- Inaanyayahan tayo ng Santo Papa na manalangin upang ang karanasan at karunungan ng mga matatandâ ay makatulong sa mga kabataan na tumingin sa hinaharap nang may pag-asa.
- Sa kanyang mensahe sinabi ng Papa na ang mga matatandâ ay may “malaking responsibilidad sa mga bagong henerasyon.”
- Sinalungguhitan ni Francisco sa videong ito na: “Para sa mga matatandá, maraming mga plano para tulungan sila, pero kakaunti ang mga proyektong talagang ukol sa kanilang pamumuhay nang ganap.”
(Lungsod ng Vatican, Hunyo 30, 2022) – Inilathala na Ang Pope Video para sa Hulyo na may layunin sa panalangin na ipinagkatiwala ni Francis sa buong Simbahang Katoliko sa pamamagitan ng Pope’s Worldwide Prayer Network (Apostolado ng Panalangin). Ngayong buwan, ang Santo Papa ay nananalangin “para sa mga matatandâ na kumakatawan sa mga ugat at alaala ng bayan, upang ang kanilang karanasan at karunungan ay makatulong sa mga pínakabatà na tumingin sa hinaharap nang may pag-asa at responsibilidad.” Ang intensyon ay kasabay ng pagdiriwang ng ikalawang Pandaigdigang Araw para sa mga Lolo’t Lola at mga Matatandâ, na ipagdiriwang sa Linggo, Hulyo 24, kapwa sa Roma at sa lahat ng diyosesis sa mundo.
Henerasyong napakarami
Nagsalita si Papa Francisco bilang isa ring matandâ nang sinabi niya: “Hindi kailanman tayo naging ganitong karami sa kasaysayan ng sangkatauhan, ngunit hindi pa rin tayo marunong isabuhay ang bagong yugtong ito ng buhay.” Sa nakalipas na mga dekada, hindi tumigil sa paglaki ang bilang ng mga taong mahigit 65 taong gulang. Ang pagtanda ng populasyon na ito ay lalong nakakaapekto sa mga pinaka-maunlad na bansa, na doon 25% ng mga matatandâ ang namumuhay nang mag-isa. “Para sa matatandâ, maraming mga plano ng tulong, pero kakaunti ang mga proyektong talagang ukol sa kanilang pamumuhay nang ganap,” hinaing ng Papa sa videong ito, na bunga ng pakikipagtulungan sa Dicastery for the Laity, Family and Life at sa Fondazione Alberto Sordi.
Isang mahalagang misyon para sa mga matatandâ
Sa konteksto ng mundong maraming mga sugat, itinuturo ng Santo Papa ang isang pangunahing tungkulin para sa henerasyon ng mga matatandâ. “Ang mga matatandâ ay kadalasang may espesyal na kakayahan para sa pangangalaga, pagmuni-muni at pagmamahal. Tayo ay, o maaaring maging, mga dalubhasa sa paglalambing,” sabi ng Papa. “At sa mundong ito na nakasanayan ang digmaan, napakalaki ng pangangailangan para sa isang tunay na rebolusyon ng lambing! Dito mayroon tayong malaking responsibilidad sa mga bagong henerasyon.”
Sa misyon ng mga matatandâ sa mundo at sa Simbahan, wika ni Card. Kevin Farrell, Prefect ng Dicastery for the Laity, Family and Life: “Iniimbitahan tayo ng Santo Papa na magkaroon ng kamalayan sa kahalagahan ng mga matatandâ sa buhay ng lipunan at ng ating mga comunidad; dapat gawin ito hindi lang paminsan-minsan, ngunit gawing istruktura, na may regular na pastoral na pag-asikaso sa kanila. Ibig sabihin, hindi ito tungkol sa paghahabol lang sa emergency, kundi tungkol sa paglalatag ng mga pundasyon para sa isang pangmatagalang pastoral na pagtaguyod, na marahil mga dekada ang aabutin. Liban pa sa muling pagsaad ng halaga ng paglaban sa cultura ng pagtatapón, tila nais din ng Papa na bigyan din ng mga puntong pantulong sa mga nakakaranas ng kalituhan sa pagtuklas na sila ay nagkaka-edad na nga. Kaya’t ninais niyang magtatag ng isang Pandaigdigang Araw na ipagdiriwang taun-taon at upang markahan ang panahong liturhikal: upang ipahayag na malapít sa matatandâ ang Iglesia.”
