SETYEMBRE | Para sa Abolisyon ng Parusang Kamatayan

Ipagdasal natin na ang parusang kamatayan, na umaatake sa dignidad ng tao, ay mabuwag sa batas ng bawat bansa..

Pope Francis – September 2022

Araw-araw, lumalakas ang “HINDI” sa parusang kamatayan sa buong mundo. Para sa Simbahan, tanda ito ng pag-asa.
Mula sa pananaw ng batas, hindi ito kailangan.
Kaya ng lipunan na mabisang sugpuin ang krimen nang hindi lubos na inaalis sa mga nagkasala ang posibilidad na magbago at tubusin ang kanilang sarili.
Dapat, sa bawat hatol, laging may bintana ng pag-asa.
Ang parusang kamatayan ay hindi nagbibigay ng hustisya sa mga biktima; sa halip ay nagbubunsod ng paghihiganti.
At pinipigilan nito ang anumang posibilidad ng pagwawasto ng posibleng maling paghatol na malaking inhustisya.
Mula sa ibang pananaw, hindi katanggap-tanggap sa moralidad ang parusang kamatayan, dahil sinisira nito ang pinakamahalagang regalo na natanggap natin: buhay. Huwag nating kalimutan na, hanggang sa huling sandali, maaaring magbalik-loob ang tao at maaaring magbago.
At sa liwanag ng Ebanghelyo, lalong hindi katanggap-tanggap ang parusang kamatayan. Ang utos, “Huwag kang papatay,” ay tumutukoy hindi lamang sa inosente kundi pati sa may kasalanan.
Kaya’t nananawagan ako sa lahat ng taong may mabuting kalooban na kumilos upang makamit ang abolisyon ng parusang kamatayan sa buong mundo.
Ipagdasal natin na ang parusang kamatayan, na umaatake sa dignidad ng tao, ay mabuwag sa batas ng bawat bansa.

Credits

Campaign title:

The Pope Video – September 2022: For the abolition of the death penalty

A project by Pope’s Worldwide Prayer Network

In collaboration with Vatican Media

Creativity and co-production by:

Gaia Valeria Rosa, Diego Angeli and Andrea Schneider Graziosi

Benefactors

Media partners:

Aleteia

Thanks to:

Museo Carceri “Le Nuove”
Nessun uomo è un’isola onlus
Eremo del Silenzio
EssereUmani Onlus
Generazione Ponte
Ilda Curti
Comunità di Sant’Egidio
Sister Helen Prejean
Marylyn Felion
P. Eli Rowdy Lumbo, SJ
P. Aris Miranda, MI (Ministers of the Infirm)
Scott Langley
ACFIL – Associazione Culturale Filippina del Piemonte
P. George Williams S.J.

With the Society of Jesus

PRESS RELEASE

Papa Francisco: “Hindi katanggap-tanggap ang parusang kamatayan”

  • Paggalang sa buhay ng lahat ng tao at ang posibilidad ng pagbabalik-loob ay mga dahilan para ipaalis ang parusang kamatayan.
  • Sa kanyang mensahe, diniin ng Santo Papa na “ang parusang kamatayan ay hindi nagbibigay ng hustisya sa mga biktima, bagkus ay naghihikayat ng paghihiganti.”
  • Itinuturo ng Papa na hindi ito kinakailangan maging bahagi ng batas at nagbabala siya tungkol sa mga posibleng pagkakamali ng mga hukuman.

(Lungsod ng Vatican, Agosto 31, 2022) – Mapapanood na ang Video ng Papa  para sa Setyembre na may layunin sa panalangin na ipinagkakatiwala ng Santo Papa sa buong Simbahang Katoliko sa pamamagitan ng Pope’s Worldwide Prayer Network (Apostolado ng Panalangin). Sa pagkakataong ito, inaanyayahan tayo ni Francisco na manalangin “upang ang parusang kamatayan, na nagbabanta sa dignidad ng tao na di kailanman maaaring labagin, ay maalís sa mga batas ng lahat ng mga bansa sa mundo.”

Ang parusang kamatayan ay naroroon pa rin sa mundo

Sa videong ito masaya si Papa Francisco na kumakalat na sa buong mundo ang pagtanggi sa parusang kamatayan, isang bagay na itinuturing ng Simbahan bilang “tanda ng pag-asa “. Sa katunayan, ayon sa datos ng United Nations, humigit-kumulang 170 estado na ang nag-alis na ng parusang kamatayan, nagpataw ng moratorium sa paggamit nito sa batas o pagsasagawa ng pagpatay, o nagsuspinde ng mga pagbitay nang higit sa 10 taon. Gayunpaman, patuloy a ring ginagawa ang parusang kamatayan sa 55 bansa sa ilang kontinente.

