Ang Papa: Ang Pamilya, Landas patungo sa Diyos Sa Pamamagitan Ng Pang-Araw-Araw Na Buhay

  • “Ang pag-ibig sa pamilya ay personal na landas tungo sa kabanalan,” ang sinalungguhitan ni Francis sa video na ito.
  • Sa kanyang mensahe, batid ng Papa na “wala namang perpektong pamilya” at, kasabay nito, paalala niya sa atin na“Kasama natin ang Diyos”.
  • Hinihikayat ng Santo Papa ang mga Kristiyanong pamilya na magpahayag ng pagmamahal sa mga konkretong kilos, matuto mula sa mga pagkakamali at hanapin ang presensya ng Diyos sa lahat ng oras.

(Lungsod ng Vatican, Hunyo 2, 2022) – Bagong labas pa lang ang Video ng Papa para sa buwan ng Hunyo na may layunin sa panalangin na ipinagkakatiwala ni Francis sa buong Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Pope’s Worldwide Prayer Network (Apostolado ng Panalangin). Sa buwang ito, hinihiling ng Santo Papa “para sa mga Kristiyanong pamilya sa buong mundo, upang, sa pamamagitan ng mga konkretong kilos, mamuhay sila ng walang-kondisyong pag-ibig at kabanalan sa pang-araw-araw na buhay.”

Ang Pamilya sa Sentro

Matapos ang video noong Mayo tungkol sa mga kabataan, patuloy ang tatlong buwang serye ng Video ng Papa sa pagtalakay sa pamilya bilang kontexto o sentro ng pagmamahalan. Ang mga video ay likha ng Pope’s Worldwide Prayer Network (Apostolado ng Panalangin) sa pakikipagtulungan ng Dicastery for the Laity, Family and Life. Ang intensyon ng panalangin ngayong buwan ay kasabay ng pagdiriwang ng World Meeting of Families mula Hunyo 22 hanggang 26 sa Roma. Ang kaganapang ito ang magsasara ng isang taon na nakatuon sa pagmumuni-muni sa pamilya sa okasyon ng ika-limang anibersaryo ng Apostolic Exhortation na pinamagatang Amoris laetitia.

Ang Krisis Sa Pamilya?

Sa loob ng maraming taon, tila nasa permanenteng krisis ang pamilya. Dahil dito, mahalagang pangalagaan ang sariling pamilya, sa konkretong sitwasyon nito. Sa katunayan, ang pamilya ay nananatiling pangunahing pinagmumulan ng kahulugan para sa buhay ng maraming tao. Ito ang natuklasan ng survey na isinagawa ng Pew Research Center noong 2021. Tinanong nito ang mga tao kung ano’ng nagbibigay ng kahulugan sa kanilang pag-iral. At unang binanggit ng mga sumagot ang pamilya, bago banggitin ang kanilang propesyonal na karera, o materyal na kagalingan o kalusugan.

Ang Pamilya Bilang Daan Tungo Sa Kabanalan

“Siyempre, walang perpektong pamilya; laging may “ngunit”, pero okay lang. Hindi tayo dapat matakot sa mga pagkakamali; dapat tayong matuto mula sa kanila”, sabi ng Papa. Paalala niya, liban sa malaking halaga ng tao, mahalaga din ang pamilya mula sa pananaw ng pananampalataya: “Ang pag-ibig sa pamilya ay isang personal na landas ng kabanalan para sa bawat isa sa atin “. Kaya, ang pananampalataya ay nag-aalok ng mga dahilan at paghihikayat upang protektahan ang institusyon ng pamilya. Wika ni Francis: “Huwag nating kalimutang kasama natin ang Diyos: sa pamilya, sa kapitbahayan, sa lungsod na ating tinitirhan, kasama natin Siya….Nagmamalasakit Siya sa atin, nananatili kasama natin sa lahat ng pagkakataon: kapag hinahampas ng alon ang bangkâ natin, kapag nagtatalo tayo, kapag nagdurusa tayo, kapag masaya tayo, naryan ang Panginoon….”

Tungkol sa mga pamilyang sumusulong sa landas ng kabanalan, sabi ni Cardinal Kevin Farrell, Prefect ng Dicastery for the Laity, Family and Life: “Paalala ng Amoris Laetitia na walang perpektong pamilya, at hindi tayo dapat matakot sa mga paghihirap. Lahat ng pamilya ay may mga alalahanin at pagdurusa, ngunit may kagalakan din at pag-asa. Ang mga ugnayan ng pagmamahalan sa pagitan ng mag-asawa, magulang, anak, at lolo’t lola ang siyang nagiging mga daan ng kabanalan, sa mga simpleng kilos araw-araw, na kahit maliit ay ginagawang pambihira ang mga ordinaryong sandali.”

