Ipagdasal natin na na lumago ang mga relihiyoso/a, at mga seminarista sa kanilang sariling bokasyonal na paglalakbay sa pamamagitan ng paghuhubog o pormasyon na pantao, pampastoral, pang-espiritwal at pangkomunidad, na umaakay sa kanila upang maging mga tunay na saksi ng Ebanghelyo.
Pope Francis – MAYO 2024
Bawat bokasyon ay “diamanteng magaspang” na kailangang puliduhin, pagtrabahuhan, at ihugis ang bawat tapyas.
Dapat ang mabuting pari o madre o brother ay, higit sa lahat, maging tunay na taong hinubog ng biyaya ng Panginoon.
Mga tao silang alam ang sarili nilang mga limitasyon, at handa sa buhay panalangin at dedikadong patotoo sa Ebanghelyo.
Dapat buong pagkatao ang hinahanda; simula pa sa seminaryo at sa novitiate, dapat umuunlad na sila, lalo sa direktang pakikipag-ugnayan sa buhay ng kapwa tao. Mahalagang pundasyon ito.
Di natatapos ang paghuhubog sa isang tiyak na sandali; panghabambuhay ito, sa pamamagitan ng patuloy na integrasyon ng intelektwal, pantao, emosyonal, at espiritwal na aspeto.
Meron ding paghahanda para sa buhay sa komunidad; ang pamumuhay sa komunidad ay lubos na nakapagpapayaman ng pagkatao, bagaman mahirap paminsan-minsan.
Dahil iba ang buhay-komunidad sa basta paninirahang magkasama.
Ipagdasal natin na na lumago ang mga relihiyoso/a, at mga seminarista sa kanilang sariling bokasyonal na paglalakbay sa pamamagitan ng paghuhubog o pormasyon na pantao, pampastoral, pang-espiritwal at pangkomunidad, na umaakay sa kanila upang maging mga tunay na saksi ng Ebanghelyo.
Credits
Campaign title:
The Pope Video – MAY | For the formation of men and women religious, and seminarians
A project by Pope’s Worldwide Prayer Network
In collaboration with Vatican Media
Creativity and co-production by:
Benefactors
—
PRESS RELEASE
Para Francisco, ang bawat bokasyon ay “diyamanteng hindi pa nakikinis” at humihiling siya ng panalangin para sa paghuhubog ng mga relihiyoso, relihiyosa at mga seminarista
- Sa Video ng Papa ngayong Mayo, inaalay ni Francisco ang kanyang panalangin “upang ang mga relihiyoso at relihiyosa at mga seminarista ay lumago sa kanilang mga bokasyon sa pamamagitan ng paghuhubog sa kanila bilang tao, bilang mga pastol, sa buhay espiritwal, at sa pakikipamuhay sa pamayanan, upang sila ay maging mga kapani-paniwalang saksi ng Ebanghelyo.”
- Ang kanilang paghahanda, paalala ng Santo Papa sa mensaheng ipinagkatiwala sa kanyang Pandaigdigang Lambat-Ugnayan ng Panalangin, ay kailangang komprehensibo, dapat itong palawakin mula sa seminaryo at nobisyado tunfo sa direktang pakikipag-ugnayan sa buhay ng ibang tao.
- Bilang wakas, ipinapaalala ni Francisco na ang paghuhubog ay hindi nagtatapos sa isang tiyak na sandali, ngunit nagpapatuloy habambuhay. At ito ay nangyayari sa iba’t ibang aspeto: kamalayan sa sariling limitasyon, panalangin, dedikasyon sa pagpapatotoo ng Ebanghelyo, paghahanda para sa buhay sa komunidad, pagiging malapit sa buhay ng mga tao.
(Lungsod ng Vaticano, 30 Abril 2024) – Sa Video ng Papa para sa buwan na ito, inilalaan ni Francisco ang kanyang intensyon sa paghuhubog ng mga relihiyoso, relihiyosa at mga seminarista. Sa kanyang videong mensage, na ipinalalaganap ng Pandaigdigang Lambat Ugnayan ng Panalangin ng Papa at ginawa sa pakikipagtulungan ng Arkidiyosesis ng Los Angeles at sa suporta ng Hallow, binibigyang diin niya na ang “bawat bokasyon ay isang ‘diyamenteng hindi pa nakikinis’ na kailangang kinisin, ayusin at hubugin sa lahat ng aspeto.”
