Ipagdasal natin na ang mga taong may kapansanan ay maging sentro ng atensyon ng lipunan, at na isulong ng mga institusyon ang mga programa ng “pagpapasali” (inclusion) para sa kanilang aktibong pakikilahok.
Pope Francis – Disyembre 2023
Kabilang sa pinakanapapabayaan ay ang mga taong may kapansanan.
Dumaranas sila ng pagtakwil bunga ng kamangmangan at diskriminasyon na nagdadala sa pagsasantabi sa kanila.
Dapat suportahan ng mga institusyong sibil ang kanilang mga proyekto para may access sila sa edukasyon, trabaho at mga pagpapahayag ng pagkamalikhain nila.
Kulang ng mga programa at inisyatiba na nagtataguyod ng pagsali ng lahat (inclusion).
Higit sa lahat, kailangan natin ng malalaking puso na pakikisamahan sila.
Ito’y para baguhin ang ating pag-iisip upang buksan ang ating sarili sa mga kontribusyon at talento ng mga taong ito na may naiiba rin naming kakayahan (differently abled), hindi lang sa loob ng lipunan kundi sa loob ng buhay-Simbahan.
Kaya, ang paglikha ng parokyang ganap na accessible ay hindi lamang nangangahulugan ng pag-aalis ng mga pisikal na hadlang, kundi pati na rin ang pagkamulat na kailangan nating ihinto ang pag-uusap tungkol sa “kanila” at simulan ang pag-uusap tungkol sa “atin.”
Ipagdasal natin na ang mga taong may kapansanan ay maging sentro ng atensyon ng lipunan, at na isulong ng mga institusyon ang mga programa ng “pagpapasali” (inclusion) para sa kanilang aktibong pakikilahok.
Credits
Campaign title:
The Pope Video – December 2023: For people with disabilities
A project by Pope’s Worldwide Prayer Network
In collaboration with Vatican Media
Creativity and co-production by:
Benefactors
Benefactor:
Thanks to:
With the Society of Jesus
—
PRESS RELEASE
Hiling ni Papa Francisco sa Simbahan at sa mga institusyong sibil na yakapin ang pagka-inklusibo at pasiglahin ang aktibong pakikilahok ng mga taong may kapansanan
- Sa Ang Video ng Papa ngayong Disyembre, hiling ni Papa Francisco ng mga panalangin para sa mga taong may kapansanan upang sila ay “mapunta sa sentro ng atensyon sa lipunan.”
- “Nangangahulugan ito ng kaunting pagbabago sa ating pag-iisip at pagbubukas ng ating sarili sa mga kakayahan at talento ng mga taong ito na ibá ang kakayahan,” pagninilay ng Santo Papa.
- Dagdag pa rito, nananawagan si Papa Francisco sa mga institusyon na isulong ang “mga programa sa pagpapasali (inclusion) na pinasisigla” ang aktibong partisipasyon ng mga taong may kapansanan.
(Vatican City, 28 Nobyembre 2023) – “Kailangan ang mga programa at mga hakbangin na nagtataguyod ng kanilang pagsali,” sabi ni Papa Francisco sa edisyong pan-Disyembre ng Video ng Papa na doo’y hinihiling niya na ipagdasal natin ang mga taong may kapansanan. Sa pamamagitan ng The Pope’s Worldwide Prayer Network (Apostolado ng Panalangin), hinihiling ng Santo Papa “na ang mga taong may mga kapansanan ay maging sentro ng atensyon sa lipunan, at ang mga institusyon ay gumawa ng mga programa sa pagsasama (inclusion) na isinusulong ang kanilang aktibong pakikilahok.”
Ang layunin ng panalanging ito ay kasabay ng buwan ng itinalaga ng UN na ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng mga Taong May Kapansanan Disyembre 3) na may layuning itaguyod ang kanilang mga karapatan at kagalingan. Iginigiit ni Papa Francisco ang konsepto ng “differently abled” upang salungguhitan ang malaking kontribusyon na maidudulot ng buong pagpapasali (inclusion) at pagpapahalaga sa mga taong pinakanaisasantabi sa lipunan.
