Ipagdasal natin na ang mga may maliliít at katamtamang-laking negosyo [small and médium enterprises (SMEs)], na lubhang naapektuhan ng krisis sa ekonomiya at lipunan; makahanap nawâ sila ng mga kinakailangang paraan upang ipagpatuloy ang kanilang aktibidad sa paglilingkod sa mga komunidad na kanilang tinitirhan.
Pope Francis – August 2022
Dahil sa pandemya at digmaan, naháharáp ang mundo sa seryosong krisis na sosyo-economiko. Hindi pa natin sapat na nauunawaan!
At kabilang sa pinaka-naghirap ay ang mga namumuhunan sa mga negosyong maliliit at katamtaman lamang ang laki.
Ang mga taong may negosyong tulad ng di-kalakihang mga tindahan, mga pagawaan, mga agencia ng mga tagapaglinis, maliliít na serbisyong pantransportasyon at marami pang iba.
Hindi sila kabilang sa listahan ng pinakamayaman at pinakamakapangyarihan. Ngunit sa kabila ng mga paghihirap, nakalilikha ng trabaho para sa tao at tinutupad ang kanilang panlipunang responsibilidad.
Namumuhunan sila alang-alang sa kabutihan ng lahat (common good), sa halip na itago ang kanilang pera sa mga lugar (mga tax havens) na doon puedeng ilihim ang yaman nila para hindi kailangang pagbayaran ng buwis.
Naggugugol silang lahat ng napakalaki nilang kakayahang maging malikhain upang mabago ang sitwasyon sa pagsagawa ng solusyon mula sa ibabâ; at sa ibabâ naman laging nagmumula ang pinakamahusay na pagkamalikhain.
Dala ang lakas ng loob, pagsisikap, at sakripisyo, namumuhunan sila alang-alang sa ikabubuhay ng lahat, at lumilikha ng katiwasayan, mga pagkakataon, at trabaho.
Ipagdasal natin na ang mga may maliliít at katamtamang-laking negosyo [small and médium enterprises (SMEs)], na lubhang naapektuhan ng krisis sa ekonomiya at lipunan; makahanap nawâ sila ng mga kinakailangang paraan upang ipagpatuloy ang kanilang aktibidad sa paglilingkod sa mga komunidad na kanilang tinitirhan.
Credits
Campaign title:
The Pope Video – August 2022: For Small Businesses
A project by Pope’s Worldwide Prayer Network
In collaboration with Vatican Media
Creativity and co-production by:
La Machi Communication for Good Causes
Music production and mix by:
Benefactors
—
PRESS RELEASE
Pinuri ng Santo Papa ang “lakas ng loob, pagsisikap at sakripisyo” ng small at medium-sized entrepreneurs o SMEs
- Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Santo Papa ang panlipunang responsibilidad ng mga maliliit na negosyante.
- Inihalimbawa niya ang mga may mga maliit na pagawaan at tindahan, na naglaan ng buhay sa pagsisikap para sa ikabubuti ng nakararami; at sa paglikha ng oportunidad, at hanap-buhay.
- Nagpahayag ng pag-aalala ang Santo Papa sa negatibong epekto ng krisis sa mga maliliit na negosyo.
(Lungsod ng Vatican, ika-2 ng Agosto, 2022) – Ang Pope Video para ngayong buwan ng Agosto ay ipinalabas kasama ang panalangin ng Santo Papa, na hinihiling din niya na ipagdasal ng Simbahang Katolika, sa pamamagitan ng Pope’s Worldwide Prayer Network o Apostolado ng Panalangin. Sa buwang ito, nakatuon ang panalangin ng Banal na Papa “sa maliliit na negosyo; sa gitna ng nararanasang krisis sa ekonomiya at lipunan, na, nawa ay makahanap sila ng mga paraan upang maipagpatuloy ang negosyo, at paglilingkod sa kani-kanilang komunidad.”
Ang nararanasan nating krisis
“Dulot ng pandemya at kaguluhan, ang mundo ay nahaharap ngayon sa malubhang krisis panlipunan at pang-ekonomiya,” ayon sa Santo Papa, na tinukoy ang small at medium-sized na negosyo, sa mga matinding maaapektuhan nito. Batay sa istatistika ng World Bank noong 2021, bumaba ng kalahati ang kita ng isa sa bawat apat na kumpanya dahil sa pandemya. Dagdag pa dito ang napakahinang serbisyo publiko sa panahon ng pangangailangan: lalo na sa mga mahihirap na bansa at para sa mga maliliit na negosyo.