Komprehensibo at panghabambuhay na paghuhubog
Sa konstitusyong apostoliko na Veritatis Gaudium patungkol sa Ecclesiastical Universities at Faculties, binibigyang-diin ng Papa na ang komprehensibong paghuhubog sa mga bokasyon sa pagpapari at buhay relihiyoso ay dapat sumaklaw sa pantao at espiritwal, pastoral at pampamayanan. Gayundin naman, dapat nitong isaalang-alang ang pagkakaiba-iba ng kultura at pinagmulan. Kaugnay nito, binigyang-diin ni Francisco ang kahilingang ito sa video at iginiit na ang paghuhubog ay dapat “mag-akay sa kanila tungo sa pagiging mga mapagkakatiwalaang saksi ng Ebanghelyo.” Sa gayon, ang paghuhubog ay hindi lamang tungkol sa pagtipon ng kaalaman, ngunit tungkol sa isang karanasan ng malalim na pakikipagtagpo kay Jesus.
Paghuhubog sa pakikipamuhay sa pamayanan
Ang buhay sa komunidad ay isang sentral na aspeto ng buhay ng isang relihiyoso, relihiyosa o pari. Para sa Papa, isa ito sa mga pangunahing salik sa paghuhubog at paghahanda para sa mga tumutugon sa ganitong bokasyon. Kung gayon, kahit na ang karanasang ito ay maaaring “nagpapayaman”, kung minsan ito ay “maaaring maging mahirap”, dagdag niya: “dahil ang pamumuhay nang magkakasama ay hindi katumbas ng pamumuhay bilang komunidad.”
Para kay Francis, ang pakikipamuhay at pakikipag-ugnayan sa iba ay hindi madali kung minsan, ngunit ang buhay sa komunidad ay palaging isang paaralan ng kabanalan kung saan ang isang tao ay lumalago sa iba’t ibang mga birtud bilang tao at natututong lumampas sa sarili.
Napakahalagang mga taon
Ang buhay sa komunidad ang tiyak na tampok sa mga larawan ng Video ng Papa ngayong buwan, kasabay ng mga salita ni Francisco: mula sa mga laro ng basketball hanggang sa pagkain nang sama-sama, mga karaniwang sandali ng panalangin at pag-aaral, at siyempre ang Eukaristiya at paglilingkod sa pinakamahihirap, bawat kabataang seminarista, relihiyosa at relihiyoso ay nagpapalakas ng kanyang bokasyon sa pagbabahagi ng mga karanasan at sa patuloy na pakikipagkapwa-tao. Ang mga taon ng paghuhubog ay napakahalaga sa paghahanda ng bawat taong nakatalaga sa Diyos, at ang mga eksena ng buhay na kinunan sa Arkidiyosesis ng Los Angeles – na lumahok sa paggawa ng video na ito – ay naglalahad sa kagandahan nito na nagbibigay-diin sa iba’t ibang aspeto ng mensahe ng Papa: higit sa lahat, ang konsepto na ang paghuhubog ay isang patuloy na landas, at – gaya ng inuulit ng Santo Papa – “ang mabuting pari, madre, una sa lahat, ay dapat maging tunay na taong nahubog sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoon.”
Ang Kagalakan ng Ebanghelyo
Ang Arkidiyosesis ng Los Angeles ay lubos na nag-ambag sa video na ito sa pamamagitan ng paglalaan ng ilang propesyonal sa serbisyo ng Pandaigdigang Lambat Panalangin ng Papa upang mailahad sa pinakamahusay na posibleng paraan ang layunin ng buwanang panalangin ni Francisco. “Kami ay talagang nagpapasalamat na masuportahan si Papa Francisco sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga tao mula sa buong mundo na manalangin para sa mga seminarista, relihiyoso at relihiyosa sa paghahangad nilang maunawaan ang magandang plano ng Diyos para sa kanilang buhay,” sabi ni Arsobispo José H. Gómez ng Los Angeles. “Sinikap ng aming digital team na palitawin ang galak ng mga kabataan na nag-alay ng kanilang buhay sa paglilingkod sa Diyos at sa kanilang kapwa tao,” sabi ni Sarah Yaklic, Digital Director ng Arkidiyosesis ng Los Angeles. “Umaasa kami na ang kagalakan ng Ebanghelyo na makikita sa Video ng Papa ngayong buwan ay magpapalakas sa mga nasa pormasyon at mahikayat ang iba pang mga kabataan na isaalang-alang ang isang bokasyon sa buhay relihiyoso.”