Pinatutunayan ito ng mga larawang kasama ng mga salita ng Papa: iba’t ibang mga kuwento na pagpinagsama ay nagpapakita ng kakayahang paunlarin pa ang mga talento ng mga taong may kapansanan. Mula sa mga eksena ng mga paralympic na atleta na matagumpay na hinamon ang kanilang sariling mga limitasyon sa iba’t ibang internasyonal na kumpetisyon, hanggang sa pagpapakita sa mga kaibigan ng Komunidad ng Sant’Egidio na nagpipinta ng mga gawa ng sining o pagsisilbi sa mga mesa sa isang restaurant. Ang iba ay nagpapakita ng isang Jesuit theologian sa Australia na may kapansanan sa paningin, at ng isang madre na may Down’s Syndrome na naglilingkod sa Lourdes; pareho silang lumahok sa isang pulong bago ang General Assembly ng Synod of Bishops na ikinuwento sa kampanyang #IAmChurch na itinaguyod ng Dicasteryo para sa Laiko, Pamilya at Buhay. Ang Video ng Papa ngayong buwan, na ginawa sa pakikipagtulungan ng Dicasteryo para sa Pagtaguyod ng Pag-unlad ng Kabuoan ng Tao ay mistulang awit tungkol sa halaga ng buhay mismo, at panawagan rin na baguhin ang ating paraan ng pag-iisip.
Lipunan at ang Simbahan
Sa ating daigdig ngayon, ulat ni Papa Francisco, ang ilang taong may mga kapansanan ay “nakararanas ng pagtakwil, na nakaugat sa kamangmangan o pagtatangi (prejudice), at ang bunga ay napapabayaan sila.” Kaya naman, panahon na upang “baguhin nang kaunti ang ating kaisipan at buksan ang ating sarili sa mga kakayahan at talento ng mga taong ito na may naiibáng kakayahan, kapwa sa lipunan at maging sa buhay ng Simbahan.” Pagkatapos ay hinihiling ng Papa sa mga institusyong sibil na suportahan ang mga proyekto ng mga taong may kapansanan, sa pamamagitan ng pagbibigay ng “access sa edukasyon, trabaho, at mga pagkakataong maaari nilang ipahayag ang kanilang pagkamalikhain” at magkaroon din ng mga inisyatiba “na nagtataguyod ng pagpapasali sa kanila.” Ang Simbahan, sabi niya, ay hindi dapat limitahan ang sarili sa pag-aalis ng mga pisikal na hadlang, ngunit dapat ding “ihinto ang usapan tungkol sa ‘kanila’ at simulan ang pakikipag-usap tungkol sa ‘atin.'” Inulit niya sa ating lahat na, “kailangan ng malalaking puso na nais makasali ang mga kapatid nating may kapansanan.”
Isang mas malalim na pananaw
Tungkol sa video ng Santo Papa para sa buwan ng Disyembre, si Cardinal Michael Czerny, Prefect ng Dicastery for Promoting Integral Human Development, ay idinagdag: “Ang paanyaya ng Papa na tanggapin at isali ang mga taong may kapansanan sa buhay ng Simbahan at sa lipunan ay malaking tulong sa pagkilala ng misteryo ng bawat tao. Nakipag-ugnayan si Jesus sa mga taong nakaranas ng pisikal, sikolohikal at espirituwal na kahinaan. Nakita niya ang kagandahan at potensyal sa kanila. Sa pagkakilala ng misteryong mala-Diyos sa Kanya, nadama nila kay Hesus ang presensya ng Isang nagliligtas, ng Ama. Sa isang mundo na ang pagiging produktibo ay tila mas mahalaga pa kaysa sa tao, at ang kagandahan ay kinokontrol ng mga komersyal na pamantayan, ang komunidad ng Kristiyano, sa pamamagitan ng panalangin ay nagkakaroon ng mas malalim at mas mapagpalayang pananaw. Hindi itinatanggi ng Simbahan ang pakikilahok sa Salita at mga Sakramento sa sinuman, bagkus ay ibinabahagi niya sa tamang paraan sa bawat tao. Sa mga lipunan nating non-inclusive madalas hindi pinasasali ang ilang mga sector, kailangan nating sabay na manindigan upang, sa pagsunod sa halimbawa ni Jesus, ating igalang ang lahat at palagoin ang kapatiran.”
