MARSO | Para sa isang Kristiyanong tugon sa mga hamon ng bioethics

Sa harap ng mga bagong hamon sa bioethics, ipagdasal natin na ang mga Kristiyano, sa pamamagitan ng kanilang panalangin at pagkilos sa lipunan, ay isulong ang pagtatanggol sa buhay ng tao.

Pope Francis – March 2022

Ipagdasal natin na mabigyan natin ng Kristiyanong tugon ang mga hamon sa bioethics.
Malinaw na umuunlad ang agham at ngayon ang bioethics ay nagpapakita sa atin ng isang serye ng mga problemang kailangan nating tugunan; hindi puedeng itago ang ating mga ulo tulad ng ostrich.
Dapat gamitin ang mga aplikasyong biotechnological na laging may paggalang sa dignidad ng tao.
Halimbawa, ang mga embryo ng tao ay hindi maaaring ituring bilang disposable, na parang material lamang na bagay na basta itatapon. Ang tao nagiging patapón dito sa kultura ng pagtatapón. Hindi, hindi ito dapat gawin. Labis na nagdudulot ng pinsala ang ganitong kulturang inilalapat ang maling pag-unawa sa halaga ng mga embryo ng tao.
Gayundin hinding-hindi dapat basta hayaan ang pinansiyal na pakinabang ang siyang gumabay sa biomedical na pananaliksik.
Kailangan nating maunawaan ang malalalim na pagbabagong nagaganap nang may mas malalim, mas masusing panginiglatis ng mga isyu.
Hindi ito tungkol sa pagpigil sa pag-unlad ng teknolohiya at agham. Hindi; kailangan natin itong samahan. Tungkol ito sa sabay na pagprotekta sa dignidad ng tao at sa pag-unlad ng teknolohiya. Ibig sabihin, hindi natin maaaring isakripisyo ang dignidad ng tao para lang makamit ang pag-unlad. Dapat sabay sila lagi, magkasama at hindi magkatunggali.
Sa harap ng mga bagong hamon sa bioethics, ipagdasal natin na ang mga Kristiyano, sa pamamagitan ng kanilang panalangin at pagkilos sa lipunan, ay isulong ang pagtatanggol sa buhay ng tao.

Credits

Campaign title:

The Pope Video – March 2022: For a Christian response to bioethical challenges

A project by Pope’s Worldwide Prayer Network

In collaboration with Vatican Media

Creativity and co-production by:

La Machi Communication for Good Causes

Music production and mix by:

Índigo Music Design

Benefactors

PRESS RELEASE

Paano tayo tutugon sa mga pag-unlad sa biyoetika? Ang tugon ni Papa Francisco ay isang panawagang ipagtanggol ang buhay

  • Ang bagong Video ng Papa ay nakatuon sa mga hamon ng biyoetika at kung paano tutugon sa mga ito batay sa dangal pantao at pagtatanggol sa buhay. 
  • Batid ang malalalim na pagbabagong dala ng pagsulong sa biyoetika sa mundo, inaanyayahan tayo ng Papang sabayan ang mga ito nang hindi na dumaragdag lalo sa kultura ng pagtatapon at naghahanap ng mga paraan upang magamit ang mga teknolohiya ng buhay nang responsable at may paggalang sa bawat tao at sa kapaligiran.
  • Tinatawag ni Francisco ang lahat ng mga Kristiyano na “huwag itago ang kanilang ulo na parang ostrich” at sa halip ay isulong ang pagtatanggol sa buhay.

(Lungsod ng Vaticano, ika-8 ng Marso 2022) – Ang Video ng Papa ngayong Marso ay inilathala, laman ang panalanging ipinagkakatiwala ni Papa Francisco sa buong Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa. Sa buwang ito, tinatalakay ng Santo Papa ang mga bagong hamong dala ng biyoetika sa mundo ngayon at nananawagan siya upang sa harap ng mga ito ay “laging isulong ang pagtatanggol sa buhay sa pamamagitan ng panalangin at sama-samang pagkilos”. Naprodyus ang videong ito sa pakikipagtulungan ng Pontipikong Akademya para sa Buhay.

¿Paano isasaalang-alang ang biyoetika mula sa isang Kristiyanong tugon?