Isang sinariwang pangako
Ang Video ng Papa ngayong buwan ay nakatanggap din ng suporta mula sa Hallow, isang application na magagamit sa panalangin na ginawa sa Estados Unidos. Ayon sa co-founder nito na si Alessandro DiSanto: “isang tunay na karangalan at pagpapala na masuportahan ang inisyatibo ng Santo Papa at ang Video ng Papa. Bilang isang application na nakatuon sa pagtulong sa mga tao sa buong mundo na makahanap ng kapayapaan at kahulugan sa kanilang personal na relasyon sa Diyos, lalo kaming nasasabik na i-sponsor ang video na ito tungkol sa paghuhubog ng mga relihiyoso at relihiyosa, pati na rin ang mga seminarista. Lubos ang aming utang na loob sa mga kalalakihan at kababaihang ito na buong kabayanihang tumanggap ng kanilang mga bokasyong relihiyoso, mula sa mga pari na nagbibigay ng mga sakramento sa mga mananampalataya hanggang sa mga madre na naglilingkod sa ating Simbahan sa napakaraming paraan ng pagsasakripisyo. “Taos-puso naming pag-asa na ang videong ito ay magpanariwa sa ating pananagutang suportahan ang mga taong nangingilatis o nagsasabuhay ng isang bokasyong relihiyoso, na sa natatanging paraan ay nagsisilbing mga kamay ni Kristo sa lupa.”
Ang misyon kasama ang mga kapwa sugo
Pinagnilayan ni Padre Frédéric Fornos S.J., Internasyonal na Direktor ng Pandaigdigang Lambat Panalangin ng Papa, ang nilalaman ng mensahe at sinabi: “Mahusay na ipinapaalala sa atin ni Francisco, sa liwanag ng Veritatis Gaudium, ang kahalagahan ng komprehensibong paghuhubog para sa mga kabataan na nagsimula sa kanilang landas sa buhay relihiyoso o bilang mga seminarista. Ang ganitong pormasyon ay dapat sumaklaw sa lahat ng dimensyon ng buhay ng tao: emosyonal, espirituwal, pastoral at pampamayanan. Sa konteksto ngayon ng SImbahan na nabahiran ng mga pang-aabuso sa kapangyarihan, pang-aabuso sa konsensya at sekswal na pang-aabuso, na may malalalim na ugat sa istruktura at ideyolohiya, napakahalaga na ang paghuhubog ay nagtataguyod ng pagiging bukas sa pantao at emosyonal na dimensyon, na nagbubunga ng pagkakilala sa sarili; nagsusulong ng isang tunay na karanasan ng pakikipagtagpo kay Kristo, upang ang patotoo ng buhay ay makapagpapahayag ng Mabuting Balita sa kapwa; pinayayabong ang pakikipamuhay sa komunidad upang matutunang tanggapin at pahalagahan ang mga pagkakaiba at magtulungan; maunawaan ang konteksto ng pagkakaiba sa kultura at relihiyon; at tiyakin ang de-kalidad na pagsasanay sa akademya, upang mas mapagsilbihan ang misyon ni Kristo. Ang pangangailangan para sa komprehensibong paghuhubog ay di-maisasantabi. Hindi sapat ang pagtipon ng kaalaman. Higit pa rito, ang komprehensibong paghuhubog na ito ay naghahanda sa mga kabataan hindi lamang upang harapin ang mga kasalukuyang hamon, kundi upang sila ay maging mga tulay ng diyalogo sa isang mundo kung saan ang mga tao ay magkakaiba. Ang kakayahang lumahok sa isang maayos na pag-uusap at mapanatili ang pagiging bukas sa kapwa ay mahalaga para sa misyon ng Simbahan, na nagpapakita ng isang mahabagin, mapang-unawa at malapit na mukha sa lahat ng tao.
