OKTUBRE | Para sa Simbahang Bukás sa Lahat

Ipanalangin natin na ang Simbahan, na tapat sa Ebanghelyo at matapang sa pagpapahayag nito, ay lalong mabigyang-buhay ang synodality at maging lugar ng pagkakaisa, kapatiran at pagtanggap.

Pope Francis – October 2022

Ano ang kahulugan ng “pagdaraos ng synod”? Nangangahulugan ito ng sama-samang paglalakad: syn-hodos. Sa salitang Griyego ito’y, “sama-samang paglalakad” at paglalakad tungo sa iisang direksyon.
At ito ang inaasahan ng Diyos mula sa Simbahan ng ikatlong milenyo: ang mapanumbalik ang ating kamalayan na naglalakbay tayo at kailangan nating gawin ito nang sama-sama.
Ang Simbahan na may ganitong synodal style ay isang Simbahang nakikinig, na batid na higit sa pagdinig ang tunay na pakikinig.
Ito ang pakikinig sa bawat isa kahit tayo’y iba’t iba, at pagbubukás ng pinto sa mga nasa labas ng Simbahan. Hindi ito tungkol sa pangangalap ng opinyon, o pagdaraos ng parliamento. Ang synod ay hindi botohan; tungkol ito sa pakikinig sa pangunahing bida, Siyang pinakatagapagsulong, ang Banal na Espiritu; tungkol ito sa pagdarasal. Kung walang panalangin, walang maidaros na synod.
Gamitin natin ang pagkakataong ito upang maging Simbahan ng pagkakalapít-lapít, sapagkat ang pagiging malapít ay ayon sa kalooban ng Diyos. At pasalamatan natin ang mga Sumasampalataya sa Diyos, na sa kanilang matamang pakikinig, ay naglalakbay sa landas ng synod.
Ipanalangin natin na ang Simbahan, na tapat sa Ebanghelyo at matapang sa pagpapahayag nito, ay lalong mabigyang-buhay ang synodality at maging lugar ng pagkakaisa, kapatiran at pagtanggap.

Credits

Campaign title:

The Pope Video – October 2022: For a Church open to everyone

A project by Pope’s Worldwide Prayer Network

In collaboration with Vatican Media

Creativity and co-production by:

La Machi Communication for Good Causes

Music production and mix by:

Índigo Music Design

Benefactors

PRESS RELEASE

Ang Video ng Papa ukol sa SynodSama-samang Paglalakád, Sama-samang Pakikinig

  • Sa Ang Video ng Papa, inaanyayahan ni Francisco ang lahat ng nasa Simbahan na pakinggan ang isa’t isa kahit sa ating pagkakaiba’t-iba. Nais din niyang buksan ng Simbahan ang mga pinto sa mga nasa labas.
  • Matapos dumaan sa unang taon ng synodal na paglalakbay, at matapos simulan ang ikalawang yugto, ang yugtong kontinental, pinaáalala ng Papa na ang Sinodo ay “hindi isang survey”: “ito ay hindi tungkol sa pagkolekta ng mga opinyon, o pagdaraos ng parlyamento” ngunit upang magkaroon ng tunay na pakikinig.
  • Hiling ni Francis “na makinig sa pinaka-’bida’, na walang iba kundi ang Banal na Espiritu” at sa gayon, makiisa sa istilo ng Diyos, upang maging isang lugar ng pagkakaisa, pagkakapatiran at pagtanggap.

