MARSO | Para sa mga bagong martir, mga saksi ni Kristo

Ipagdasal natin na ang mga taong, sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ay hinarap ang panganib sa kanilang buhay para sa Ebanghelyo, ay mahawahan ang Simbahan ng kanilang katapangan at kanilang udyok na magmisyonero.

Pope Francis – MARSO 2024

Sa buwang ito, nais kong ibahagi sa inyo ang isang kuwentong sumasalamin sa Simbahan ngayon.  Kuwento ito ng isang di-masyadong kilaláng patotoo sa pananampalataya.
Pag bisita ko sa campo ng refugee sa Lesvos,  may lalaking nagsabi sa akin: “Padre, Muslim ako. Ang asawa ko, Kristiyano. Dumating ang mga terorista sa aming bansa, tiningnan nila kami at tinanong kung ano’ng relihiyon namin. Nakita nila ang asawa kong may krusipiho at sinabi sa kanya na ihagis ito sa lupa.  Hindi niya ginawa at ginilit nila ang lalamunan niya sa harap ko.” Nangyari ’yan.
Alam kong wala siyang samâ ng loob. Nakatuon siya sa halimbawa ng pag-ibig ng kanyang asawa, isang pag-ibig kay Kristo na umakay sa kanya upang tanggapin at maging tapat hanggang kamatayan.
Mga kapatid, laging may mga martir sa atin.  Tandâ ito na nasa tamang landas tayo.
Isang taong nakakaalam ang nagsabi sa akin na mas maraming martir ngayon kaysa sa simula ng Kristiyanismo.
Ang katapangan ng mga martir, ang patotoo ng mga martir, ay pagpapala para sa lahat.
Ipagdasal natin na ang mga taong, sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ay hinaharap ang panganib sa kanilang buhay para sa Ebanghelyo, ay mahawahan ang Simbahan ng kanilang katapangan at kanilang udyok na magmisyonero. At maging bukas sa biyaya ng pagiging martir.

Credits

Campaign title:

The Pope Video – MARCH For the martyrs of our day, witnesses to Christ

A project by Pope’s Worldwide Prayer Network

In collaboration with Vatican Media and ACN International

Creativity and co-production by:

PRESS RELEASE

 

Papa Francisco: “Ang mga martir ay tanda na tayo ay nasa tamang landas

  • Sa bagong edisyon ng Video ng Papa, hiniling ni Francisco na ipagdasal ang mga bagong martir sa panahong ito, upang “mahawahan nila ang Simbahan ng kanilang katapangan at sigasig sa pagmimisyon.” Ang martir ay isang Kristiyano na nagpapatotoo sa Ebanghelyo hanggang kamatayan nang hindi gumagamit ng karahasan.
  • “Ang katapangan ng mga martir, ang patotoo ng mga martir, ay isang pagpapala para sa lahat,” pagninilay ng Santo Papa sa kanyang mensahe na ipinaaabot niya sa pamamagitan ng Pandaigdigang Lambat Panalangin ng Papa. 
  • Ang video ay ginawa sa pakikipagtulungan ng Aid to the Church in Need (ACN) at inilabas sa buwan na ipinagdiriwang ang Araw ng mga Misyonerong Martir.

 

(Lungsod ng Vaticano, Pebrero 27, 2024) Sa buong kasaysayan ng Simbahang Katolika, maraming mananampalataya ang inusig at pinatay dahil sa kanilang pananampalataya. Sa harap ng katotohanang ito, iginiit ng Santo Papa na ang kanilang patotoo ay “isang pagpapala para sa lahat” at humihiling siya ng espesyal na panalangin para sa kanila sa Video ng Papa ngayong Marso na ipinalalaganap ng Pandaigdigang Lambat Panalangin ng Papa.

