Ipagdasal natin ang Papa para sa pagsagawa ng kanyang misyon ay patuloy niyang sabayan sa pagsampalataya ang kawang ipinakatiwala sa kanya ni Hesus sa tulong ng Espiritu Santo.
Pope Francis – Nobyembre 2023
Pakihiling po sa Panginoon na pagpalain ako.
Pinalalakas ako ng inyong mga panalangin at tumutulong sa akin na pakinggan ang Espiritu Santo sa aking pangingilatis ng kalooban ng Ama para gabayan ang Simbahan.
Sa pagiging Papa, hindi nawawala ang kanyang pagiging tao. Sa halip, ang pagkatao ko ay mas umuunlad kaisa ng banal na bayang tapat sa Diyos.
Sapagkat ang pagiging Papa ay isang proseso. Kailangan niyang malayang kung ano ang ibig sabihin ng pagiging pastol.
At sa prosesong ito, natututo siyang maging mas mapagmahal, mas mapagmalasakit, at higit sa lahat, mas mapagpasyensa tulad ng ating Amang Diyos na napakamatiyaga.
Mula pa sa umpisa ng aking pontifikado, naiisip ko, na lahat ng mga Papa ay nakaramdam din ng pangamba at lulà, dahil alam nilang hahatulan sila nang mabigat.
Dahil seryosong hihilingin ng Panginoon na managót kaming mga Obispo.
Pakiusap po, nawa maging mahabagin kayo sa paghusga sa akin at mga kapwa ko obispo. At ipinalangin po sana ninyo ang Papa, sino man siya, sa ngayon toka ko pa, na maging masunurin siya sa paggabay ng Espiritu.
Ipagdasal natin ang Papa para sa pagsagawa ng kanyang misyon ay patuloy niyang sabayan sa pagsampalataya ang kawang ipinakatiwala sa kanya ni Hesus sa tulong ng Espiritu Santo.
Tahimik po sanang dasalin natin ang panalanging ito para sa akin.
Magdasal po kayo para sa akin. Huwag sana contra sa akin!
Credits
Campaign title:
The Pope Video – November 2023: For the Pope
A project by Pope’s Worldwide Prayer Network
In collaboration with Vatican Media
Creativity and co-production by:
Benefactors
—
PRESS RELEASE
Binubuksan ni Francisco ang kanyang puso at humihingi ng panalangin upang magampanan ang kanyang misyon
- Sa Video ng Papa ngayong Nobyembre, ibinubunyag ni Papa Francisco na “ang pagiging Papa ay isa ring proseso” at hinihiling ang panalangin upang ang Papa, ”maging sino man siya, sa ngayon ay ako, ay makatanggap ng tulong mula sa Espiritu Santo.”
- Sa kanyang mensahe sa pamamagitan ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, ipinagkakatiwala ng Papa ang kanyang sarili sa panalangin ng mga mananampalataya, upang “sa pagtupad niya sa kanyang misyon ay patuloy siyang umagapay sa pananampalataya sa kawang ipinagkatiwala sa kanya ni Hesus.”
- Ang Video ng Papa ay naging isang madamdaming pag-amin ni Papa Francisco na “hindi dahil Papa ay hindi na tao, at kinikilala niya na ang panalangin ng mga mananampalataya ay “nagpapalakas sa akin.”
(Lungsod ng Vaticano, ika-31 ng Oktubre) – Sa edisyon ng Video ng Papa ngayong Nobyembre, lubos na inilalahad ni Papa Francisco ang kanyang puso upang aminin na kailangan niya ang panalangin ng mga mananampalataya para magampanan ang kanyang misyon. “Hilingin ninyo sa Panginoon na ako ay bendisyunan,” sabi ng Obispo ng Roma bago aminin na: “Pinalalakas ako ng inyong mga panalangin at tinutulungan upang magawa kong kumilatis at samahan ang Simbahan sa pakikinig sa Espiritu Santo.”
Ang mensaheng video na inilabas sa pangunguna ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa ay may hugot sa puso dahil nakalaan sa intensyon para sa buwan na ito: “Para sa Papa.” Ang mga larawang kaagapay ng mga salita ng Santo Papa ay may hugot rin sa puso: isang paglalahad ng kuwento ng kanyang panunungkulan bilang Papa sa pamamagitan ng mga emosyon. Maliban sa mga mas kilalang tagpo, tulad ng mga unang sandali matapos niyang mahirang, mayroon ring mga ngayon lamang marahil makikita, tulad ng mga yakap at panalangin sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Pinaguugnay ang lahat ng ito ng nakakahawang pagpapakatao ni Francisco na muling makikita sa kanyang pagpili ng intensyon sa panalangin sa buwan na ito, pati na sa mensaheng kaakibat nito.
Ang isang Papa ay “hindi nawawalan ng kanyang pagiging-tao”
“Hindi dahil Papa,” personal na pagbabahagi ni Francisco “ay hindi na tao, Sa kabaliktaran, mas lalo pang lumalalim ang aking pagiging tao sa araw-araw, kaisa ang tapat at banal na bayan ng Diyos.” Dahil dito, inamin niya na “Ang pagiging-Papa ay isang proseso. Unti-unti mong mauunawaan ang kahulugan ng pagiging isang pastol. At sa prosesong ito, ikaw ay magiging mas mapagmahal, mas maunawain, at higit sa lahat mas mapag-pasensya, tulad ng ating Amang Diyos na napakamapag-pasensya.”
