Ipagdasal natin ang mga nagdurusa dahil sa kasamaang gawâ ng iláng miyembro ng pamayanang simbahan: upang sa mismong Simbahan makatagpo sila ng konkretong tugon sa kanilang pasakit at pagdurusa.
Papa Francisco – Marso 2023
Sa harap ng mga pang-aabuso, lalo na pag ginawa ng mga miyembro ng Simbahan, hindi sapat na humingi ng tawad.
Kailangan ang paghingi ng tawad, ngunit hindi ito sapat. Mabuti para sa mga biktima na sila’y hingan ng patawad, pero sila ang dapat na “nasa gitna” ng lahat.
Maaaring magsimulang gumaling ang sakít at sikolohikal na pinsalang pinagdaanan nila kung makahanap sila ng mga sagot at ng mga konkretong aksyon upang hindi na maulit ang mga kakila-kilabot na dinanas nila.
Hindi maaaring subukang itago ng Simbahan ang trahedya ng mga pang-aabuso, anuman ang mga ito tulad ng mga pang-aabuso sa mga pamilya, sa mga club, sa iba pang uri ng mga institusyon.
Ang Simbahan ay dapat maging halimbawa upang makatulong sa paglutas ng mga ito, at mamalayan ang mga ito sa lipunan at sa mga pamilya.
Ang Simbahan ang kailangang mag-alok ng mga ligtás na lugar para makinig sa mga biktima, samahan sila sa sikolohikal na paraan at protektahan sila.
Ipagdasal natin ang mga nagdurusa dahil sa kasamaang gawâ ng iláng miyembro ng pamayanang simbahan: upang sa mismong Simbahan makatagpo sila ng konkretong tugon sa kanilang pasakit at pagdurusa.
Credits
Campaign title:
The Pope Video – March 2023: For victims of abuse
A project by Pope’s Worldwide Prayer Network
In collaboration with Vatican Media
Creativity and co-production by:
Gaia Valeria Rosa, Diego Angeli and Hermes Mangialardo.
Illustrations by:
Benefactors
—
PRESS RELEASE
“Ang paghingi ng kapatawaran ay hindi sapat.” Ang Papa Francisco ay humihiling ng kasagutan, pagkilos at ligtas na lugar para sa mga biktima ng pang-aabuso
- Ang bagong Pope Video ay isang panawagan na dinggin, samahn at protektahan sa mga inabusong miyembro ng eklesiyal na komunidad.
- Ang mensahe ni Francisco ay nakatuon sa mga biktima ng kasamaang ito, na marapat na sila ang nasa sentro ng lahat.
- Ang Simbahan ay may tungkulin na maghandog ng isang ligtas na lugar para sa mga biktima, at hayaan silang doon ay makahanap ng konkretong katugunan sa kanilang mga sakit at pagdurusa.
(Lungsod Vatican, 2 Marso 2023) – Ipinalabas ang Video ng Papa para sa Marso kasama ang panalanging intensiyon ng Santo Papa na ipinagkatiwala sa Simbahang Katoliko sa pamamagitan ng Pope’s Worldwide Prayer Network.
Ang mensahe ngayong buwan ay para sa lahat ng mga naging biktima ng pang-aabuso, lalo na ang abusong gawa ng miyembro ng Simbahan, upang mahanap ng mga biktima ang konkretong katugunan sa kanilang mga sakit at pagdurusa.
Para kay Papa Fransisco, ang mga biktima ay dapat nasa gitna ng lahat. Sila ay nangangailangan ng katugunan, kongkretong pagkilos upang maremedyuhan ang kahinik-hindik nilang karanasan at maiwasan ang pagka-ulit nito. “Ang paghingi ng tawad ay kinakailangan,” aniya sa pagsisimula ng video, “ngunit hindi ito sapat.”
Makinig, samahan, protektahan, remedyuhan
Sa daang iminumungkahi ng Santo Papa upang tumugon sa mga nagawang pang-aabuso, dapat simulan sa pagtulong sa lipunan ar sa mga pamilya na magkaroon ng kamalayan tungkol sa mga ito. Ito ay trahedya na hindi dapat itago, kahit sa Simbahan, sa “pamilya, sa mga organisasyon o sa iba pang institusyon.
Patuloy na paliwanag ni Francisco, na napakahalaga na ang Simbahan ay mag-alok ng ligtas na lugar upang pakinggan ang mga biktima, na lohikal na samahan sila sa paraang sikolohikal at protektahan sila.
