Ipagdasal natin ang matatanda, na sila’y maging mga guro ng lambing upang ang kanilang karanasan at karunungan ay makatulong sa mga bata na tumingin sa hinaharap nang may pag-asa at responsibilidad.
Pope Francis – July 2022
Hindi mapag-uusapan ang pamilya nang hindi binabanggit ang kahalagahan ng mga matatanda sa atin.
Hindi kailanman tayo naging ganitong karami sa kasaysayan ng sangkatauhan, ngunit hindi pa rin tayo marunong isabuhay ang bagong yugto ng buhay na ito: maraming mga plano na pantulong para sa nakatatanda, pero kakaunti ang mga proyektong talagang naisasabuhay.
Ang mga matatanda kadalasan ay may espesyal na kakayahan para sa pangangalaga, pagmuni-muni at pagmamahal. Tayong mga matatanda ay mga bihasa sa paglambing, o maaaring maging dalubhasa sa malambing na pagmamahal. Walang duda!
Sa mundong itong sanay sa digmaan, kailangan natin ng tunay na rebolusyon ng paglalambing.
Dito tayo merong malaking responsibilidad sa mga bagong henerasyon.
Alalahanin natin: ang mga lolo’t lola at matatanda ang tinapay na nagpapakain sa ating buhay, ang nakatagong karunungan ng bayan. Kaya, kailangang ipagdiwang sila, at nagtatag nga ako ng isang araw para ipagdiwang sila.
Ipagdasal natin ang matatanda, na sila’y maging mga guro ng lambing upang ang kanilang karanasan at karunungan ay makatulong sa mga bata na tumingin sa hinaharap nang may pag-asa at responsibilidad.
Credits
Campaign title:
The Pope Video – July 2022: For the Elderly
A project by Pope’s Worldwide Prayer Network
In collaboration with Vatican Media
Creativity and co-production by:
La Machi Communication for Good Causes
Music production and mix by:
Benefactors
Benefactors:
Media partners:
Thanks to:
Dicastery for Laity, Family, and Life
With the Society of Jesus
—
PRESS RELEASE
“Mga Dalubhasa sa Malambing na Pagmamahal,” mahalagang proyekto ng Papa para sa mga matatandâ
- Inaanyayahan tayo ng Santo Papa na manalangin upang ang karanasan at karunungan ng mga matatandâ ay makatulong sa mga kabataan na tumingin sa hinaharap nang may pag-asa.
- Sa kanyang mensahe sinabi ng Papa na ang mga matatandâ ay may “malaking responsibilidad sa mga bagong henerasyon.”
- Sinalungguhitan ni Francisco sa videong ito na: “Para sa mga matatandá, maraming mga plano para tulungan sila, pero kakaunti ang mga proyektong talagang ukol sa kanilang pamumuhay nang ganap.”
(Lungsod ng Vatican, Hunyo 30, 2022) – Inilathala na Ang Pope Video para sa Hulyo na may layunin sa panalangin na ipinagkatiwala ni Francis sa buong Simbahang Katoliko sa pamamagitan ng Pope’s Worldwide Prayer Network (Apostolado ng Panalangin). Ngayong buwan, ang Santo Papa ay nananalangin “para sa mga matatandâ na kumakatawan sa mga ugat at alaala ng bayan, upang ang kanilang karanasan at karunungan ay makatulong sa mga pínakabatà na tumingin sa hinaharap nang may pag-asa at responsibilidad.” Ang intensyon ay kasabay ng pagdiriwang ng ikalawang Pandaigdigang Araw para sa mga Lolo’t Lola at mga Matatandâ, na ipagdiriwang sa Linggo, Hulyo 24, kapwa sa Roma at sa lahat ng diyosesis sa mundo.
Henerasyong napakarami
Nagsalita si Papa Francisco bilang isa ring matandâ nang sinabi niya: “Hindi kailanman tayo naging ganitong karami sa kasaysayan ng sangkatauhan, ngunit hindi pa rin tayo marunong isabuhay ang bagong yugtong ito ng buhay.” Sa nakalipas na mga dekada, hindi tumigil sa paglaki ang bilang ng mga taong mahigit 65 taong gulang. Ang pagtanda ng populasyon na ito ay lalong nakakaapekto sa mga pinaka-maunlad na bansa, na doon 25% ng mga matatandâ ang namumuhay nang mag-isa. “Para sa matatandâ, maraming mga plano ng tulong, pero kakaunti ang mga proyektong talagang ukol sa kanilang pamumuhay nang ganap,” hinaing ng Papa sa videong ito, na bunga ng pakikipagtulungan sa Dicastery for the Laity, Family and Life at sa Fondazione Alberto Sordi.
