Ang Video ng Papa ngayong Agosto ay patungkol sa natatanging bokasyon ng Simbahan, ang ipahayag ang Ebanghelyo, at sa pangangailangan ng isang reporma na ayon kay Francisco ay kinakailangang magsimula sa “ating mga sarili mismo” at makakamit mula sa karanasan ng panalangin, ng pagkakawanggawa at ng paglilingkod sa inspirasyon ng Espiritu Santo.
(Lungsod ng Vaticano, 3 Agosto 2021) – Kalalabas lamang ng Video ng Papa kalakip ang intensyon sa panalangin na ipinagkakatiwala ni Papa Francisco sa buong Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa. Sa buwan na ito ng Aposto, pinagninilayan ng Santo Papa ang sitwasyon ng Simbahan, ang bokasyon nito, ang pagkakakilanlan nito, at nananawagan siyang panibaguhin ito “batay sa pagkilatis sa kalooban ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay.” Para kay Francisco, sa mga panahon ng krisis at pagsubok, kinakailangan ng Simbahan ang reporma na dapat magsimula sa “pagbabago ng ating mga sarili mismo” “sa liwanag ng Ebanghelyo.”
Ang pagpapahayag ng Ebanghelyo at ang halimbawa ni Jesus
Nagsisimula ang Ang Video ng Papa sa bokasyong angkin ng Simbahan na ipahayag ang Ebanghelyo. Pangarap ng Santo Papa ang isang ‘mas misyonerong pagpili na humahayo upang makipagtagpo sa kapwa nang hindi nito pilit na hinihikayat na lumipat sa ating relihiyon (proselytismo), at binabago ang lahat ng kanyang mga istruktura para sa ebanghelisasyon ng kasalukuyang daigdig.” Binibigyang-diin ni Francisco na hindi ito batay sa panghihikayat bagkus ang istilong misyonerong ito, una sa lahat, ay sa pamamagitan ng “pagbabago ng ating mga sarili mismo” at ang patotoo ng isang búhay na taglay ang sarap ng Ebanghelyo ang siyang aakit sa ating kapwa.
Tulad ng ipinaliwanag niya sa Ekshortasyong Apostoliko Evangelii Gaudium: “Bawat Kristiyano at bawat pamayanan ay dapat kumilatis kung ano ang landas na ibig ipatahak sa kanila ng Panginoon, ngunit lahat tayo ay inaanyayahan upang tanggapin ang panawagang ito na lisanin ang ating pagiging kampante at maglakas-loob na tunguhin ang lahat ng mga laylayang nangangailangan ng liwanag ng Ebanghelyo.”
Ang unang hakbang ay sumulong sa diwang ito, tulad ng hinihiling sa atin ng Santo Papa at para dito, kinakailangan nating tulutan ang ating mga sarili na gabayan ng Espiritu Santo upang “ipaalala niya sa atin ang itinuro ni Jesus at tulungan tayong isabuhay ito.”
Mga lunas para sa isang Simbahang nasa krisis: panalangin, pagkakawanggawa at paglilingkod
“Ang Simbahan ay laging humaharap sa mga pagsubok, sa mga krisis” ayon rin sa Ang Video ng Papa sa buwan na ito. Ilang buwan pa lamang ang nakalipas nang isapubliko ang sulat kung saan tinanggihan ni Francisco ang pagbibitiw ni Kardinal Marx. Sa naturang sulat, hindi lamang siya sumang-ayon na “ang buong Simbahan ay nasa krisis bunsod ng mga kaso ng pang-aabuso” ngunit hinimok niya itong magpatuloy sa kanyang gawain bilang pastol at binigyang diin na “ang pagbabago ay hindi makikita sa mga salita kundi sa mga pag-uugali na kakikitaan ng lakas-loob na masadlak sa krisis, yakapin ang realidad anuman ang kahihinatnan nito. At lahat ng pagbabago ay nagsisimula sa sarili. Ang pagpapanibago ng Simbahan ay nangyayari sa pamamagitan ng mga taong hindi takot sumuong sa krisis at hayaan ang kanilang mga sarili na baguhin ng Panginoon.”
Ang lunas upang maharap at masimulan ang repormang ito ay hindi kailanman makikita sa kanya-kanya nating mga ideya, ideyolohiya at paghuhusga. Ayon sa halimbawa ni Hesus, mula sa puso ng Ebanghelyo, ang daan ay nagsisimula “sa isang karanasang espirituwal, isang karanasan ng puso, isang karanasan ng pagkakawanggawa, isang karanasan ng paglilingkod.” Tulad rin ng sinabi niya sa sulat kay Kardinal Marx, ito lang “ang kaisa-isang landas, at kung hindi, magiging mga ideyologo lamang tayo ng pagbabago na hindi kayang itaya ang ating mga sarili.”
Ipanalangin ang Simbahan
Ayon kay Padre Frédéric Fornos S.J., Pandaigdigang Direktor Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa: “Noon pang katapusan ng nakaraang taon, ilang araw bago sumapit ang Pasko, tinangka nang ilatag ni Francisco ang pagkakaiba sa pagitan ng alitan at krisis upang gawing malinaw na laging may magandang maibubunga ang huli. Na ito ay isang magandang panahon para sa Ebanghelyo at sa pagpapanibago ng Simbahan. Tulad ng sinabi ng Santo Papa: “Dapat tayong maging matapang at handa sa lahat; kailangan na nating itigil ang pag-unawa sa reporma ng Simbahan bilang pagsusulsi ng isang lumang damit.” Sa harap ng krisis, ang una nating kailangang gawin ay tanggapin ito bilang isang magandang panahon upang hanapin at kilalanin ang kalooban ng Diyos. Nangangahulugan ito na hindi tayo dapat huminto sa pananalangin, tulad ng laging ipinapaalala ng Papa; hindi tayo dapat tumigil sa pagsunod sa halimbawa ni Hesus sa paglilingkod, pagkakawanggawa, at pakikipagtagpo sa kapwa, sa mga nagdurusa, sa mga mahihina at sa mga pinaka-nangangailangan.” “Ang daan ay laging may kinalaman sa gawa. Ang krisis ay sa gawa at bahagi ito ng daan,” sabi rin niya. Ipanalangin natin ang Simbahan, upang tanggapin niya mula sa Espiritu Santo ang biyaya at lakas na baguhin ang kanyang sarili sa liwanag ng Ebanghelyo.”
The Pope Video is possible thanks to the generous contributions of many people. You can donate by following this link.
¿Saan mapapanood ang video?
- Ang Opisyal na Website ng Ang Video ng Papa
- YouTube Channel ng Ang Video ng Papa
- Facebook Page ng Ang Video ng Papa
- Twitter ng Ang Video ng Papa
- Instagram ng Ang Video ng Papa
- Opisyal na Twitter @Pontifex
- Opisyal na Instagram @Franciscus
Tungkol sa Video ng Papa
Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layunin ang ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 160 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa. Nilikha at prinodyus ang mga video sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi at ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi. Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa.
Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN)
Ang PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: www.popesprayer.va