(Lungsod ng Vatican, Oktubre 3, 2022) – Bagong buwan, bagong intensyon sa panalangin para kay Pope Francis. Ipinalabas na Ang Video ng Papa para sa Oktubre tungkol sa layuning pampanalangin na ipinagkakatiwala ng Pontiff sa buong Simbahang Katolika sa pamamagitan ng The Pope’s Worldwide Prayer Network (Apostolado ng Panalangin). Sadyang napapanahon ang intensyong ito sa ng ating synodal na paglalakbay na nagsimula noong 2021 at magtatapos sa 2023. Natapos na ang unang yugto nang pinagnilayan ng mga partikular na Simbahan, mga Kumperensya ng mga Obispo at mga iba pang mga grupo sa Simbahan, ang Dokumento ng Paghahanda (Preparatory Document) na ipinadala ng Roma; ngayon naman ay pinasinayaan na ang yugtong kontinental. Sa yugtong ito, binibigyang-diin ang pakikinig, pangingilatis at pag-uusap sa regional level, batay sa mga kontribusyong ipinadala ng mga partikular na Simbahan. Diin din ng Santo Papa kailangang bukás at malapít sa mga tao ang Simbahan; hiling niyang manalangin tayo “upang ang Simbahan, habang nanatiling tapat sa Ebanghelyo at matapang sa kanyang pagpapahayag ay mabuhay nang may higit na pagkakaisa at maging isang lugar ng higit pang pagkakaisa, pagkakapatiran at pagtanggap”.

Sa suporta ng Synod tungkol ka sa Synodality, binibigyang-diin ng edisyong ito ng Video ng Papa na para sa Simbahan ang Synod “ay hindi isang survey”: “hindi ito tungkol sa pagkolekta ng mga opinyon, o pagdaraos ng isang parliamento”, sa halip, tungkol ito sa “pakikinig sa isa’t isa sa kabila ng ating pagkakaiba-iba”, at higit sa lahat “makinig sa pinaka-bida, na walang iba kundi ang Banal na Espiritu”. Ang “pagsasagawa ng isang synod” ay para matutong mas makinig sa isa’t isa, makipag-usap sa isa’t isa – kahit na sa mga nasa labas, nasa laylayan – upang itaguyod ang “pagiging malapít”, na siyang istilo ng Diyos.”

Synodality: ang Simbahan sa Ikatlong Milenyo

Para kay Pope Francis, ang paglalakád nang magkakasama tungo sa iisang direksyon “ay ang inaasahan ng Diyos mula sa Simbahan ng ikatlong milenyo. Dapat mapanumbalik ang kamalayan na tayo’y mga taong naglalakbay sa daan at dapat nating gawin ito nang sama-sama”.

Sa ganitong diwa, nagsimula ang 2021-2023 Synod isang taon na ang nakakaraan na may temang “Para sa isang Synodal na Simbahan: Komunyon, Partisipasyon, at Misyon”. At sa buwang ito nagsisimula ang ikalawang yugto ng paglalakbay. Ito’y patuloy na proseso ng pakikinig at pangingilatis ng buong mundo. Ngayon, sa yugtong may tuon sa mga kontinente, batay sa gawaing pakikinig na isinagawa ng mga partikular na Simbahan at ang pangingilatis ng mga Pastor sa mga Episcopal Conference, ang Pangkalahatang Secretariat ng Synod ay naghahanda ng isang Dokumento ng Pagkilala sa Bayan ng Diyos pagkatapos ng maingat na pagninilay sa mga bunga ng nakaraang yugto.

Si Cardinal Mario Grech ang Pangkalahatang Kalihim ng Sinodo ng mga Obispo; Nagkomento siya sa proseso ng Synod: “Ang tugon ng Bayan ng Diyos sa unang yugto ng prosesong synodal ay pambihira, walang katulad sa kasaysayan! Lahat ng Episcopal Conference ay nagpadala ng kanilang kontribusyon. Hindi pa ito nangyari noon at malinaw na ipinapakita kung paano kumikilos ang Espiritu! Ngayon, maraming mananampalataya ang nagtatanong kung paano ipagpatuloy ang landas na kanilang sinimulan. Liban pa sa mga aktibidad na ipinatupad sa antas na lokal o sa antas ng bawat kontinente, inaanyayahan ko ang lahat na mag-ambag ng personal at pampamayanang panalangin upang suportahan ang mga tatawagin upang makinig at gumawa ng pangingilatis sa susunod na mga pagtitipon sa antas ng mga kontinente.”