Ang posisyon ng Simbahan sa parusang kamatayan

Mula kay John Paul II hanggang kay Benedict XVI, malakas na nagsalita ang mga Pontiff laban sa paggamit ng parusang kamatayan ng mga pamahalaan sa nakalipas na mga dekada. Si Papa Francisco ay gumawa ng higit pang hakbang sa pamamagitan ng pag-apruba noong 2018 ng isang bagong talata sa katekismo na malinaw na kinondena ang parusang kamatayan at nagpapahayag ng determinasyon ng Simbahan na pagsikapan na lubusang mapawi ang ganitong parusa.

Sa video ng buwang ito, na may mga kapansin-pansing balita ng mga sentensya ng kamatayan at pagbitay sa iba’t ibang bahagi ng mundo, umaapela ang Santo Papa hindi lamang sa mga Kristiyano, kundi sa lahat ng taong may mabuting kalooban.  Inuulit niya na “ang parusang kamatayan ay hindi nag-aalok ng katarungan sa mga biktima, ngunit hinihikayat ang paghihiganti.” Sa antas ng moralidad, ito ay hindi maaari dahil “sinisira nito ang pinakamahalagang regalo na natanggap natin: buhay.” Sa wakas, “sa liwanag ng Ebanghelyo, ang parusang kamatayan ay hindi katanggap-tanggap: ang utos na ‘huwag kang papatay’ ay tumutukoy kapwa sa mga inosente at sa mga nagkasala”. Bilang karagdagan, may iba pang mga dahilan upang tanggihan ang parusang kamatayan: ang posibleng mga pagkakamali ng hukuman  at ang katotohanang “hanggang sa huling sandali, ang isang tao ay maaaring magbalik-loob at maaaring magbago”. “Sa bawat paghatol, dapat palaging may bintana ng pag-asa,” paalala ni Francisco.

Si Frédéric Fornos S.J., International Director ng Pope’s Worldwide Prayer Network, ay nagkomento sa layuning ito: “Sa buwang ito, inaanyayahan tayo ni Papa Francisco na manalangin para sa pagpawi sa parusang kamatayan, na inuulit ang sinabi niya sa Fratelli tutti at tinukoy sa Katekismo ng Iglesia Katolika : ‘Determinado ang Simbahan na imungkahi ang pagpawi nito sa buong mundo’. Bakit? Dahil kahit sa huling sandali ang isang tao ay maaaring magbalik-loob, kilalanin ang kanyang mga krimen at magbago. Sa halip, ang parusang kamatayan ay parang paglalagay ng iyong sarili sa lugar ng Diyos: sa paghatol ng kamatayan, parang tinitiyak na natin na hindi na kailanman magbabago ang isang tao, na hindi naman natin alam. Ngayong Setyembre, inaanyayahan tayo ng Santo Papa na manalangin at kumilos para suportahan ang mga asosasyon at organisasyong lumalaban para sa abolisyon ng parusang kamatayan.”

Posible ang Pope Video salamat sa walang pag-iimbot na kontribusyon ng maraming tao. Maaaring mag-donate sa link na ito.

Saan mapapanood ang video?

 

Tungkol sa The Pope Video

Ang Pope Video ay opisyal na pandaigdigang inisyatiba, na naglalayong ipalaganap ang mga buwanang intenyon ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pope’s Worldwide Prayer Network o Apostolado ng Panalangin. Mula noong 2016, umabot na sa 180 milyon ang nakapanood ng The Pope Video sa pamamagitan ng social networks ng Vatican, at isinalin ito sa mahigit sa 23 wika, na iniuulat sa 114 mga bansa. Ang mga video ay nilikha ng grupo ng The Pope Video of the Prayer Network, sa pangunguna ni Andrea Sarubbi, at sa pakikipagtulungan ng ahensya ng La Machi Communication for Good Causes. Ang proyektong ito ay suportado ng Vatican Media. Para sa karagdagang impormasyon: The Pope Video

 

Tungkol sa Pope’s Worldwide Prayer Network

Ang Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang foundation ng Vatican, na naglalayon na pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng pananalangin bilang tugon sa mga hamon na kinakaharap ng sangkatauhan kaisa sa misyon ng Simbahan. Ipinapahayag ang mga hamon na ito sa pamamagitan ng mga intensyon ng panalangin ng Santo Papa, na hinihiling din niya na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus, na naghahangad ng pagmamalasakit sa mundo. Ito ay itinatag noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng mahigit sa 22 milyong mga Katoliko. Kinabibilangan ito ng mga kabataan; ang EYM o Eucharistic Youth Movement. Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong alituntunin. Ang International Director nito ay si Fr. Frederic Fornos, SJ. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang: https://www.popesprayer.va/

 

PRESS CONTACT

[email protected]

Parusang Kamatayan, Parusang Kapital, Tutulan ang Parusang Kamatayan, Kondenahin ang parusang kamatayan, Buwagin Ang Parusang Kamatayan, Hatulan ang Hatol ng Kamatayan.

adminSETYEMBRE | Para sa Abolisyon ng Parusang Kamatayan