MAYO | Para sa mga kondisyon sa pagtatrabaho

Ipagdasal natin na, sa pamamagitan ng trabaho, matagpuan ng bawat tao ang katuparan ng kanilang pagiging tao, maitaguyod ang mga pamilya nang may dignidad, at maging mas makatao ang lipunan.

Mayo 2025

Sa taunang paglalathala ng mga intensyon sa panalangin para sa 2025, inanyayahan tayo ni Papa Francisco na manalangin ngayong Mayo para sa mga kondisyon sa pagtatrabaho.

Ipinagkakatiwala ng Pope’s Worldwide Prayer Network (Ang Apostolado ng Panalngin) sa Panginoon ang misyon ng bagong Papa at nagpapatuloy ito sa gawaing apostoliko, na ipinagkakatiwala sa Diyos ang mga hamon sa sangkatauhan at sa misyon ng Simbahan.

Ngayong buwan, sa videong ito, inspirasyon natin ang mga salita ng huling tatlong papa: Francisco, Benedict XVI, at San Juan Pablo II.

Sa pangkalahatang pagtitipon noong 2022, sinabi ni Papa Francis: “Inilarawan ng mga ebanghelistang sina Mateo at Marcos si Jose bilang karpintero.  Tumulad si Jesus sa hanapbuhay ng ama Niya, trabahong medyo mahirap. Mula sa pang-ekonomiyang pananaw, wala itong garantiya ng malaking kita.”  “Ang detalyeng ito mula sa talambuhay nina Jose at Jesus” ay naging dahilan upang “maisip [ni Papa Fancisco] ang lahat ng manggagawa sa mundo.”

“Trabaho,” dagdag ni Papa Francisco, “ay parang langis ng paghirang na naggagawad ng dignidad: ang nagbibigay ng dignidad ay hindi basta ang pag-uuwi ng tinapay; ang nagbibigay ng dignidad sa tao ay kinita niya ang tinapay na inuuwi niya.”

Binigyang-diin naman ni Papa Benedict XVI, sa mensahe niya sa lahat ng manggagawa sa Kapistahan ni San Jose noong 2006, na “[a]ng trabaho ay lubhang importante para sa ganap na pagpapakatao at sa pag-unlad ng lipunan, at samakatuwid dapat palagi itong organisahin at paunlarin nang may ganap na paggalang sa dignidad ng tao at sa paglilingkod sa kabutihang panlahat. Kasabay nito”, sabi ni Pope Benedict, “hindi dapat maging alipin ng trabaho ang sinumang tao, hindi dapat gawing idolo ang trabaho, na para bang ang trabaho na ang pinakarurok at pinakatiyak na saysáy ng buhay ng tao.”

At sinabi naman ni Papa San Juan Pablo II noong Jubileo ng mga Manggagawa sa taong 2000 na “hinihikayat ng Taon ng Jubileo ang muling pagtuklas ng kahulugan at halaga ng trabaho. Inaanyayahan din tayo na harapin ang mga umiiral na kawalan ng balanseng pang-ekonomiya at panlipunan sa mundo ng trabaho, na ibalik ang wastong hierarchy ng mga pagpapahalaga at, una at pinakaimportante, itaguyod ang dignidad, kalayaan, responsibilidad, at partisipasyon ng nagtatrabahong kalalakihan at kababaihan.” Hinimok din tayo ni Juan Pablo II na “lunasan ang mga sitwasyon ng kawalang-katarungan” at huwag kalimutan ang “lahat ng mga nagdurusa dahil walang mahanap na trabaho, di- sapat na sahod, at kakulangan ng materyal na gamit.”

Ipagdasal natin na, sa pamamagitan ng trabaho, makamit ng bawat tao ang katuparan ng pagpapakatao, maitaguyod ang mga pamilya nang may dignidad, at maging mas makatao ang lipunan.

Credits

Campaign title:

The Pope Video – MAY | For working conditions

A project by Pope’s Worldwide Prayer Network

In collaboration with Vatican Media

Creativity and co-production by:

adminMAYO | Para sa mga kondisyon sa pagtatrabaho