Sa bagong Ang Video ng Papa para sa Setyembre, malakas na nanawagan si Papa Francis na kuwestiyunin ang mga stilo ng pamumuhay natin at ang paraan ng paggamit sa mga kalakal ng planeta upang imungkahi ang isang pagbabago batay sa respeto, responsableng pangangalaga sa kalikasan, pagiging simple, matino at mapagtimpi.
(Vatican City, Setyembre 2, 2021) – Kalalathala pa lamang ng Ang Video ng Papa na may hangaring pampanalangin na inihahabilin ni Francis sa buong Simbahang Katoliko sa pamamagitan ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Santo Papa (Apostolado ng Panalangin). Sa buwang ito ng Setyembre, buwan ng Panahon ng Sangnilikha (Season of Creation), muling tinutugunan ng Santo Papa ang krisis sa kapaligiran na pinagdadaanan ng sangkatauhan. Sa pagbibigay-diin sa “mga kabataan [na] may lakas ng loob na magsagawa ng mga proyekto ng pagpapabuti sa kapaligiran at pagpapabuti ng lipunan“, tinatawagan tayong tanungin ang ating sarili tungkol sa stilo ng ating pamumuhay at sa paraan ng paggamit natin sa mga materyal na yaman ng planeta – “na madalas nakákasamâ sa Lupà”. Nananawagan ang Papa para sa pagbabago “patungo sa stilo ng pamumuhay na mas simple at mas mapag-alaga sa sangnilikha.” Ang edisyong ito ng Ang Video ng Papa ay suportado ng BIP, isa sa mga nangungunang kumpanya ng pagkonsulta sa Europa na may higit sa 3,500 na mga propesyonal sa buong mundo.
Ang ugat ng krisis sa ekolohiya sa ugali ng tao
Hindi na bago ang pangangailangan para sa mga agarang aksyon upang labanan ang krisis sa kapaligiran at sa lipunan; Parami nang parami ang mga pandaigdigang panawagan na subukang gawing kamalayan na kailangang baguhin ng sangkatauhan ang sitwasyon. Noong nakaraang Hunyo, nagbabala ang UN na “mabilis na umaabot ang daigdig sa ‘puntong kalabisan na di na mababalikan’ at nahaharap tayo sa tripleng pagbabanta: pagkawala ng biodiversity, pagbabago ng klima at paglalâ ng polusyon.” Apektado nitong tatlo ang buhay ng bawat isa: “Dahil sa pagkasira ng natural na mundo, nanganganib ang kagalingan ng 3.2 bilyong katao o, kung baga, 40% ng sangkatauhan”. Dagdag ni António Guterres, Kalihim Heneral ng UN, “masyadong matagal na ang ginagawa ng sangkatauhan na pagputol sa mga puno sa mga kagubatan ng planeta, pagtapon ng dumi sa mga ilog at karagatan at pag-araro sa mga parang at damuhan hanggang sa maubos ang yaman ng lupà. Lubhang nasisirà na natin ang mga ecosystem na bumubuhay sa ating mga lipunan”.
Ngunit tulad ng pauna nang sinabi ni Francisco sa Laudato Si’, “hindi makakatulong na ilarawan lang ang mga sintomas, kung hindi natin makilala ang mga ugat ng krisis sa ekolohiya sa ugali ng tao”. Iyon ang dahilan kung bakit kinakailangan, una sa lahat, na pagnilayan ang stilo ng pamumuhay natin, upang makita ang lawak ng epekto ng ating mga aksyon na nakasásamâ sa planeta: “Lalo na sa mga sandaling ito ng krisis, krisis sa kalusugan, krisis sa lipunan, krisis sa kapaligiran – sabi ni Francis sa Ang Video ng Papa – pagnilayan natin ang ating pamumuhay. Pagnilayan natin kung paano ang paraan ng pagpapakain natin sa ating sarili, pagkonsumo, paglakbay, o paggamit ng tubig, enerhiya at plastik, at maraming materyal na kalakal ay madalas na nakakasama sa Lupà.”
Baguhin ang mundo sa tapang ng mga kabataan
“Piliin nating magbago” ang kahilingan ng Santo Papa. At itinutuon niya ang kanyang paningin sa mga kabataan kapag iniisip ang tungkol sa pagbabagong ito, dahil isinasaalang-alang niya na sila ang nangunguna sa mga isyu sa ekolohiya at sila ang mga “may lakas ng loob na magsagawa ng mga proyekto para sa pagpapabuti sa kapaligiran at sa lipunan.”
