ENERO | Diskriminasyon at Pag-uúsig sa Relihiyon

Ipagdasal natin na ang mga taong dumaranas ng diskriminasyon at ng relihiyosong pag-uusig ay makatagpo sa mga lipunang kanilang ginagalawan ang pagkilala at dignidad na nagmumula sa pagiging magkakapatid.

Pope Francis – January 2022

Bakit naman marami pa rin ngayong relihiyosong minorya na dumaranas ng diskriminasyon o pag-uusig?
Paano natin pinahihintulutan ang mga tao sa napakasibilisadong lipunang ito na usigin dahil lamang sa pagpahayag ng kanilang pananampalataya sa publiko? Hindi lang ito hindi katanggap-tanggap; ito ay hindi makatao; ito’y kabaliwan.
Ang kalayaang panrelihiyon ay hindi limitado sa kalayaan sa pagsamba, na ibig sabihin, basta maaari silang magkaroon ng pagsamba sa mga araw na itinakda ng kanilang mga sagradong aklat. Bahagi rin nito ang pagpapahalaga natin sa ibang tao sa kanila mismong pagkakaiba at pagkilala natin sa kanila bilang mga tunay na kapatid.
Bilang mga tao, napakarami tayong pagkakatulad na maaari tayong mamuhay nang sama-sama sa pagtanggap ng mga pagkakaiba na may kagalakan sa pagiging magkakapatid.
Maliit man ang ating pagkakaiba, o malaki man ang pagkakaiba natin tulad ng pagiging iba ang relihiyon natin, hindi pa rin nito buburahin ang malaking pagkakaisang dulot ng pagiging magkakapatid.
Piliin natin ang landas ng kapatiran. Kung hindi tayo lahat makikipagkapatiran, talo tayong lahat.
Ipagdasal natin na ang mga taong dumaranas ng diskriminasyon at ng relihiyosong pag-uusig ay makatagpo sa mga lipunang kanilang ginagalawan ang pagkilala at dignidad na nagmumula sa pagiging magkakapatid.

Credits

Campaign title:

The Pope Video – January 2022: Religious discrimination and persecution

A project by Pope’s Worldwide Prayer Network

In collaboration with Vatican Media

Creativity and co-production by:

La Machi Communication for Good Causes

Music production and mix by:

Índigo Music Design

Benefactors

Benefactors:

ACN International

Media partners:

Aleteia

With the Society of Jesus

PRESS RELEASE

Dalawa sa tatlong tao ang dumaranas ng pag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya: “Hindi ito katanggap-tanggap!” sabi ni Pope Francis

  • Pinasinayaan ang ikapitong taon ng Pope Video: ang pandaigdigang inisyatiba na kumukuha ng mga intensyon sa panalangin na ipinagkatiwala ni Pope Francis sa buong Simbahang Katoliko sa pamamagitan ng Worldwide Prayer Network ng Papa.
  • Inialay ni Francis ang unang mensahe ng panalangin ng 2022 laban sa diskriminasyon at pag-uusig sa relihiyon. Tandaan na ang kalayaang pangrelihiyon ay hindi limitado sa kalayaan sa pagsamba, ngunit nakaugnay sa fraternity.
  • Minamarkahan ang fraternity bilang daan, inaanyayahan tayo ng Papa na pahalagahan ang pagkakaiba ng isa at kilalanin, una sa lahat, ang dignidad na taglay ng bawat isa bilang isang tao.

(Vatican City, Enero 4, 2022) – Sinimulan ng Pope Video ang ikapitong taon nitong pagbabahagi ng hangarin sa panalangin na ipinagkatiwala ni Francis sa buong Simbahang Katoliko sa pamamagitan ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network.  Kaka-palabas pa lang ng video para sa Enero na may makapangyarihang mensahe na pabor sa kalayaang pangrelihiyon at mga taong dumaranas ng diskriminasyon. Inaanyayahan ng Santo Papa ang lahat ng tao na piliin “ang landas ng kapatiran. Dahil kung hindi tayo lahat maging magkapatid, talo tayong lahat ”.  At para dito, mahalagang wakasan ang napakaraming mga paghihigpit na nagpapahirap sa maraming tao kapag pag nais nilang ipahayag ang kanilang pananampalataya.

May kalakip na panawagan sa lahat ng mga pamahalaan sa mundo ang Video ng Papa na ngayong buwan ay tumatanggap ng suporta ng Aid to the Church in Need (ACN), isang internasyonal na Katolikong organisasyong pang-kawanggawa (charitable organization)  at pontifical foundation na ang misyon ay tulungan ang mga mananampalataya. saanman sila inuusig, inaapi o nangangailangan, sa pamamagitan ng impormasyon, panalangin at pagkilos.  Sa video, binibigyang-diin na sa mga lipunang ating ginagalawan at kinauunlaran, dapat maghari ang pagkilala sa mga karapatan at dignidad na mayroon tayong lahat dahil sa ating pagiging tao.

Mga relihiyosong minorya at pag-uusig

Sa kanyang unang intensiyon sa panalangin ngayong 2022, nagsisimula si Francisco  sa dalawang tuwiran at matalim na tanong na sumisigaw para tugunan:  “Bakit naman marami pa rin ngayong relihiyosong minorya na dumaranas ng diskriminasyon o pag-uusig? Paano natin napahihintulutan ang mga tao sa napakasibilisadong lipunang ito na usigin dahil lamang sa pagpahayag ng kanilang pananampalataya sa publiko?”  Sa katunayan, ayon sa ulat tungkol sa Religious Freedom in the World na inilathala ng ACN noong Abril 2021, ang kalayaang pangrelihiyon ay nilalabag sa isang-katlong bahagi (1/3) ng mga bansa sa mundo na doo’y 5.2 bilyong tao ang nakatira.  Nasasaad din sa nasabing ulat na higit sa 646 milyong Kristiyano ang nakatira sa mga bansa na doon ang kalayaang pangrelihiyon ay hindi iginagalang.