 

Mga kwento ng katapangan at patotoo ng pag-ibig

Ang buhay ng mga taong ito na nagbibigay ng kanilang mga sarili bilang mga saksi ni Kristo ay mga tunay na kuwento na may mga espesyal na katangian. Sa kanyang videong mensahe, na ngayong buwan ay ginawa sa tulong ng Aid to the Church in Need (ACN), isang pandaigdigang Catholic charity at pontifical foundation na ang misyon ay tulungan ang mga mananampalataya saan man sila inuusig, inaapi o nangangailangan sa pamamagitan ng impormasyon, panalangin at ang aksyon—Inalala ni Francisco ang patotoo at sakit ng isang asawang nakilala niya sa isla ng Lesbos sa Greece: “Nakita nila ang aking asawa na may dalang krusipiho at sinabihan siyang itapon ito sa lupa. Hindi niya ginawa at ginilit nila ang kanyang lalamunan sa harap ko.”

Ito nga ang kuwento ng babaeng ito, na naghatid ng “halimbawa ng pag-ibig” para kay Kristo at katapatan “hanggang sa kamatayan”, at muling sinasariwa sa Video ng Papa para sa buwan ng Marso, kung saan ang mga larawan ng mga Kristiyanong komunidad na nasa panganib ay salit-salit na ipinapakita bilang mga halimbawa ng katapangan: gaya ng unang lingkod ng Diyos sa Pakistan, si Akash Bashir, na namatay sa edad na 20 noong 2015 upang pigilan ang pag-atake ng mga terorista sa isang simbahang puno ng mga mananampalataya sa Lahore.

Mga martir, bayani sa lahat ng panahon

Maraming mga nakatagong martir, ang mga bayani ng mundo ngayon, na namumuhay nang payak at may tapang na tanggapin ang biyaya ng pagiging saksi hanggang sa wakas, hanggang kamatayan. Binigyang-diin ng Papa: “Mga kapatid, laging may mga martir sa atin, ito ang tanda na tayo ay nasa tamang landas.” Ang katotohanan na may mga martir ay nangangahulugan na may mga nagbubuwis ng kanilang buhay upang sumunod kay Hesus, upang mamuhay ayon sa kanyang mensahe at upang ihatid sa mundo ang kanyang Ebanghelyo ng pag-ibig, kapayapaan at kapatiran. Hindi nila siya tinalikuran o kinalimutan, ngunit pinananatiling matatag ang kanilang pananampalataya at ipinakita ang kanilang katapatan kay Hesukristo. Kaya naman ipinapakita nila ang tamang landas para sa Simbahan.

“Isang taong nakakaalam ang nagsabi sa akin na mas marami ang martir ngayon kaysa sa simula ng Kristiyanismo,” dagdag ni Francisco, na binibigyang-diin kung gaano napapanahon ang isyu ng mga pinag-uusig na Kristiyano na nag-aalay ng kanilang buhay para sa kanilang pananampalataya. Noong 2023 lamang, ang Aid to the Church in Need (ACN) ay nakatanggap ng ulat mula sa 40 bansa tungkol sa mga taong pinatay o dinukot dahil sa kanilang pananampalataya. Ang Nigeria ang bansang may pinakamataas na bilang ng mga pagpatay; sa Pakistan, sa diyosesis ng Faisalabad, ang mga simbahan at tahanan ng mga Kristiyanong Jaranwala ay sinalakay; at, sa Burkina Faso, ang mga Katoliko ng Débé ay pinaalis sa kanilang nayon dahil lamang sa kanilang pananampalataya; at ilan lamang ito sa mga halimbawa.

Sa harap nito, ang executive president ng pontifical foundation na si Regina Lynch ay nagpahayag: “Ang kalayaan sa relihiyon, na kinikilala sa Universal Declaration of Human Rights, ay isang ‘di-maisasantabing karapatan at walang Kristiyano ang dapat mawalan ng buhay sa pagsasagawa nito. Napakahalagang garantiyahan ang karapatang magsabuhay ng pananampalataya bilang bahagi ng dignidad ng lahat ng tao.” Batay dito, tiniyak niya na ang intensyon para sa buwang ito ni Francisco ay “napakahalaga upang hikayatin ang pagdarasal para sa mga biktima ng pag-uusig, pati na ang pagtataguyod sa mga dumaranas ng diskriminasyon dahil sa kanilang pananampalataya. Bilang karagdagan, dapat nating isali ang mga pulitiko upang ipagtanggol niula ang mga karapatan ng mga pinakamahihina.”