Walang makatatanggi sa pag-unlad na ipinakita ng biyoetika nitong mga huling dekada. Ang disiplinang ito, bagamat bago kung ikukumpara sa iba, ay nakatuon maliban sa ibang bagay sa paggabay at pagninilay ukol sa mga masalimuot ng sitwasyong saklaw ang aspetong pang-ekonomiya, panlipunan, pang-ekolohiya, pang-etika, pang-biyomedisina at pang-biyoteknolohiya. Sa kanyang intensiyon para sa panalangin ngayong Marso, hinihimok tayo ng Santo Papa na huwag pigilan ang pag-unlad na kaakibat ng biyoetika at huwag “taguan” ang mga hamon sa pagkilos at pananaliksik na dala nito.

Ang panganib para sa mga Kristiyano na binibigyang diin ni Papa Francisco sa videong ito ay dalawa. Ang una ay ang ituring ang pag-unlad bilang kaaway at dahil dito ay tutulan at subuking “pigilan” ito. Ang ikalawang panganib ay magtiis na lang nang tahimik at magpatuloy na para bang walang nangyayari na tila “itinatago ang ulo na parang ostrich” kapag ang “paggalang sa dangal pantao” na ang pinag-uusapan. Iisa lang ang solusyon: “ang pagkilatis na sabay mas malalim at mas malumanay,” upang masamahan ang pag-unlad ng teknolohiya sa landas nito ng paglilingkod sa sangkatauhan.

Kaakibat ng ganitong diwa ang walang-sawang paanyaya ng Papa upang iwaksi ang kultura ng patatapon, tulad halimbawa ng mga frozen na embryo na itinuturing bilang “bagay na puwedeng itapon.” Nangangahulugan rin ito ng hindi pagtulot na masapawan ang mga pag-aaral at paggamit ng biyoetika ng “ganansiyang pang-ekonomiya” dahil “hindi natin matutumbasan ang halaga ng dignidad pantao kapalit ng pag-unlad.”

Dahil dito, hinihimok ni Francisco ang mga Kristiyano na “isulong ang pagtatanggol sa buhay” sa pamamagitan ng “panalangin” – na siyang sentrong pinag-iikutan ng mga intensyong iminumungkahi ng Papa sa bawat buwan at ipinapalaganap ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa sa pamamagitan ng Video ng Papa at ng app na Click to Pray – at gayundin sa pamamagitan ng “sama-samang pagkilos.” Sa ganitong paraan, tungkulin ng mga Kristiyanong makilahok sa pampublikong debate kung saan dapat marinig ang kanilang tinig sa isang wikang angkop at mga argumentong malinaw sa konteksto ng kasalukuyang lipunan – tulad ng ipinaalala kamakailan lamang ng Santo Papa sa Pontipikong Akademya para sa Buhay – nang hindi pinalalabnaw ang mga nilalaman nito at laging iginigiit ang pangangailangan sa pangkabuuhang pag-unlad ng sangkatauhan.

Ayon nga sa komento ni Padre Frédéric Fornos S.J., Pandaigdigang Direktor ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, ukol sa nilalaman ng intensyong ito: “Laging iginigiit ni Papa Francisco ang pangangailangan para sa higit na pagkilatis sa mga hamon ng biyoetika, ang pangangailangang igalang ang buhay ng tao, sa halip na isulong ang kanya-kanyang interes ayon sa mga lohika ng merkado na walang kinikilalang limitasyon. Kinakailangan ng mga pamantayan sa pagkilatis na makatutulong sa atin upang makawala sa kultura ng pagtatapon at maisulong ang paggalang sa buhay sa pangkabuuhang diwa nito, sa buong kahabaan ng buhay ng tao, mula pagsilang hanggang kamatayan. Ipanalangin natin na sa harap ng mga bagong hamon sa biyoetika, ay lagi nating maisulong, sa pamamagitan ng panalangin at sama-samang pagkilos, ang pagtatanggol sa buhay.”

Bioethics, Biotechnology, Mga etikal na mga hamon ng pag-unlad, Mga hamon ng teknolohiya, Pag-unlad at dignidad ng tao, Pagtatanggol sa buhay, Dignidad ng tao.

adminMARSO | Para sa isang Kristiyanong tugon sa mga hamon ng bioethics