Gayundin, mula noong 2020 marami nang report na tinutuligsa kung gaano karaming mga etniko at relihiyong minorya, lalo na yaong may pananampalatayang Islam, ang hindi nagtatamasa ng ganap na mga karapatan ng pagkamámamayán sa mga bansang kanilang tinitirhan.

Ang kalayaang pangrelihiyon bilang batayan ng kapayapaan

Isa itong isyu na nararapat na bigyang pansin, gaya ng kinumpirma ni Thomas Heine-Geldern, Executive Chairman ng ACN International: “Bagaman imposibleng malaman ang eksaktong bilang, ipinahihiwatig ng aming pananaliksik na dalawang-katlo [2/3] ng populasyon ng mundo ay naninirahan sa mga bansa na doo’y patuloy na nagaganap ang mga pagkait sa kalayaan ng relihiyon sa iba’t ibang paraan. Nakakagulat? Hindi, maraming siglo nang lumalaki ang problemang ito mula sa mga ugat ng kawalang-paggalang sa mga taong naiiba, sa pamamagitan ng diskriminasyon, hanggang humantong sa pag-uusig. Lubos kaming naniniwala na ang karapatang maging malaya sa pagsasagawa ng anumang relihiyon o hindi ay isang pangunahing karapatang pantao na direktang nauugnay sa dignidad ng bawat tao. Maaaring mukhang halata, ngunit kahit na ang mga karapatang pantao ay nasa mga labi ng lahat, parang nasa larangan ng mga anino ang kalayaang pangrelihiyon. Ngunit ang karapatang ito ang simula ng ating buong misyon. Paano natin maipagtatanggol ang mga karapatan ng pamayanang Kristiyano kung hindi muna natin isusulong ang unibersal na batas? Ang relihiyon ay paulit-ulit na minamanipula upang pukawin ang mga digmaan. Sa ACN, araw-araw namin itong hinaharap. Ang pagtatanggol sa karapatan sa kalayaang pangrelihiyon ay susi sa paglalantad ng katotohanan ng mga salungatang ito. Ang mga relihiyosong komunidad ay gumaganap ng pangunahing papel kapag ‘walang nang magawa’ ang pulitika o diplomasya sa mga rehiyon ng digmaan at krisis sa mundo. Dapat magkaroon ng kamalayan ang mundo na ang mga hangarin natin para sa mapayapang pakikipamuhay ay walang kinabukasan kung ang kalayaang pangrelihiyon o paniniwala ay hindi iginagalang bilang isang pangunahing karapatang pantao batay sa dignidad ng tao bilang tao”.

Mga landas ng kapatiran: pagtanggap sa pagkakaiba ng iba

Paalala ng Papa na ang kalayaang pangrelihiyon ay nauugnay sa konsepto ng kapatiran. At upang simulan ang pagtahak sa landas ng kapatiran na matagal nang iginigiit ni Francis sa loob ng maraming taon, kinakailangan hindi lamang na igalang ang iba, ang kapwa, ngunit tunay na pahalagahan siya “sa kanyang pagkakaiba at kilalanin siya bilang tunay na kapatid.” Para sa Santo Papa “bilang mga tao mayroon tayong napakaraming bagay na magkakatulad na maaari tayong mamuhay nang sama-sama sa pagtanggap ng mga pagkakaiba na may kagalakan sa  pagiging magkakapatid”. Kung hindi natin paninindigan ito, hindi tayo makatatahak sa landas tungo sa kapayapaan at pamumuhay nang sama-sama.

Nagkomento si Fr. Frédéric Fornos S.J., Internasyonal Direktor ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network sa layuning ito: “Binigyan tayo ni Francis ng isang compass kasama ang kanyang encyclical na Fratelli Tutti: ang kapatiran ng lahat ng tao. Tulad din ng sinabi niya sa kanyang mensahe para sa Unang Pandaigdigang Araw para sa Pagiging Magkapatid ng Lahat ng Tao (First International Day of Human Fraternity), ‘Ngayon ang fraternity (pakikipagkapatiran) ay ang bagong hangganan na dapat harapin ng sangkatauhan. Kung hindi tayo makikipagpatirang lahat, masisirà tayong lahat.’ Para dito, mahalagang kilalanin kung ano ang nakasusugat sa kapatiran, upang mapagaling ito at maiwasang maisalin sa diskriminasyon at pag-uusig sa relihiyon, tulad ng madalas na nangyayari, partikular sa mga Kristiyano. Buong-pusong ipagdasal natin ang hangaring ito sa panalangin: ‘upang ang lahat ng taong dumaranas ng diskriminasyon at pag-uusig sa relihiyon ay matagpuan sa mga lipunang kanilang ginagalawan ang pagkilala sa kanilang mga karapatan at dignidad na nagmumula sa pagiging magkakapatid.

Pakikipagkapatiran, kalayaang relihiyoso, relihiyosong pag-uusig, pagkamamamayan, relihiyosong diskriminasyon, pagbabahagi ng pananampalataya.

adminENERO | Diskriminasyon at Pag-uúsig sa Relihiyon