Ang mensahe ng Santo Papa ay ibinahagi din ng BIP, ang kumpanya na sumuporta sa video ngayong buwan. Ipinaliwanag ng pangulo nito, si Nino Lo Bianco, ang dahilan: “Ang aming misyon bilang isang kumpanya ay hangarin ang sustainable [mapagpapatuloy nang matagal na panahon] at inclusive [mapag-sali ng kapakanan ng lahat] na paglago ng ekonomiya na pinahahalagahan at pinoprotektahan ang ating planeta. Napagpasyahan naming suportahan ang mensahe ni Papa Francis sa buong sangkatauhan dahil mahigpit kaming nakatuon sa paglahok nang aktibo sa pagbuo ng mga solusyon at aktibidad na naglalayong mapabuti at mapamahalaan ang positibong epekto sa mga pamayanan at kalikasan, sa pamamagitan ng aming gawain. “
Sa kanya namang bahagi bilang Pandaigdigang Director ng Pope’s Worldwide Prayer Network, sinabi ni Fr. Frédéric Fornos S.J.: “Muli hindi tayo maaaring magwalangbahala sa mga salita ni Francisco. Sa harap ng krisis sa ekolohiya, may matinding pangangailangan na baguhin natin ang ating pamumuhay upang matinô at mapag-alaga sa sangnilikha. Namamalayan ba natin ang matinding pangangailangang ito? Kapag nagsasalita sa atin ang Papa tungkol sa integral ecology, ipinahihiwatig niya na sa ating buhay, ang lahat ay magkakaugnay. Hindi na sapat ang mga salita upang protektahan ang mundong tahanan nating lahat. Manalangin tayo upang makakilos tayo nang may katapangan tulad ng mga kabataan, upang humantong sa isang mas matino at eco-sustainable na buhay na magbibigay-katiyakan sa ating kinabukasan . Sa Laudato Si’, nagmumungkahi si Papa Francis sa atin ng isang landas, isang pagbabalik sa pagiging simple, sa pakikipagkapatiran sa Sangnilikha at sa mga pinaka-nangangailangan”.
Tulad ng mga nagdaang taon, nang ang mga hangarin ni Francis ay tungkol sa mga karagatan (2019) at mga yamang mapagkukunan (resources) ng Daigdig (2020), ngayong Setyembre ang edisyon ng Ang Video ng Papa, ay bahagi ng taunang pandaigdigan at ecumenikal na pagdiriwang ng Panahon ng Sangnilikha. Sa 2021, magaganap ito mula Setyembre 1, Pandaigdigang Araw ng Panalangin para sa Pangangalaga ng Sangnilikha, hanggang Oktubre 4, kapistahan ni San Francisco de Asis, ang patron ng ecolohiya. Liban pa sa suporta ng BIP, ang videong ito bunga rin ng pakikipagtulungan sa Dicasteryo para sa Serbisyo ng Pangkabuuang Pag-unlad ng Tao at sa Kilusang Laudato Si’ (dating Kilusang Pandaigdig para sa Klima). Ang video ay pinangunahan ni Nicolas Brown (tatlong beses na nanalo ng Emmy Award) at katulong na mga co-prodyuser ang Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Santo Papa [PWPN], ang Off the Fence Productions at ang La Machi Communication for Good Causes.
Nagiging posible ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito.
¿Saan mapapanood ang video?
- Ang Opisyal na Website ng Ang Video ng Papa
- YouTube Channel ng Ang Video ng Papa
- Facebook Page ng Ang Video ng Papa
- Twitter ng Ang Video ng Papa
- Instagram ng Ang Video ng Papa
- Opisyal na Twitter @Pontifex
- Opisyal na Instagram @Franciscus
Tungkol sa Video ng Papa
Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layuning ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 161 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa. Nilikha at prinodyus ang mga at ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi video sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi para sa Mga Mabubuting Kawanggawa. Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa.
Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN)
Ang PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa (Pontifical Society/Work) na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: www.popesprayer.va
CONTACT PARA SA PRESS
BIP
Camilla Castaldo