Isang mahalagang misyon para sa mga matatandâ
Sa konteksto ng mundong maraming mga sugat, itinuturo ng Santo Papa ang isang pangunahing tungkulin para sa henerasyon ng mga matatandâ. “Ang mga matatandâ ay kadalasang may espesyal na kakayahan para sa pangangalaga, pagmuni-muni at pagmamahal. Tayo ay, o maaaring maging, mga dalubhasa sa paglalambing,” sabi ng Papa. “At sa mundong ito na nakasanayan ang digmaan, napakalaki ng pangangailangan para sa isang tunay na rebolusyon ng lambing! Dito mayroon tayong malaking responsibilidad sa mga bagong henerasyon.”
Sa misyon ng mga matatandâ sa mundo at sa Simbahan, wika ni Card. Kevin Farrell, Prefect ng Dicastery for the Laity, Family and Life: “Iniimbitahan tayo ng Santo Papa na magkaroon ng kamalayan sa kahalagahan ng mga matatandâ sa buhay ng lipunan at ng ating mga comunidad; dapat gawin ito hindi lang paminsan-minsan, ngunit gawing istruktura, na may regular na pastoral na pag-asikaso sa kanila. Ibig sabihin, hindi ito tungkol sa paghahabol lang sa emergency, kundi tungkol sa paglalatag ng mga pundasyon para sa isang pangmatagalang pastoral na pagtaguyod, na marahil mga dekada ang aabutin. Liban pa sa muling pagsaad ng halaga ng paglaban sa cultura ng pagtatapón, tila nais din ng Papa na bigyan din ng mga puntong pantulong sa mga nakakaranas ng kalituhan sa pagtuklas na sila ay nagkaka-edad na nga. Kaya’t ninais niyang magtatag ng isang Pandaigdigang Araw na ipagdiriwang taun-taon at upang markahan ang panahong liturhikal: upang ipahayag na malapít sa matatandâ ang Iglesia.”
Sabi naman ni Ciro Intino, Direktor ng Fondazione Alberto Sordi, “Patuloy na tumatanda ang mga tao sa ating lipunan; may panganib na basta hayaan na lamang ang mga matatandâ na nakabukod, nag-iisa, at hiwalay sa atin — pinapahina nito ang kanilang pagkakakilanlan (identity) at ang kanilang panlipunang papel, lalo na sa pakikipag-ugnayan nila sa mga nakababatang henerasyon. Sa kasamaang palad, kulang ang sapat na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga matatandâ na mapangalagaan sila at makapamuhay nang matiwasay. Napakarami pang dapat gawin para magkaroon ng mga patakarang panlipunan at sosyo-medical para sa mga matatandâ, na naglalayong remedyuhan ang madalas na mangyari na napipilitan ang maraming matatandâ na maging isolated, walang kasama at hiwalay sa iba. Ang mga matatandâ ay mahalagang tagapagdala ng karunungan, kaalaman, kultura: mga pinahahalagang di matatawaran, at sa pamamagitan ng pag-uusap ng iba’t ibang henerasyon (intergenerational dialogue), ay nakakatulong upang magarantiya ang kinabukasan ng ating lipunan at ng mga komunidad na kinabibilangan ng mga matatandâ. Dapat masiglang isagawa ang pakikipagkomunikasyon at pakikipagtulungan sa pagitan ng mga network ng pamilya, mga kaibigan, tagapag-alaga at mga structurang pampubliko, pribado at indibidwal. Ang Fondazione Alberto Sordi ay nagtataguyod ng mga landas na ito ng network at kaya nagbibigay ng batayan para sa pag-asa”.
Nagkomento si P. Frédéric Fornos S.J., International Director ng Pope’s Worldwide Prayer Network (Apostolado ng Panalangin), sa layuning ito: “Ating alalahanin ang ating mga lolo’t lola o mga matatandâng tao na nagbahagi sa atin, batay sa kanilang sariling karanasan sa buhay at pananampalataya, ng kanilang karunungan at pag-asa. Sa mga Ebanghelyo, kinilala ng matatandâng sina Simeon at Ana sa sanggol na naroroon sina Maria at Jose sa Templo, ang pag-asa ng buong bayan. Nagagawa nilang makita at marinig kung ano ang hindi nakikita ng karamihan na walang panahong tumingin, dahil sa bilis ng takbo ng buhay. Gaya ng ipinaalala sa atin ni Papa Francisco sa mga katekesis tungkol sa katandaan nitong huling tatlong buwan, ang alyansa sa pagitan ng ang mga henerasyon, sa pagitan ng matatandâ at kabataan, ay isang pagpapala para sa lipunan. Ipagdasal natin ngayong buwan ang hangarin ng panalanging ito ng Santo Papa.”
Mga Lolo at Lola, Lola, Lolo, Matatandâ, Matatandâ.