Bulaklak, liwanag, pagpapatuloy ng buhay
Ang pag-alala ni Francisco sa mga biktima at ang kanyang panawagan na ilantad ang mga pang-aabuso ay ipapakita para sa buwang ito, sa pamamagitan ng “animated video” na ginawa ng Pope’s Worldwide Prayer Network at ng Italian artist na si Hermes Mangialardo. Kwento ito na may malakas na simbolikong nilalaman, na naglalaro sa kaibahan ng liwanag at kadiliman, at tumutukoy sa natatanging katangian ng bawat buhay, at ang malalim na paghihirap na dulot ng karahasang naranasan. Sa mga dingding ng isang madilim na bahay, na ang mga kurtinang may madilim na kulay ay pumipigkl sa pagpasok ng liwanag ng araw, may mga nakasabit na mga larawan, simbolo ng sining, bawat isa ay kumakatawan ng buhay sa pamamagitan ng mga bulaklak na lantá dahil kulang ng liwanag. Mga sining na may iba’t-ibang ayos at kulay, ang iba ay kumpleto sa detalye, ang iba ay bahagyang naguhitan ng mala-batang gawa- nakasabit sa iba’t-ibang bahagi ng bahay: sa silid ng mga bata, sa silid ng palakasan, sa silid ng tanggapan ng mga bisita. Ang lahat ng silid magkakaiba sa isa’t-isa, ngunit magkakahalintulad sa kadiliman na siyang namamayani sa kapaligiran, hanggang sa ang mga kurtina sa silid tanggapan ng mga bisita ay mapunit at sa wakas ay makapasok ang liwanag: ang sikat ng araw na hindi lamang nagbibigay liwanag sa bahay, kungdi hinahayaang ang mga tuyo, sugatan, at lantang bulaklak – na ang mga kuwadro at salamin ay hindi nakayang protektahan mula sa mga pang-aabuso na pumasok sa kaloob-looban ng kanilang mga puso – ay manumbalik ang buhay at dahan-dahang bumangon muli, dala-dala ang mga sugat nila.
Si Fr. Frederic Fornos S.J., International Director ng Pope’s Worldwide Prayer Network ay nagsabi tungkol sa panalanging intensiyon, “Sa Mabuting Balita, si Hesus na nagsalita mula sa kailaliman ng kanyang puso ay nagwika: “Ngunit sinuman ang magdulot ng kahihiyan sa mga maliliit na ito na naniniwala sa akin, mabuti pa sa knyang talian ng gilingang bato ang leeg niya at itapon sa kalaliman ng dagat (Mat.18, 6-7). Ang pagdurusa ni Hesus noon ay labis ang tindi. Napakahirap humanap ng mga salita sa harap ng ganoong kasamaan. “Kung ating mararanasan ang desolasyong dulot ng mga sugat na eklesyal, kapaki-pakinabang na, kasama ni Maria, bigyan natin ng higit pang panahon ang pagdarasal. (St.Ignatius of Loyola, Spiritual Exercises, 319) , ipinalaala ni Pope Francis sa kanyang “Liham sa Sambayanan ng Dios” (2018). Nais ng Santo Papa na ang Simbahang Katoliko ay manalangin sa buong buwan ng Marso para sa mga biktima ng pang-aabuso sa kapangyarihan at konsiyensiya, sa sekswal na pang-aabuso, upang gisingin ang ating mga konsiyensiya, pagkakapatiran at pagtatalaga sa kultura ng proteksiyon, at labanan nang masidhi ang lahat ng klase at uri ng pang-aabuso. Ang lugar na ito ng panalangin ay hahantong sa pagmumuni sa mga istruktural at ideolohikal na mga dahilan na humantong sa pang-aabuso at pagbubulag-bulagan sa abuso. Ang panalangin ay nagbubukas sa ating puso, hinahayaan tayong makapakinig at makakita, at pinakikilos tayo laban sa mga krimen na ito na sumisira sa Mabuting Balita ni Hesukristo at sa mukha ng Simbahan, upang makahanap tayo, ayon sa ipinapahayag ng panalanging intensiyon ng Santo Papa, ng mga konkretong kasagutan sa mga sakit at pagdurusa ng mga biktima.
Nagiging posible lamang ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito:
Saan mapapanood ang video?
- Ang Opisyal na Website ng Ang Video ng Papa
- YouTube Channel ng Ang Video ng Papa
- Facebook Page ng Ang Video ng Papa
- Twitter ng Ang Video ng Papa
- Instagram ng Ang Video ng Papa
- Opisyal na Twitter @Pontifex
- Opisyal na Instagram @Franciscus
Tungkol sa Video ng Papa
Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layuning ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin o Pope’s Worldwide Prayer Network). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 189 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa. Nilikha at prinodyus ang mga video ng pangkat ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi at sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi Comunicación para Buenas Causas. Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa.
Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN)
Ang Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa (Pontifical Society/Work at Foundation) na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: www.popesprayer.va.
Tungkol kay Hermes Mangialardo
Hermes Mangialardo – Italian artist na ipinanganak noong 1975 sa Copertino, lalawigan ng Lecce – ay tumatalakay sa lahat ng bagay na umiikot sa digital animation. Sinimulan niya ang kanyang aktibidad bilang isang music video director, na tumanggap ng ilang mga parangal, at kalaunan ay inialay ang kanyang sarili sa paggawa ng mga maikling pelikula at patalastas, lalo na sa larangan ng lipunan. Pinagsasama niya ang paggawa ng mga animation at video clip sa kanyang trabaho bilang visual artist at 3D cartographer, na lumilikha ng mga mapa ng arkitektura sa buong Europa na nagpanalo sa kanya ng ilang internasyonal na parangal. Sa Pope’s Worldwide Prayer Network, nakipagtulungan na siya sa paggawa ng February 2021 Pope Video tungkol sa mga babaeng biktima ng karahasan. Para sa karagdagang impormasyon: hermesmangialardo.com.
CONTACT [email protected]
Hermes Mangialardo [email protected]
Victims, Abuse, Victims of abuse, Helping victims, Abuse of an kind, Refuge, Church.