Kaugnay nito, pinuri ng Santo Papa ang mga “buong tapang, pagsisikap at pagsasakripisyo, (…) na naglaan ng buhay, para sa kabutihan ng nakararami pati na sa paglikha ng oportunidad at trabaho.” Kabilang sa tinukoy ng Banal na Papa na maliliit na negosyo ang mga tindahan, kainan, o pagawaan. Kasama din dito ang mga negosyo na nakatuon sa paglilinis at transportasyon, pati na ang iba’t ibang uri ng pagawaan. Aniya,“wala sila sa talaan ng mga pinakamayayaman at pinakamakapangyarihan, subalit kabila ng kanilang paghihirap, nakapagbibigay sila ng trabaho, bilang pagtupad sa kanilang responsibilidad sa lipunan.
Bilang komento sa panalangin ng Santo Papa, sinabi ni Fr. Frederic Fornos, S.J. International Director ng Apostolado ng Panalangin, na: “Ang krisis na ating nararanasan – tulad nga ng sabi ng Banal na Papa – ay isang Noah’s moment, na pagkakataon para tayo ay bumalangkas ng naiiba. Sa puntong ito, mahalaga ang maliliit na negosyo kasama ang kanilang mga malikhaing manggagawa at ang kakayahan nila na magbahagi ng mga solusyon para sa pagbangon. Kung wala sila, mahihirapan tayo na mapagtagumpayan ang krisis na dulot ng COVID, at batid natin ang kanilang kahalagahan hanggang sa kasalukuyan. Sa kadahilanang ito, marapat natin silang ipanalangin.”
Sa video na ito, matutunghayan ang pagpapahalaga ng Santo Papa sa maliliit na negosyo. Hinihiling niya na ipagdasal din natin ang mga manggagawa sa mga tindahan, maliit na pagawaan, cleaning services, sektor ng transportasyon at iba pa, para sa napakalaking ambag nila upang patuloy na mapagtagumpayan ang iba’t ibang krisis.
Ang Pope Video ay nagpapasalamat sa mga mananampalataya na bukas-palad na nag-aambag para sa paglalathala nito. Maaari ka ring mag-donate sa pamamagitan ng pag-click ng link na ito.
Saan mapapanood ang video?
- Ang Opisyal na Website ng Ang Video ng Papa
- YouTube Channel ng Ang Video ng Papa
- Facebook Page ng Ang Video ng Papa
- Twitter ng Ang Video ng Papa
- Instagram ng Ang Video ng Papa
- Opisyal na Twitter @Pontifex
- Opisyal na Instagram @Franciscus
Tungkol sa The Pope Video
Ang Pope Video ay opisyal na pandaigdigang inisyatiba, na naglalayong ipalaganap ang mga buwanang intenyon ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pope’s Worldwide Prayer Network o Apostolado ng Panalangin. Mula noong 2016, umabot na sa 179 milyon ang nakapanood ng The Pope Video sa pamamagitan ng social networks ng Vatican, at isinalin ito sa mahigit sa 23 wika, na iniuulat sa 114 mga bansa. Ang mga video ay nilikha ng grupo ng The Pope Video of the Prayer Network, sa pangunguna ni Andrea Sarubbi, sa pakikipagtulungan ng ahensya ng La Machi Communication for Good Causes. Ang proyektong ito ay suportado ng Vatican Media. Para sa karagdagang impormasyon: The Pope Video
Tungkol sa Pope’s Worldwide Prayer Network
Ang Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang foundation ng Vatican, na naglalayon na pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng pananalangin bilang tugon sa mga hamon na kinakaharap ng sangkatauhan kaisa sa misyon ng Simbahan. Ipinapahayag ang mga hamon na ito sa pamamagitan ng mga intensyon ng panalangin ng Santo Papa, na hinihiling din niya na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus, na naghahangad ng pagmamalasakit sa mundo. Ito ay itinatag noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng mahigit sa 22 milyong mga Katoliko. Kinabibilangan ito ng mga kabataan; ang EYM o Eucharistic Youth Movement. Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong alituntunin. Ang International Director nito ay si Fr. Frederic Fornos, SJ. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang: https://www.popesprayer.va/