Posible lamang ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito:
Saan mapapanood ang video?
- Ang Opisyal na Website ng Ang Video ng Papa
- YouTube Channel ng Ang Video ng Papa
- Facebook Page ng Ang Video ng Papa
- Twitter/X ng Ang Video ng Papa
- Instagram ng Ang Video ng Papa
- Opisyal na Twitter/X @Pontifex
- Opisyal na Instagram @Franciscus
Tungkol sa Video ng Papa
Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layuning ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin o Pope’s Worldwide Prayer Network). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 210 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa. Nilikha at prinodyus ang mga video ng pangkat ng Apostolado ng Panalangin o ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi at sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi Comunicación para Buenas Causas. Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa
Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN-AP o APOSTOLADO NG PANALANGIN)
Ang Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa (Pontifical Society/Work at Foundation) na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: https://www.popesprayer.va/
Tungkol sa Arsodiyosesis ng Los Angeles
Ang Arsodiyoesis ng Los Angeles ay komunidad na naglilingkod sa higit sa 4.3 milyong mga Katoliko, na naninirahan sa 120 iba’t ibang mga lungsod. Sa 288 parokya nito at 30 misyon at kapilya, pinaglilingkuran nito ang mga taong may magkakaibang pinagmulan at kultura na may mga misa na ipinagdiriwang sa 42 iba’t ibang wika. Sa pamamagitan ng 265 na paaralan nito, sinisikap nitong bumuo ng bagong henerasyon ng mga Katoliko, na pinapagbinhi ang kagalakan ng Ebanghelyo. Sa ilalim ng pastoral na pamumuno ni Arsobispo José H. Gómez, nagtutulungan ang mga Katoliko sa Los Angeles upang mabuhay at ipahayag ang mabuting balita, na nakatuon sa pagbuo ng isang komunidad ng pananampalataya at pagmamahal at pag-aalis ng maraming mukha ng kahirapan – espirituwal, pang-ekonomiya at moral – at ang pagtatanggol sa dignidad ng buhay ng tao. Higit pang impormasyon: www.lacatholics.org
Tungkol sa Hallow
Tinutulungan ng Hallow ang mga tao na palalimin ang kanilang relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng audio-guided na mga panalangin, pagmumuni-muni sa pagtulog, pagbabasa ng Bibliya, pagmumuni-muni, at musika. Ang app ay may higit sa 10,000 session kabilang ang Daily Rosary, Daily Gospel, Daily Saint, Pope’s Monthly Prayer Intention, Novenas, Examens, Father Mike Schmitz’s Bible in a Year, The Chosen’s Jonathan Roumie’s audio Bible, Bishop Barron’s Sunday Sermons, mapayapang Kristiyanong musika, Gregorian chant, at marami pang iba. Inilunsad noong Disyembre 2018, kasalukuyang nasa 8 wika ang Hallow at ngayon ay #1 Catholic app sa mundo. Na-download na ito nang mahigit 15 milyong beses at ginamit upang manalangin nang higit sa 450 milyong beses sa higit sa 150 na mga bansa. Para sa higit pang impormasyon tungkol sa app, bisitahin ang Hallow.com. Kung ikaw ay isang consagradong relihiyoso, mangyaring makipag-ugnayan sa [email protected] para sa tulong sa pag-activate ng iyong libreng panghabambuhay na account.
CONTACT SA PRESS
POPE’S WORLDWIDE PRAYER NETWORK – VATICAN CITY
MGA PARTNER:
ARSODIOSESIS NG LOS ANGELES
Yannina Diaz – Direktor ng Media Relations
HALLOW
Mga Bokasyon, Mga Seminarista, Mga Lalaking Relihiyoso, Mga Babaeng Relihiyosa, Mga Madre, Mga Madre, Paghubog, Ang Video ng Papa, Intensyon sa Panalangin, Click to Pray