Nagkomento si P. Frédéric Fornos S.J., Internasyonal na Direktor ng Pope’s Worldwide Prayer Network (Apostolado ng Panalangin) tungkol sa layuning ito. “Pinapaalalahanan tayo ni Francis na sa pamilya tayo natututong mamuhay kahit iba’t iba tayo, kasama ang mga bata at mga nakatatanda. Ang pagkilala sa pagiging iba’t iba natin ay isang kayamanan, hindi isang bantâ. Sa mundo ngayon, tila ang pagkakaiba ay nagdudulot ng pag-aaway sa halip na magbukas ng mga bagong landas. Ang pamilya ang lugar para matutong magmahal, mamuhay nang sama-sama sa kabila ng ating mga pagkakaiba. Sa pamilya, natututo tayo mula sa mga pagkakamali, at batid na ang Panginoon ay naroroon, tumutulong at sumasama sa atin. Ang karanasang ito ng presensiya ng Diyos ay bunga ng panalangin, kaya mahalagang ipagdasal ang hangarin ng panalangin na ito ng Papa”.

Nagiging posible lamang ang Ang Video ng Papa salamat sa bukas-palad na ambag ng maraming tao. Maaari kayong magbigay ng inyong donasyon sa link na ito:

Saan mapapanood ang video? 

 

Tungkol sa Video ng Papa

Ang Video ng Papa ay opisyal na pandaigdigang inisyatibo na layuning ipakalat ang mga buwanang intension ng Santo Papa. Isinasagawa ito ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (Apostolado ng Panalangin o Pope’s Worldwide Prayer Network). Mula pa noong 2016, napanood na ang Video ng Papa nang higit sa 176 milyong ulit sa lahat ng mga social network ng Vatican, at isinalin na sa higit sa 23 mga wika at iniulat na sa mga pahayagan sa 114 na mga bansa. Nilikha at prinodyus ang mga video ng pangkat ng Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa, sa pakikipag-coordinasyon kay Andrea Sarubbi at sa pakikipagtulungan ng Agencia La Machi Comunicación para Buenas Causas. Suportado ng Vatican Media ang proyektong ito. Higit pang impormasyon sa: Ang Video ng Papa.

Tungkol sa Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa (PWPN)

Ang Pandaigdigang Lambat-Panalangin ng Papa PWPN o Pope’s Worldwide Prayer Network ay isang Gawain ng Santo Papa (Pontifical Society/Work at Foundation) na may misyong pakilusin ang mga Katoliko sa pamamagitan ng panalangin at gawa upang tumugon sa mga hamong kinakaharap ng sangkatauhan at ng misyon ng Simbahan. Ipinababatid ang mga hamong ito sa pamamagitan ng mga intensiyon sa panalangin na hinihiling ng Santo Papa na ipagdasal ng buong Simbahan. Nakaugat ang misyon ng samahang ito sa mga hangarin at layunin ng Puso ni Hesus na walang iba kundi ang misyon ng pagdadalang-awà at pagmamalasakit sa mundo. Itinatag ang PWPN noong 1844 bilang Apostolado ng Panalangin. Matatagpuan ito sa 89 na bansa at binubuo ng 22 milyong Katoliko. Bahagi ng PWPN ang isang sangay ng kabataan: ang EYM o Eucharistic Youth Movement (Kilusang Eukaristiko ng Kabataan). Noong Disyembre 2020, itinalaga ng Santo Papa ang gawaing ito bilang isang Vatican Foundation at inaprubahan ang mga bagong tuntunin (statutes) nito. Si Padre Frederic Fornos, SJ ang Pandaigdigang Direktor ng PWPN. May higit pang impormasyon sa: https://www.popesprayer.va/

Tungkol sa Dicastery for the Laity, Family and Life

Ang Dicasterio para sa Layko, Pamilya at Buhay ay namamahala sa pagpapalakas ng apostolado ng mga mananampalatayang layko, sa pastoral na pangangalaga sa mga kabataan, mag-asawa at pamilya at ang kanilang misyon ayon sa plano ng Diyos, pag-alaga sa mga matatanda at pagtataguyod at proteksyon ng buhay. Para sa karagdagang impormasyon: http://www.laityfamilylife.va. Tungkol sa “Taon ng Amoris Laetitia para sa Pamilya”, tingnan ang: www.amorislaetitia.va.

 

CONTACT [email protected]

adminAng Papa: Ang Pamilya, Landas patungo sa Diyos Sa Pamamagitan Ng Pang-Araw-Araw Na Buhay