Inilalaan ng Santo papa ang kanyang intensiyon sa panalangin para sa buwan ng Hunyo sa kagandahan ng kasal, isang landas ng panghabambuhay na pananagutan kung saan “ang magkabiyak ay hindi mag-isa; sinasamahan sila ni Hesus.”
(Lungsod ng Vaticano, Ika-1 ng Hunyo 2021) – Katatapos lang ilabas ang Video ng Papa na nilalaman ang intensiyon sa panalangin na ipinagkakatiwala ni Francisco sa buong Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa. Nakapaloob sa “espesyal na Taon na nakatuon sa pamilya” na nagsimula noong ika-19 ng Marso 2021, tampok sa video ang kagandahan ng kasal. Inilathala ito sa pakiikipagtulungan sa Dicasterio ng Laiko, Pamilya at Buhay.Hinihikayat ng Santo Papa ang mga kabataan na tumahak sa landas na ito ng pananagutan dahil “napakagandang bagay naman ang pagpapakasal at pagsasalong-buhay.” Dahil dito, ito ay isang bokasyong sulit kahit mahirap dahil “May pangarap ang Diyos para sa atin: ang pag-ibig. At hinihiling niyang yakapin natin ito.” Binibigyang-diin ng intensiyon sa panalangin na ang kasal ay “hindi isang gawaing panlipunan lamang,” kundi “isinisilang mula sa puso.”
Ang pandaigdigang mga pag-uugali ngayon pagdating sa kasal
“Totoo kaya ang sinasabi ng iba na ang mga kabataan ngayon ay ayaw nang magpakasal, lalo na sa mga mahihirap na panahong ito?,” ang bungad na tanong ni Francisco sa Video ng Papa. Sa panawagang ito, umaalingawngaw pa ang mga hirap at pasakit na kinailangang pagdaanan ng maraming pamilya at mag-asawa dahil sa pandemya.
Ayon sa ilang datos, patuloy na bumababa ang bilang ng nagpapakasal mula pa noong 1972 hanggang umabot sa punto na sa mga bansang tulad ng Estados Unidos, sumadsad na ito sa pinakamababa nitong nibel. Sa maraming bansa, kasabay ng pagbaba sa bilang ng nagpapakasal ang pagtaas ng edad kung kailan karaniwang nagpapakasal ang mga tao (sa Sweden halimbawa, ito ay nasa edad 34). Pagdating sa mga pamilya, makikita hindi lamang ang kapansin-pansing pagtaas sa bilang ng mga batang ipinapanganak sa labas ng kasal sa halos lahat ng bansang OECD, ngunit dumarami rin ang bilang ng mga nauuwi sa diborsyo na sa ilang bansa ay umaabot minsan sa higit kalahati ng mga ikinasal.
Ang pamamalagi sa tahanan ay nagdulot sa maraming kaso ng tensyon at di-pagkakaunawaan sa pamilya kung kaya mas naging mahirap ang pakikipamuhay sa isa’t-isa. Gayunpaman, hinihimok tayo ng mensahe ng Papa upang magpatuloy, upang lakasan natin ang ating loob: “Sulit maglakas-loob. At sa biyaheng ito na pang-habambuhay, ang magkabiyak ay hindi mag-isa; sinasamahan sila ni Hesus.”
Espesyal na Taong nakatuon sa Pamilya
Ang Video ng Papa ngayong Hunyo ukol sa kasal ay sadyang napapanahon. Noong pista ng Sagrada Pamilya ng taong 2020, itinakda ni Papa Francisco ang isang espesyal na Taon na nakatuon sa pamilya, at ito ay nagsimula noong ika-19 ng Marso 2021 na may temang: “Ang pagmamahalan ng pamilya: bokasyon at landas ng kabanalan.” Ang paanyayang ito ay kasabay ng ikalimang anibersaryo ng ekshortasyong apostoliko na Amoris Laetitia at ng ikatlong taon ng ekshortasyong apostoliko na Gaudete et Exsultate na isinasakonteksto ang intensyon ngayong buwan sa bokasyong magmahal ng bawat tao mula sa papel na kanyang ginagampanan sa loob ng kanyang tahanan. Maliban dito, kaagapay rin ito sa isa pang mahalagang pangyayari: ang Taon ni San Jose na magtatagal hanggang ika-8 ng Disyembre.