Ang lakas ng loob na magpatotoo sa sariling buhay

Naaalala ni Padre Frédéric Fornos S.J., Pandaigdigang Director ng Pandaigdigang Lambat Panalangin ng Papa, ang sinabi ni San Francisco ng Assisi isang araw sa kanyang mga kapatid: “Palaging ipahayag ang Ebanghelyo. Kung kinakailangan, gumamit ng mga salita.” At dagdag pa niya: “Tinawag tayo upang magpatotoo kay Kristo sa ating buong buhay. Ang martir ay saksi ni Kristo na ang mismong pag-iral ay isang buhay na patotoo; ibig sabihin, isinasabuhay niya ang Ebanghelyo sa pamamagitan ng pagtataya ng kanyang sariling buhay sa panganib nang hindi gumagamit ng karahasan. Hinahamon tayo ng intensyon sa panalangin ng Papa: Paano tayo nagpapatotoo kay Kristo kung nasaan tayo? Hindi lahat sa atin ay tinatawag na ipagsapalaran ang ating buhay upang maging tapat kay Hesukristo, ngunit maaari kong tanungin ang aking sarili: sa mga sitwasyong labag sa Kristiyanong etika at sa Ebanghelyo, sa aking trabaho, sa aking mga aktibidad, sa aking lipunan o sa aking pamilya, naninindigan ba ako upang sundan ang landas ni Kristo sa kabila ng mga paghihirap at hamon na maaaring dumating, o iniiwasan ko ito? Kaya naman, manalangin tayo kasama ng Santo Papa upang ang mga nasa iba’t ibang panig ng mundo na nagtataya ng kanilang buhay para sa Ebanghelyo ay mahawahan ang Simbahan ng kanilang katapangan at sigasig sa pagmimisyon.”

Nagiging posible lamang ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito:

Saan mapapanood ang video?                                                                                            

 

Tungkol sa Video ng Papa

Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layuning ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin o Pope’s Worldwide Prayer Network). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 210 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa.  Nilikha at prinodyus ang mga video ng pangkat ng Apostolado ng Panalangin o ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi at sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi Comunicación para Buenas Causas.  Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa.

Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN)

Ang Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa (Pontifical Society/Work at Foundation) na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: https://www.popesprayer.va/.

Tungkol sa Aid to the Church in Need (ACN) [Tulong sa Simbahang Nangangailangan]

Ang Aid to the Church in Need (ACN) ay internasyonal na Katolikong organisasyong mapagkawanggawa at pontifical foundation na ang misyon ay tulungan ang mga mananampalataya saanman sila inuusig, inaapi o nangangailangan sa pamamagitan ng impormasyon, panalangin at pagkilos. Mula nang mabuo, ang ACN ay gawain ng pagkakawanggawa at pakikipagkasundo sa paglilingkod sa mga naghihirap na Kristiyano. Ang ACN ay ang tanging internasyonal na organisasyong Katoliko na nakatuon sa pagsuportang pastoral, na may higit sa 5,000 mga proyekto taun-taon, at espirituwal na suporta sa mga inuusig at naghihirap na mga Kristiyano sa buong mundo. Dagdag pa sa kanyang mga proyekto sa kawanggawa, ang kanyang trabaho sa sitwasyon ng kalayaang pangrelihiyon sa buong mundo ay nagpapataas ng kamalayan at nag-aambag sa diyalogo at pagkilos para sa pagbabago. Sa pamamagitan ng paglalathala ng “World Religious Freedom Report,” kilalá na ang ACN bilang isang pinuno at dalubhasa sa larangang ito. Higit pang impormasyon sa: https://acninternational.org.

 

PINDUTIN ANG CONTACT

[email protected]

TULONG SA IGLESIA NA NANGANGAILANGAN (ACN)

Maria Lozano

[email protected]

Mga Martir, Patotoo sa Pananampalataya, Mga Kristiyanong Pinag-uusig, Simbahan, Ang Video ng Papa, Intensyon ng Panalangin

adminMARSO | Para sa mga bagong martir, mga saksi ni Kristo