Nanawagan si Papa Francis sa mga Kristiyano na magbigay patotoo sa pamamagitan ng buhay na kaakit-akit, at hindi namimilit

Press clipping

Sa Video ng Papa para sa Oktubre, hiniling ni Pope Francis sa lahat ng mga tao na maging mga alagad na misyonero sa pang-araw-araw na buhay at trabaho, na nagpapatotoo sa pakikipagtagpo kay Jesus at pamumuhay na nagpapatikim sa “lasa” ng Ebanghelyo.

(Vatican City, Setyembre 30, 2021) – Ipinalabas na ang Video ng Papa tungkol sa hangarin sa panalangin na ipinagkatiwala ni Francis sa buong Simbahang Katoliko sa pamamagitan ng Pope’s Worldwide Prayer Network o Apostolado ng Panalangin.  Sa Oktubre, ang buwan na sinisimulan ang sinodal na paglalakbay at ipinagdiriwang ang Araw ng Pandaigdigang Misyon, nagninilay ang Santo Papa sa ebanghelisasyon na likas na gawain ng Iglesya at tinatawag tayong lahat na maging mga disípulong misyonero.

Tinatawag tayong lahat sa misyong ito.  Nakatuon ang misyon natin, higit sa lahat, sa “pagiging laging handing tumugon sa tawag ng Panginoon at laging pamumuhay na kaisa ang Panginoon sa mga pinaka-karaniwang bagay:  sa ating trabaho, mga pakikipagtagpo, iba pang pang-araw-araw na gawain, iba’t ibang pagkakataon sa bawat araw – sa lahat ng ito, lagi sana nating hinahayaang gabayan tayo ng Banal na Espiritu”.

Mula sa Simbahang misyonero tungo sa mga disipulong misyonero

Sa ilang araw, magsisimula na ang Landas ng Sinodo ng Simbahan, isang tawag na maglakad na magkasama, bilang “peregrino at misyonerong Bayan ng Diyos.”   Sa Video ng Papa para sa Agosto 2021, binigyang-diin na ni Francis ang sariling tungkulin ng Simbahan: ang ebanghelisasyon.  Sa okasyong iyon, hiniling niya sa Simbahan na itaguyod ang desisyong magmisyon na nagsisimula sa desisyong “pagreporma sa ating sarili”.

Sa buwan ng Oktubre, pinalalalim niya ang tawag na ito.  Inaanyayahan niya ang lahat na hayaan ang kanilang sarili na maantig ng pagmamahal ni Cristo at sa gayon, kumilos para magpatotoo sa pamamagitan ng pamumuhay na “nakakahawa” sa iba, na nang-aakit sa halip na mamilit o magmando.  Sa video, sinabi niya sa atin na ang bawat patotoo ng buhay ay pumupukaw ng paghanga ng iba, at sa paghanga nila, napapatanong sila: “Paano naging posible ito?” o “Saan nakuha ng taong ito ang pagmamahal na ipinapadama niya sa lahat, ang kabaitan niya at masayang pakikisama?”

Ang pagiging misyonero ay paghahanap at pagtataguyod ng personal na pakikipagtagpo, harápan, tao sa tao.  

Sa panayam sa libro na pinamagatang Kung Wala Siya Wala Tayong Magagawa: Pag-uusap ukol sa Pagiging Misyonera sa Daigdig Ngayon [Sin Él no podemos hacer nada”. Una conversación sobre ser misioneros en el mundo de hoy] na doon nakolekta ang isang palitan sa pagitan ni Pope Francis at ng Italianong mamamahayag na si Gianni Valente, malinaw na sinabi ng Santo Papa na “lumálagô ang Simbahan sa pamamagitan ng pang-akit at ng pagsaksi.”  Tungkol ito sa pamumuhay nang malapít kay Jesus, sa pakikipagtagpo sa iba: “kung naaakit ka kay Cristo, kung ang mga kilos at gawain mo ay dahil naaakit ka kay Cristo, mapapansin ito ng iba nang walang kahirap-hirap. Hindi na kailangang masyadong ipagmalaki ito o piliting mapansin tayo.  Halatâ agad ito; hindi kailangang ipangalandakan.” Ganito ang pagsasabuhay at pangangatawan natin sa Ebanghelyo sa pang-araw-araw na buhay.  Nagiging apoy ito na pinagniningas ang iba pang apoy.

Misyon at Sinodalidad

“Ang Simbahang Sinodal ay dapat Simbahang misyonero, sapagkat dapat magsimula ang misyon sa dynamism ng kapwa pakikinig, na siyang saligan at kinakailangang kondisyon upang tanggapin kung ano ang iminungkahi ng Espiritu sa Iglesya”, pinatunayan ng Kalihim Pangkalahatan ng Sinodo ng mga Obispo, si Cardinal Mario Grech. “Tulad ng ipinaáalala sa atin ni Pope Francis, sa pamamagitan lamang ng pagdarasal at pagbukas ng ating mga mata sa lahat ng bagay na pumapaligid sa atin, tayo makatutuklas sa ikinikilos ng Banal na Espiritu na nagiging hayagan na.  Sa gayon, tayo’y magiging isang Simbahan na kumikilos, nagmimimisyon, na handang huwag lang lagi ang sarili ang itinuturing na sanggunian, isang Simbahang may kakayahang maging ‘sakramento ng pangangalaga’ para sa lahat, sakramentong lubhang kailangan ng mundo”.

Kilatisin at kilalanin ang kilos ng Banal na Espiritu

Si Fr.  Frédéric Fornos S.J. ang International Director ng Pope’s Worldwide Prayer Network (Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa).  Pinaáalala niya na “bahagi ng panalangin at pangingilatis ng Santo Papa ang mga intensyon ng pananalangin niya, na inilalathala bawat buwan sa Video ng Papa.  Lalo na sa kontexto ng Landas ng Sinodo na sisimulang ngayong Oktubre ng Simbahan, bilang Bayan ng Diyos, ang mga intensyong ito sa pagdarasal ay paanyaya upang kilatisin at kilalanin kung paano tayo tinatawag ng Espiritu ng Panginoon na isabuhay ang pagtugon sa mga hamong kaharap sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan.  Huwag nating kalimutan na ang Synod Way ay nasa pagtingin sa misyon, ng isang simbahang misyonero “na may bukas na pintuan” (EG, n. 46) at natatagpuan ang bukal nito sa pananalangin.”

Nagiging possible lamang ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito:

¿Saan mapapanood ang video?

Tungkol sa Video ng Papa

Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layuning ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 163 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa.  Nilikha at prinodyus ang mga video ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi para sa Mga Mabubuting Kawanggawa.  Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa.

Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN)

Ang PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa (Pontifical Society/Work) na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: www.popesprayer.va

CONTACT PARA SA PRESS

[email protected]

adminNanawagan si Papa Francis sa mga Kristiyano na magbigay patotoo sa pamamagitan ng buhay na kaakit-akit, at hindi namimilit