Natatanging paghahanda para sa kasal
Isang mahalagang aspeto ng Video ng Papa ang pagpapakita sa kagandahan ng kasal at ng pamilya bilang higit pa sa pagiging isang “gawaing panlipunan”; “isa itong bokasyon na isinisilang mula sa puso, isang mulát na desisyong panghabambuhay na nangangailangan ng natatanging paghahanda.”
“Priyoridad ang paghahanda ng mga kabataan at ikakasal para sa isang tunay na bokasyonng karapat-dapat sa kanila, at hindi lamang para sa pagdiriwang ng kasal.” Ito ang komento ng Undersecretary ng Dicasterio para sa Laiko, Pamilya at Buhay, si Propesor Gabriella Gambino. “Hindi dapat kalimutang magsimula muli sa ganap na pag-unawa sa kahulugan ng Binyag, upang humantong sa pagpapahalaga sa presensya ni Cristo sa pang-araw-araw na buhay, una, ng magkasintahan, at pagkatapos, ng mag-asawa; sa ganitong paraan, maitatanim sa puso ng mga kabataan ang katiyakan na ang sarili nilang proyekto ng pagsasama at pagtatag ng pamilya ay tugon nila sa isang bokasyon at ang katiyakang posible ang proyektong ito. Sa isang napaka-secular nang lipunan na hindi na naniniwala sa pag-aasawa, napakahalagang ipahayag ang lakas at kapangyarihan ng sakramento bilang bokasyon, para ipahayag na ang ugnayan ng mag-asawa at pamilya ay may mapanligtas na halaga at idaan ito tungo sa kabanalan. Kaugnay nito ang kongkretong pagdadala kay Kristo sa buhay ng mga pamilya.”
Ayon kay Padre Frederic Fornos, S.J., ang International Director ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, “binibigyang diin ng Papa sa intensiyong ito sa panalangin ang kagandahan ng kasal at isinasaad ang kanyang hiling na paghandaan ng mga kabataan ang sakramento sa tulong ng ‘suporta ng isang pamayanang Kristiyano.’ Ang matrimonyo ay isang bokasyon, isang pagtugon sa tawag ng Panginoon, at harinawa, ang desisyong magpakasal at bumuo ng pamilya ay maging bunga ng espiritwal na pagkilatis. Upang maipaubaya ang sarili na tangayin ng pangarap ng Diyos para sa atin, ng pag-ibig, kinakailangan ang suporta at pag-agapay ng pamayanan. Tulad nga ng sinabi ni Francisco sa mga kabataang naghahanda para sa kasal: ‘para umibig, kailangan ng maraming pasensiya’ subalit sa panghabambuhay na biyaheng ito, sinasamahan sila ni Hesus, ang mukha ng pag-ibig ng Ama. Yakapin natin ang pangarap na ito ng Diyos na lumago sa pag-ibig at magtaya sa biyahe ng pananagutan sa matrimonyo at pamilya sa espesyal na taong ito ni San Jose.”
Ang Video ng papa ay nagiging posible salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito:
¿Saan mapapanood ang video?
- Ang Opisyal na Website ng Ang Video ng Papa
- YouTube Channel ng Ang Video ng Papa
- Facebook Page ng Ang Video ng Papa
- Twitter ng Ang Video ng Papa
- Instagram ng Ang Video ng Papa
- Opisyal na Twitter @Pontifex
- Opisyal na Instagram @Franciscus
Tungkol sa Video ng Papa
Ang Video ng Papa ay isang opisyal na inisyatibong pandaigdigan na layong ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Ito ay ginagawa ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin). Mula pa noong 2016, ang Video ng Papa ay napanood na ng higit sa 155 milyon ulit sa lahat ng mga social network, at isinalin na sa higit sa 20 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan (press) sa 114 na mga bansa. Ang proyekto ay suportado ng Vatican Media. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa
Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN)
Ang PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (“statutes”) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang International Director (Pangmundong Tagapangasiwa) ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: www.popesprayer.va