Naiisip ng kasalukuyang tagapagmana ng apostol Pedro na maaaring “lahat ng mga Papa, sa simula ng kanilang panunungkulan, ay nakaramdam rin ng takot, pagkabagabag, ng isang taong batid na haharap siya sa paghuhukom. Ito ay dahil pagpapaliwanagin kaming mga obispo balang araw ng Panginoon.”
Hiling ng Papa na husgahan siya nang “may kabaitan”
Hiling ng Papa sa lahat ng nanonood at nakikinis sa kanyang mensahe na husgahan siya nang “may kabaitan. At manalangin upang ang Papa, maging sino man siya (…) ay makatanggap ng tulong mula sa Espiritu Santo, at makipagtulungan sa tulong na ito.
Ayon sa tradisyon ng Apostolado ng Panalangin (ang lumang pangalan ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa) ipinagkakatiwala ng mga Papa mula pa noong 1879 ang isang intensyon sa panalangin kada buwan sa Simbahan sa pamamagitan ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa. Sa buwan na ito, ang intensyon ay ang sumusunod: “Ipanalangin natin ang Papa, upang sa pagtupad niya sa kanyang misyon, patuloy siyang umagapay sa kawang ipinagkatiwala sa kanya, sa tulong ng Espiritu Santo.” Tinapos ng Papa ang video sa isang munting biro: “Magdasal po kayo para sa akin. Huwag sana contra sa akin!”
Mula pa noong unang araw ng kanyang panunungkulan bilang Papa
Ayon kay Padre Frédéric Fornos S.J., Pandaigdigang Direktor ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, makahulugan ang mensaheng video ni Papa Francisco dahil mula pa noong unang araw, nitong nakalipas na sampung taon, naging bahagi na ng panunungkulan nito bilang Papa ang walang-sawang paghiling na ipanalangin ito ng lahat.
Natatandaan niyo pa ba ang hindi malilimutang ika-13 ng Marso 2023, nang pagkatapos niyang mahirang bilang Papa ay lumitaw si Francisco sa balkonahe sa harapan ng Basilika sa Vaticano, at bago ibigay ang kanyang bendisyon sa mga mananampalatayang natitipon sa Plaza de San Pedro ay hiniling muna niya ang panalangin ng mga tao. “Hinihiling kong manalangin kayo sa Panginoon upang ako ay bendisyunan,” ang sabi ni Francisco. Matapos bigyang diin ang kahalagahan ng “panalangin ng bayang hinihiling ang bendisyon para sa kanilang obispo,” humingi ang Papa ng ilang sandali ng malalim na katahimikan upang ang mga nakikinig ay maipanalangin siya.
Magmula pa sa simula, binigyan na ni Francisco ng malaking pagpapahalaga ang panalangin, at hinihiling sa mga tao na ipagdasal siya, pati na ang mga hamon sa sangkatauhan at sa misyon ng Simbahan. Si Francisco nga ang nagsulong ng pagpapanibago ng Apostolado ng Panalangin bilang Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa at ginawa itong isang Gawain ng Papa at isang Foundation ng Vaticano. Ang Santo Papa rin ang gumagawa buwan-buwan magmula pa noong 2016 ng Video ng Papa upang mangusap sa mga puso ng bawat isa at anyayahan ang mga ito sa panalangin. Siya rin ang nasa likod ng Click to Pray bilang kanyang plataporma ng panalangin, kung saan isinama niya ang kanyang sariling profile noong 2019.
Isang buwan ng pakikiramdam kasama ang Simbahan
Binigyang diin ni Padre Fornos na ang buwan ng Nobyembre, sa pagiging laan nito ngayon taon sa pananalangin para sa Papa, ay nagiging “isang buwan ng ‘pakikiramdam kasama ang Simbahan’”, tulad ng binabanggit sa Ejercisios Espirituales ni San Ignacio de Loyola. Bilang pangwakas, sinabi niya: “Ang pakikiramdam na ito ay paanyaya sa isang pauna o a priori na kabaitan sa pagtanggap sa pagkilatis ng obispo ng Roma bilang namumuno sa pagkakaisa ng lahat ng mga Simbahan, at sa kanyang pandaigdigang abot-tanaw ay siyang tumutulong sa atin para kilalanin ang pagkilos ng Espiritu ng Panginoon.”
Nagiging posible lamang ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito:
Saan mapapanood ang video?
- Ang Opisyal na Website ng Ang Video ng Papa
- YouTube Channel ng Ang Video ng Papa
- Facebook Page ng Ang Video ng Papa
- Twitter/X ng Ang Video ng Papa
- Instagram ng Ang Video ng Papa
- Opisyal na Twitter/X @Pontifex
- Opisyal na Instagram @Franciscus
Tungkol sa Video ng Papa
Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layuning ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin o Pope’s Worldwide Prayer Network). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 210 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa. Nilikha at prinodyus ang mga video ng pangkat ng Apostolado ng Panalangin o ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi at sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi Comunicación para Buenas Causas. Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa.
Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN)
Ang Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa (Pontifical Society/Work at Foundation) na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: https://www.popesprayer.va/