Pagpapasali (Inclusion), ang ating saligang bato
Si Padre Frédéric Fornos S.J., International Director ng Pope’s Worldwide Prayer Network – Apostolado ng Panalangin, ay sumusuporta sa imbitasyon ni Papa Francisco: “ang pokus ng intensyon ng panalangin ng Papa ngayong buwan ay isulong ang aktibong partisipasyon ng mga taong may kapansanan, ang pagbuo ng mga programa at mga inisyatiba na walang sinuman ang ibinubukod upang sila ay suportahan, tanggapin, pasalihin upang maging bahagi ng kabuoan at kilalanin ng lipunan. Ito ang ginawa ni Jesus – tinanggap niya ang lahat. Walang nakaramdam na hindi Niya tanggap. Alam natin ito, ngunit nahihirapan tayong isabuhay ito. Ito ang dahilan kung bakit dapat tayong manalangin, dahil nangangailangan ito ng pagbabago ng kaisipan, ng pananaw simula sa sarili nating paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay. Sabi sa atin ng Santo Papa, ganito natin magagawang ‘buksan ang ating sarili sa mga kakayahan at talento ng mga taong ito na may náiibáng kakayahan, maging sa lipunan at maging sa buhay ng Simbahan.’”
Nagiging posible lamang ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito:
Saan mapapanood ang video?
- Ang Opisyal na Website ng Ang Video ng Papa
- YouTube Channel ng Ang Video ng Papa
- Facebook Page ng Ang Video ng Papa
- Twitter ng Ang Video ng Papa
- Instagram ng Ang Video ng Papa
- Opisyal na Twitter @Pontifex
- Opisyal na Instagram @Franciscus
Tungkol sa Video ng Papa
Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layuning ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin o Pope’s Worldwide Prayer Network). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 210 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa. Nilikha at prinodyus ang mga video ng pangkat ng Apostolado ng Panalangin o ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi at sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi Comunicación para Buenas Causas. Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa.
Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN)
Ang Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa (Pontifical Society/Work at Foundation) na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: https://www.popesprayer.va/
Dicastery para sa Pagsulong ng Kabuoang Pag-Unlad ng Tao (Dicastery for Promoting Integral Human Development)
Ang Dicastery for Promoting Integral Human Development ay nilikha noong 17 August 2016. Mula noong Enero 2017, ang mga pananagutan at gawain ng Pontifical Council for Justice and Peace, ng Pontifical Council for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People, ng Pontifical Council Cor Unum at ng Pontifical Council for Health Care Workers ay pinag-isa sa Dicastery. Itinataguyod ng Dicastery ang pag-unlad ng tao sa liwanag ng Ebanghelyo ayon sa panlipunang doktrina ng Simbahan. Binibigyang-pansin nito ang mga tanong tungkol sa katarungang panlipunan; nagpapalalim at nagpapaunlad ng mga tema tungkol sa kabutihang panlahat, sa kapayapaan at proteksyon ng paglikha, karapatang pantao, pangangalaga sa kalusugan, migrante at human trafficking; at nagpapahayag ng kalinga at pagmamalasakit ng Papa para sa mga nagdurusa at nangangailangan.
I-CONTACT ANG PRESS
Pagpapasali o Inclusion, Mga taong may kapansanan, Kapansanan, Ang Video ng Papa, Papa Francisco, Intensyon sa Panalangin, Click To Pray