Batay rito, dapat maunawaan na ang kasalukuyang proseso ay hindi nagtatapos sa yugto ng diyosesis, ni sa yugtong pangkontinente, ni sa pagdiriwang ng mismong Asembleya ng Sinodo ng mga Obispo; ito ay mga pangyayaring bumubuo sa tuloy-tuloy at katangi-tanging dinamismo ng patuloy na pagpapanibagong-loob at synodal conversion sa Simbahan. At sa kapwa pakikinig na iyon —gaya ng ipinaliwanag ng Santo Papa sa Paggunita sa ika-50 Anibersaryo ng Institusyon ng Sinodo ng mga Obispo—“bawat isa ay maymatutunan: ang lahat ng mga mananampalataya, ang mga Kolehiyo ng Obispo, ang Obispo ng Roma: ang lahat ay nakikinig sa isa’t isa; at lahat nakikinig sa Banal na Espiritu”.

Buksan Ang Mga Pinto: “Kung walang panalangin, walang sinodo.”

Idinagdag ni Frédéric Fornos S.J., International Director ng Pope’s Worldwide Prayer Network, na sinimulan ni Pope Francis ang isang cycle ng catechesis tungkol sa pangingilatis (discernment). “Hindi tayo dapat magtaka, na sa buwang ito na ipinagdiriwang natin ang isang taon mula sa simula ng paglalakbay sa daang synodal, at kung saan inaanyayahan tayo ni Francis na manalangin para sa isang Simbahan na bukás sa lahat, tinutulungan tayong maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng pangingilatis. Upang ang patuloy na paglalakbay na synodal ay maging isang tunay na prosesong espirituwal, nangangailangan ito ng pakikinig, pag-uusap, panalangin at pag-unawa. Walang pangingilatis kung walang panalangin. Kung walang panalangin, maibahagi mang ang magagandang pagninilay at karanasan, ngunit mahirap pa ring makinig sa Banal na Espiritu, ang pangunahing kumikilos sa Sinodo. Alalahanin natin, gaya ng sabi ni Francis, na “Kung walang panalangin, walang sinodo”.

Upang manalangin para sa proseso ng Synod at ang layunin ng panalangin ng Papa: www.prayforthesynod.va at www.clicktopray.org

Nagiging posible lamang ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito.

¿Saan mapapanood ang video? 

Tungkol sa The Pope Video

Ang Pope Video ay opisyal na pandaigdigang inisyatiba, na naglalayong ipalaganap ang mga buwanang intensyon ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pope’s Worldwide Prayer Network o Apostolado ng Panalangin. Mula noong 2016, umabot na sa 180 milyon ang nakapanood ng The Pope Video sa pamamagitan ng social networks ng Vatican, at isinalin ito sa mahigit sa 23 wika, na iniuulat sa mga pahayagan  ng 114 mga bansa. Ang mga video ay nilikha ng grupo ng The Pope Video ng Pope’s Worldwide Prayer Network, sa pangunguna ni Andrea Sarubbi, sa pakikipagtulungan ng ahensya ng La Machi Communication for Good Causes. Ang proyektong ito ay suportado ng Vatican Media. Para sa karagdagang impormasyon: The Pope Video

Tungkol sa Pope’s Worldwide Prayer Network

Ang Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang foundation ng Vatican, na naglalayon na pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng pananalangin bilang tugon sa mga hamon na kinakaharap ng sangkatauhan kaisa sa misyon ng Simbahan. Ipinapahayag ang mga hamon na ito sa pamamagitan ng mga intensyon ng panalangin ng Santo Papa, na hinihiling din niya na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus, na naghahangad ng pagmamalasakit sa mundo. Ito ay itinatag noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng mahigit sa 22 milyong mga Katoliko. Kinabibilangan ito ng mga kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement. Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong alituntunin. Ang International Director nito ay si Fr. Frederic Fornos, SJ. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang: www.popesprayer.va/

PRESS CONTACT [email protected]

Synod, Synodality, Pagdaraos ng Synod, Ang Simbahan ng pagkakalapit-lapit, Pakikinig, Ang Iglesya ng pagkakalapit-lapit, Ang Simbahan ng pakikinig, Ano ang Synod?, Sama-samang paglalakad.

adminOKTUBRE | Para sa Simbahang Bukás sa Lahat