Sabi naman ni Ciro Intino, Direktor ng Fondazione Alberto Sordi, “Patuloy na tumatanda ang mga tao sa ating lipunan; may panganib na basta hayaan na lamang ang mga matatandâ na nakabukod, nag-iisa, at hiwalay sa atin — pinapahina nito ang kanilang pagkakakilanlan (identity) at ang kanilang panlipunang papel, lalo na sa pakikipag-ugnayan nila sa mga nakababatang henerasyon. Sa kasamaang palad, kulang ang sapat na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga matatandâ na mapangalagaan sila at makapamuhay nang matiwasay. Napakarami pang dapat gawin para magkaroon ng mga patakarang panlipunan at sosyo-medical para sa mga matatandâ, na naglalayong remedyuhan ang madalas na mangyari na napipilitan ang maraming matatandâ na maging isolated, walang kasama at hiwalay sa iba. Ang mga matatandâ ay mahalagang tagapagdala ng karunungan, kaalaman, kultura: mga pinahahalagang di matatawaran, at sa pamamagitan ng pag-uusap ng iba’t ibang henerasyon (intergenerational dialogue), ay nakakatulong upang magarantiya ang kinabukasan ng ating lipunan at ng mga komunidad na kinabibilangan ng mga matatandâ. Dapat masiglang isagawa ang pakikipagkomunikasyon at pakikipagtulungan sa pagitan ng mga network ng pamilya, mga kaibigan, tagapag-alaga at mga structurang pampubliko, pribado at indibidwal. Ang Fondazione Alberto Sordi ay nagtataguyod ng mga landas na ito ng network at kaya nagbibigay ng batayan para sa pag-asa”.
Nagkomento si P. Frédéric Fornos S.J., International Director ng Pope’s Worldwide Prayer Network (Apostolado ng Panalangin), sa layuning ito: “Ating alalahanin ang ating mga lolo’t lola o mga matatandâng tao na nagbahagi sa atin, batay sa kanilang sariling karanasan sa buhay at pananampalataya, ng kanilang karunungan at pag-asa. Sa mga Ebanghelyo, kinilala ng matatandâng sina Simeon at Ana sa sanggol na naroroon sina Maria at Jose sa Templo, ang pag-asa ng buong bayan. Nagagawa nilang makita at marinig kung ano ang hindi nakikita ng karamihan na walang panahong tumingin, dahil sa bilis ng takbo ng buhay. Gaya ng ipinaalala sa atin ni Papa Francisco sa mga katekesis tungkol sa katandaan nitong huling tatlong buwan, ang alyansa sa pagitan ng ang mga henerasyon, sa pagitan ng matatandâ at kabataan, ay isang pagpapala para sa lipunan. Ipagdasal natin ngayong buwan ang hangarin ng panalanging ito ng Santo Papa.”
Nagiging posible lamang ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito:
Saan mapapanood ang video?
- Ang Opisyal na Website ng Ang Video ng Papa
- YouTube Channel ng Ang Video ng Papa
- Facebook Page ng Ang Video ng Papa
- Twitter ng Ang Video ng Papa
- Instagram ng Ang Video ng Papa
- Opisyal na Twitter @Pontifex
- Opisyal na Instagram @Franciscus
Tungkol sa Video ng Papa
Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layuning ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin o Pope’s Worldwide Prayer Network). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 178 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa. Nilikha at prinodyus ang mga video ng pangkat ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi at sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi Comunicación para Buenas Causas. Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa.
Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN)
Ang Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa (Pontifical Society/Work at Foundation) na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: https://www.popesprayer.va/
Tungkol sa Dicastery for the Laity, Family and Life
Ang Dicasterio para sa Layko, Pamilya at Buhay ay namamahala sa pagpapalakas ng apostolado ng mga mananampalatayang layko, sa pastoral na pangangalaga sa mga kabataan, mag-asawa at pamilya at ang kanilang misyon ayon sa plano ng Diyos, pag-alaga sa mga matatandâ at pagtataguyod at proteksyon ng buhay. Para sa karagdagang impormasyon: www.laityfamilylife.va. Tungkol sa “Taon ng Amoris Laetitia para sa Pamilya”, tingnan ang: www.amorislaetitia.va.
Tungkol sa Fondazione Alberto Sordi
Ang Fondazione Alberto Sordi ay nilikha sa Roma noong 1992 sa inisyatiba ni Alberto Sordi, na siyang unang Honorary President nito. Itinataguyod nito ang dalawang pangunahing layunin: ang pagsulong ng aktibong pagtanda at ang pagprotekta sa kalidad ng buhay ng mga matatandâ. Nagsasagawa ito ng mga aktibidad ng pangkalahatang interes sa mga larangan ng pagsasanay, panlipunan at sosyo-pangkalusugan na pangangalaga para sa mga matatandâ at inilapat na pananaliksik sa pamamagitan ng mga kumperensya, mga publikasyong siyentipiko at mga personal na serbisyo. Sinasalungat nito ang mga phenomena ng panlipunang pagbubukod at pag-abandona sa mga matatandâ. Isinasaalang-alang ang mga ito na lalong kinakailangan at banal, ito ay nagtataguyod ng mga network na ruta ng teritoryo sa pagitan ng mga organisasyong pangatlong sektor, mga indibidwal at pampublikong administrasyon, na nagpapahusay sa kontribusyon ng mga pamilya at mga komunidad kung saan sila nabibilang, mga propesyonal na operator at tagapag-alaga. Para sa karagdagang impormasyon: www.fondazionealbertosordi.it.