataguyod ng Dicastery ang integral na pag-unlad ng tao sa liwanag ng Ebanghelyo at sa contexto ng panlipunang doktrina ng Simbahan. Binibigyang-pansin nito ang mga isyu ng katarungang panlipunan, pinalalalim at pinauunlad ang mga tema ng kabutihang panlahat (common good), ang kapayapaan at proteksyon ng kalikasan, karapatang pantao, kalusugan, ang mga migrante at human trafficking, na nagpapahayag ng pag-áalalá at pagmamalasakit ng Papa para sa mga taong naghihirap at nangangailangan ng tulong.

I-contact ang Press [email protected]

Pagtanggap, Dignidad ng tao, Pagtulong sa mga nasa gilid, Ang mga laylayan ng lipunan, Pakikipagkaisa, Katarungang panlipunan, Pagpapasali sa lipunan, Globalisasyon ng kawalang-pakí, Ang mga di-nakikita, mga taong walang tirahan, Kulturang ng Pagtatapón, Kultura ng malugod na pagtanggap, Kahirapan, Mga Walang Tahanan, Kawalang-pakí, Mga sakit sa isip , Habag, Humanitaryanong ayuda, Pagsasabuhay sa Ebanghelyo, Vatican, Simbahan, Katoliko, panalangin, intensyon ng panalangin ng Santo Papa, intensyon ng panalangin ng Papa, mga hamon sa sangkatauhan, Diyos, Apostolado ng Panalangin, Pandaigdigang Lambat Panalangin ng Papa, Eucharistic Youth Movement Kilusang Eukaristiko ng Kabataan

adminSETYEMBRE | Para sa mga taong nakatira sa mga laylayan